Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

“Ang Kuwento ng Isang Bata”

Posted by Paurong sa Linggo, Hunyo 11, 2006

written last May 17, 2006

Naisip ko na para palang lindol ang problema. Hindi mo alam kung kailan ito magaganap, ni hindi mo malaman ang gagawin kapag nangyayari na at pagkuwa’y lilikha ng mga kasunod na pag-uga ng lupa na muling lalambong ng pagkalito sa atin. Ngunit kapag nasasagi sa aking isip ang tungkol sa mga suliranin, o nababatid mula sa mga tao sa aking paligid, bumabaon sa aking alaala ang kuwento ng isang batang kilala ko.

Ipinanganak siya sa isang masayang pamilya—kasama niya ang kanyang mga magulang, tatlong nakababatang kapatid na babae, lolo, lola at dalawang tita. Noon ay nakatira sila sa Pasig pero biglang nagpalipat-lipat sila ng tirahan hanggang sa mapadpad sa Cebu, Mindoro, Cavite, Davao, at babalik din pala sa Pasig kung saan nagpaiba-iba rin ng masisilungan.

Isang umaga, habang masaya siyang naglalaro sa labas ng bahay ng kanyang lolo at lola, napansin niyang papunta sa kalsada ang kanyang ina at tatlong kapatid na lahat nakabihis pang-alis at may mga dalang bag.

“Sama ako! Sama ako!” pagsusumamo ng bata sa kanyang nanay.

“Maligo ka muna,” mataimtim na sagot sa kanya.

Nagtago ang bata upang malaman kung maghihintay nga ba ang mag-iina at nang mapagtantong nagsasabi sila ng totoo ay kumaripas sa pagligo ang bata. Nang bumalik siya sa kinaroroonan ng mag-iina ay wala siyang nadatnan. May galit at luha sa kanyang
mukha, umuwi ang bata at doon naghintay sa pagbalik ng mga ito. Naghintay siyang muli. Wala. Muli siyang naghintay ngunit walang bumalik. Ilang araw mula noon, nagpaalam naman ang kanyang tatay sapagkat magtatrabaho daw ito sa Masbate.

Gayunpaman, masuwerte ang bata dahil hindi siya humantong sa malulupit na kamay. Nabuhay siya sa piling ng kanyang lolo at lola. Iginapang ng matatanda ang batang ito na humakot ng maraming karangalan. Palaging Top 1 ang bata mula Kinder hanggang Grade Six. Sa loob ng maraming taon, sa bawat araw ng bawat buwan, siya ay naghintay na kunin ng kanyang pamilya.

Ngunit wala. Ni tawag, ni liham, ni pagbati sa araw ng Pasko at maging sa mismo niyang kaarawan. Wala. Ni bakas ng anino.

Namulat ang kanyang mga mata sa isang bagay na kayhirap harapin: wala siya sa piling ng kanyang mga magulang at masasabing produkto siya ng isang broken family. Sa kabila ng paunti-unting pagdilat, minarapat niyang magpasalamat na mayroon siyang dalawang butihing tita na napakabait sa kanya at palaging nakaalalay, isang masipag at mapagmahal na lola, at isang matiyaga at mapagpakumbabang lolo na kung tutuusin ay nakapagsakripisyo ng maraming bagay alang-alang sa kanyang apo. Subalit dumatal ang araw na kailangan nang kunin ng Poong Maykapal ang dating naghahatid-sundo sa bata dala ang isang bisikleta. Dulot ng pagka-stroke, pumanaw ang kanyang lolo. Hindi halos kinaya ng bata ang tagpo ng libing sapagkat hindi niya matanggap sa sarili na wala na ang lolong buong-pusong nag-alaga sa kanya. Tinanggap niya ang masakit na katotohanan.

Hanggang sa dumating ang araw ng Graduation ng bata. Sa umagang iyon, sa mismong pagmulat ng kanyang mga mata, hindi niya inasahang datnan ang kanyang mga
magulang kasama ang isa niyang kapatid. Nagkulong ang bata sa banyo at doon ibinuhos ang mga luhang tigib ng poot at pagdaramdam. Wala siyang nagawa nang ang kanyang tatay ang nagsabit ng gintong medalya sa kanya sa entablado. Sinapintaha niya na mabubuo na muli ang kanyang pamilya, ngunit yamang nagkamali siya kaya’t naganap ang mala-bulang paglaho ng mga ito.

Sa paglipas ng panahon ay iniwan na rin siya ng kanyang dalawang tita na nagsipag-asawa. Kung iisipin, hanggang ngayon ay masuwerte pa rin ang bata sapagkat inaaruga siya ng kanyang mapagpunyaging lola.

Sa pagpasok ng bata sa hayskul, napabilang siya sa pilot class. Malimit niyang itago ang karamdamang ito. Bihira ang nakaalam ng kanyang kuwento. Noong una ay matiwasay pa siya ngunit nang maglaon ay napariwara—hindi dahil sa kung anumang masamang bisyo kundi bunsod ng mapagbirong multo ng kahapon. Nagsimula siyang lumiban nang lumiban sa mga klase, o kung hindi man absent ay late naman. Tuwina sa gabi’y tumatangis siya at animo’y bulag na kumakapa sa solusyon sa kanyang mga problema. Sa eskuwelahan, nagbago siya at nasanay sa pakikipagtalo hindi lamang sa kapwa mag-aaral ngunit maging sa mga guro. Dumalang ang mga nakaintindi sa kanya. Humupa ang kanyang pagkasabik na mabuo pa ang kanyang pamilyang winasak ng sarili nitong mga kuko. Kulang na lamang ay magtangkang magpakamatay ang bata. Noon, napupuri siya dahil sa umano’y angkin nitong husay sa pagsulat ngunit nawalan siya ng gana sa ganoong gawain. Gayong kabilang siya sa mga manunulat ng kanilang pampaaralang pahayagan ay hindi niya sineryoso ang pagsulat. Maya’t maya kapansin-pansin ang kanyang kalungkutan.

Naghingalo ang kanyang pag-asa sa buhay ngunit sa halip na mabalutan siya ng
kadiliman ay dagling tumubo ang isang bagay na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay—ang pagkakakilala niya sa Diyos. Nabuhayan siya ng loob. Mulang malaman niya na hindi pala siya nag-iisa, tumalalan siyang parang bata, natutong bumangon, tumindig at lumakad. Simula nang makilala niya ang Diyos at matutuhan ang mga bagay ukol sa Kanya, ang kanyang buhay ay sumigla. Lahat ng pagdarahop, lahat ng pagtitimpi ng hinanakit, lahat ng kabiguan at pagkasawi, lahat ay napalitan ng isang ganap na kasiyahan—ang matamo si Kristo sa kanyang puso. Natuto siyang malanganin at manalig, magpasalamat at humingi ng tawad. Ang bunga? Biyaya. Marami ang nagmahal sa kanya; hindi pala siya nag-iisa. At hindi pala siya kinamumuhian ng mundo. Sadyang pagsubok lamang ang lahat.

Sa ngayon, naghahanda ang dating malungkot na bata sa mga susunod pang kabanata ng kanyang buhay. Alam niyang maraming taong handang tumulong sa kanya sa oras ng kagipitan at alinlangan.

Masaya na siya, sa wakas, wala man sa piling ng kanyang pamilya, nasa piling naman siya ng Diyos na parating gumagabay sa kanyang paglalakad sa landasin ng buhay…

Siya nga pala, ang munting batang ito ay ako.

About these ads

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 41 other followers

%d bloggers like this: