Sa bilis na 0.625 m/s, hindi umangat sa papel ang bolpeng ginagamit niya. Ayun! Hindi naman talaga niya alam ang isusulat pero nagpatuloy pa rin siya sa pagtukoy ng tamang quadratic formula. “May square root yun!” Kahit anong pilit niya, nagpatuloy lang sa pag-urong-sulong ang ballpen. Kahit anong piga niya sa utak niya, nahirapan pa rin siyang pumili ng sagot sa bawat item.
Kung hindi dahil sa nakasisilaw na kaputian ng hita ng Algebra professor na nagbabantay sa mga kumukuha ng exam, baka kahit papaano ay naisulat niya sa kanyang scratch paper ang tamang quadratic formula.
“Square root of what? Over negative something ba ‘yon?”
Palibhasa’y sexy ang professor kaya hindi niya napigilang mapatitig, mapahinto sa pag-iisip, at mapanganga sa tuwa dulot ng magandang tanawin. Hindi siya nagpaawat/ Inilapag niya ang ballpen at nanatiling nakatuon ang pansin kay Ms. Sexy Professor.
Dahan-dahang tumulo ang kanyang laway, nang hindi niya mamalayang nasa harapan niya na ang professor na iyon. Muntik na siyang mawala sa katinuan mabuti na lang at naiabot niya ng mahusay ang kanyang test paper na punung-puno ng bura.
Suma total, hindi niya na inisip pa ang tungkol sa pesteng quadratic formula na iyon.
“Naunahan ko na naman silang lahat!”
Patakbo siyang lumabas ng classroom at nagwala sa pagsigaw. Basahin: sa pagsigaw. Pinagtinginan siya ng lahat ng estudyanteng nakasalubong niya. Nagmistula siyang tigreng nakawala sa kulungan.
Inakyat niya ang pinakatuktok ng building na iyon. Sa rooftop, damang-dama niya ang init ng sikat ng araw. Sarap na sarap siyang makita ang kabuuan ng pinapasukan niyang unibersidad. Sa isang tinginan lang ay makikita na ang kalawakan ng lugar na iyon.
Noong bata pa siya ay nais niya nang matutong lumipad gaya ng mga ibon. Noong minsang tanungin siya ng kanyang tatay kung gusto niyang maging isang piloto, sumagot siya ng oo. Noong minsang tanungin siya ng kanyang nanay kung gusto niyang maging isang stewardess, umoo na lang siya dahil sa hindi niya alam kung ano ang kahulugan ng salitang iyon.
Ang pagkakita sa malawak na mundo ang nagbalik sa kanyang mga alaala ng mga panahong nagpapalipad siya ng papel na eroplano sa bubong ng kanilang bahay. Marami siyang gustong matupad sa paglipad noong bata pa siya.
“Sa wakas! Tapos na ang Finals! Whooo!”
Isinampa niya ang kanyang mga paa sa makitid na railing at dagling tumalon ng buong laya. Hindi niya inisip ang kung ano ang mangyayari pagkatapos niyang tumalon.
Isa siyang ibong gustong makalipad. Ibong ginising ng alarm clock na tumutugtog na “Koo kooo, koo kooo.”
Ang tunay na nagpagising kay Francis ay ang maingay na ring ng kanyang cellphone. Hindi niya na nagawang isipin pa kung panaginip ba ang nangyari o hindi. Ang naging mahalaga na lang sa kanya ay mapatay ang kanyang cellphone at magpatuloy sa pagtulog.
Matapos ang isa o dalawang minuto, bumalik siya sa siklo ng kanyang pananaginip at muling umasang makalipad gaya ng isang malayang agila.