Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Archive for Setyembre 7th, 2007

Kabanata 39 – Katapusan.

Ipinaskil ni Paurong sa Biyernes, Setyembre 7, 2007

El Filibusterismo

Kabanata XXXIX
Katapusang Kabanata
Buod

Malungkot na tumugtog ng kanyang armonyum si Padre Florentino. Kaaalis ni Don Tiburcio de Espadana na nag-akalang siya ang Kastilang tinutukoy sa telegrama na darakpin daw sa gabing iyon. Inakalang siya’y natunton na ni Donya Victorina.

Ang telegrama ay pinabasa ng tenyente ng guwardiya sibil sa bayan kay Padre Florentino sa ngalan ng pagkakaibigan. Anang telegrama: “Espanyol escondido casa Padre Florentino cojera remitara vivo muerte”.

Ang totoo, si Simoun ang Kastilang tinutukoy sa telegrama. Sugatang dumating doon si Simoun may dalawang araw na. Di man lamang siya inusisa ay tinanggap siya ng pari. Hindi pa nakabalita ang pari ng nangyari sa Maynila. Inakala ng pari na dahil wala na ang Kapitan Heneral ay may nagtangkang maghiganti kay Simoun. Ang sugat niya’y buhat daw sa kawalang-ingat, ayon sa mag-aalahas. Nagkasiya ang pari sa mga palagay. At nakatulong ang hinala ng pari na si Simoun ay tumakas samga kawal na tumutugis nang tanggapin nito ang telegrama.

Si Simoun ay tumangging paggamot pa sa mediko sa kabesera. Pumayag siyang paalaga kay Dr. de Espadana lamang. Malubha ang mga sugat ni Simoun.

Tumigil sa pagtugtog si Padre Florentino. Iniisip ng pari ang kahulugan ng pakutyang ngiti ni Simoun nang mabatid nito ang tungkol sa telegrama at sa ikawalo ng gabi ang dating mga darakip. Naisip ni Padre Florentino na isang taong palalo si Simoun. Dati’y makapangyarihan, ngayo’y kahabag-habag. Nguni’t bakit sa kanya pinili ni Simoun na makituloy? At darakpin na lamang nang patay o buhay ay nakukuha pang ngumiti nang pakutya. Inisip ni Padre Florentino kung paano maililigtas ng isang paring Pilipino si Simoun gayong noong kapanahunan nito ay humamak sa kanyang pagkamahabang-uri ng pagkapari at pagka-indiyo.

Di pinansin ni Simoun ang pakisuyo ni Padre Florentino may dalawang buwan ang nakalilipas upang tulungang makalaya si Isagani sa piitan. Si Simoun ang gumawa ng mga kaparaanan upang mapadali ang pagaasawa ni Paulita kay Juanito na lubos na ipinagdamdam ni Isagani at ikinalalayo nito sa mga kapwa tao. Nilimot ni Padre Florentino ang lahat. Wala siyang inisip kundi ang pagliligtas kay Simoun. Nguni’t parang walang pagnanasang mailigtas ni Simoun ang sarili.

Pumasok si Padre Florentino sa silid ni Simoun. Wala nang mapangutyang anyo sa mukha ni Simoun. Waring isang lihim na sakit ang noon ay tinitiis ng mag-aalahas.

Napaghulo ng pari na uminom ng lason si Simoun. Nabaghan ang pari.

Tinangka ni Padre Forentino na ihanap ng lunas si Simoun. Pasigaw na sinabi ng mag-aalahas na huwag na silang mag-aksaya ng panahon dahil mamatay siyang dala niya ang kanyang lihim. Ang pari ay lumuhod sa kanyang reclinatorio (luhuran sa pagdarasal) at nanalangin sa paanan ng imahen ni Hesukristo at pagkatapos ay buong kabanalang kanyang inilapit ang isang silyon sa maysakit, at tumalagang makinig.

Ipinagtapat ni Simoun ang tunay niyang pangalan. Halos nasindak ang pari. Malungkot na ngumiti ang maysakit. Tinakpan ng pari ng panyo ang mukha at tumungo upang makinig. Isinalaysay ni Simoun ang kanyang buhay. Labintatlong taon siya sa Europa. Nagbalik siyang puno ng pangarap at pag-asa.Pinatawad ang mga nagkasala sa kanyang ama pabayaan lamang siyang mabuhay nang payapa. Ngunit mahiwagang mga kamay ang nagtulak sa kanya sa isang kaguluhang gawa-gawa at ang lahat ay nawala sa kanya.: pangalan, yaman, pag-ibig, kinabukasan, kalayaan at naligtas lamang siya sa kamatayan sa tulong ng isang kaibigan. Tinika niyang maghiganti. Nangibang bansa siya dala ang bahagi ng kayamanan ng kanyang magulang at siya’y nangangalakal. Nakilahok siya sa himagsikan sa Kuba. Nakilala niya roon ang kapitan heneral na noon ay kumandante pa lamang. Pinautang siya. Naging kaibigan matalik dahil sa kawalanghiyaan ng kapitan na si Simoun ang nakaalam. Sa tulong ng salapi ay nakuha niyang maging kapitan heneral ang kaibigan at naging sunud-sunuran sa kanya dahil sa katakawan sa salapi.Inupatan niya ang kapitan sa paggawa ng maraming kabuktutan.

Mahaba ang pagtatapat ni Simoun at gabi na nang matapos. Sandaling naghari ang katahimikan. Inihingi ng tawad ng pari ang mga pagkukulang ni Simoun at hiniling niya kay Simoun na igalang ang kalooban ng Diyos Mahinahong nagtanong si Simoun kung bakit hindi siya tinulungan ng Diyos sa kanyang layunin. Ang sagot ng pari ay dahil masama ang kanyang pamamaraan.Hindi maililigtas ng krimen at kasamaan ang mga dinumihan ng krimen at kasamaan.Ang poot ay walang nalilikha kundi mga panakot ; ang krimen ay mga salarin ang nalilikha. Pag-ibig lamang ang nakagagawa ng mga bagay na dakila. Ang katubusan ay kabutihan; ang kabutihan ay pagpapasakit, ang pagpapasakit ay pag-ibig.

Tinanggap ni Simoun ang lahat na sinabi ng pari. Inamin niyang siya ay nagkamali. ngunit naitanong niya ng dahil ba sa magkakamaling iyon ay ipagkait na ng Diyos ang kalayaan ng isang bayan at ililigtas ang napakaraming higit pang salarin kaysa sa kanya. Ang matatapat at mababait ay nararapat na magtiis nang ang mga adhika nila ay makilala at lumaganap.Ang nararapat na gawin ay magtiis at gumawa ang tugon ng pari.

Napailing si Simoun. Ang magtiis at gumawa ay madaling sabihin sa mga hindi pa nakaranas ng pagtitiis at paggawa. Anong klaseng Diyos ang humingi ng ganoon kalaking pagpapasakit. Sinabi ng pari ay ito raw ang isang Diyos na makatarungan.Diyos na nagpaparusa sa kakulangan natin ng pananalig at sa mga gawa nating masama.Pinabayaan natin ang kasamaan kaya’t katulong tayo sa paglikha nito. Ang kalayaan ay di natin dapat tuklasin sa tulong ng patalim. Tuklasin natin ito sa tulong ng nagpapataas ng uri ng katwiran at karangalan ng tao.. Gumawa tayo ng mabuti , tapat at marangal hanggang mamatay tayo dahil sa kalayaan.

Pinisil ni Simoun ang kamay ng pari. Naghari ang katahimikan. Dalawang pisil pa. Nagbuntunghininga si Simoun. Higit na mahabang katahimikan.

Nang mapunang hindi umiimik ang maysakit ay pabulong na nagwika si Padre Florentino; “Nasaan ang kabataang naglalaan ng magagandang sandali, ng kanilang mga pangarap at kasiglahan alang-alang sa ikabubuti ng kanilang bayan ? Saan naroon ang handang magpakamatay upang hugasan ng dugo ang napakaraming pagkakasala? Upang karapatdapat ang pagpapakasakit ito’y kailangang malinis at busilak. Nasaan ang kabataang may lakas na tumanan na sa aming mga ugat, ng kalinisan ng diwa na narumihan na sa amin, ng apoy ng sigla na patay na sa aming puso? O kabataan, kayo’y aming hinihintay!”

Nangilid ang luha sa mga mata ng pari. Binitawan ang kamay ni Simoun. Lumapit sa durungawan. May kumatok na utusang nagtanong kung magsisindi na ng ilawan. Sa tulong ng isang lampara ay tinanglawan si Simoun. Hinipo ito; nabatid na ito ay patay na.Lumuhod at nanalangin si Padre Florentino.

Tinawag ang mga utusan, pinaluhod at pinagdasal. Umalis sa silid si Padre Florentino Kinuha ang takbang bakal ni Simoun. Dinala ito sa talampas na laging inuupuan ni Isagani upang sisirin ng tingin ang kalaliman ng dagat. Doon ay inihagis ng pari ang mga takba ng brilyante at alahas ni Simoun. Nilulon ng dagat ang kayamanang yaon.

Mga Tanong at Sagot

1. Bakit kina Padre Florentino nagtungo si Simoun?

Sagot

Siyang inaakala ni Simoun na makauunawa sa kanya ng higit sa iba.

2. Ano ang taglay na hiwaga ng malungkot at mapangutyang ngiti ni Simoun nang mabatid niyang siya ay darakpin kinagabihan?

Sagot

Buo na isipan niya ang pagpapatiwakal.

3. Bakit nagtakip ng mukha si Padre Florentino nang maipagtapat ni Simoun ang tunay niyang pangalan?

Sagot

Upang ituring na ang pagtatapat na iyon ni Simoun ay isang pangungumpisal. Kung sa gayon, hindi siya mapipilit ng sino mang kapangyarihan na ibunyag ang mga nabatid sa mag-aalahas sapagkat yaon ay lihim ng kumpisalan.

4. Ayon sa salita ni Padre Florentino, makaitlong nabigo ang mga balak ni Simoun. Alin ang una, pangalawa at pangatlong pagkabigo?

Sagot

Una ang kabiguang bunga ng di-inaasahang pagkamatay ni Maria Clara. Nalito si Simoun. Hindi niya naisagawa ang hudyat ng pagbabangon. Ang ikalawa ay sa kawalan ng ingat sa maaring mangyayari. Ang ikatlo ay dahil sa kaparaanang lubhang mahiwaga.

Ipinaskil sa El Filibusterismo | 6 Puna »

Kabanata 38- Kasawian.

Ipinaskil ni Paurong sa Biyernes, Setyembre 7, 2007

El Filibusterismo

Kabanata XXXVIII
Kasawiang-palad
Buod

Buong Luzon halos ang nilaganapan ni Matanglawin sa kanyang panunulisan. Siya’y pumatay sa hukom pamayapa sa Tiyani, nanunog, nangulimbat. Ngayo’y sa Batangas, bukas ay sa Kabite, di maglilipat-araw ay sa Tayabas, pagkatapos ay sa Panggasinan o sa Albay. Laging naliligtasan ni Matanglawin ang mga habol sa kanya. At sa kawalangkaya ng mga sibil sa dumakip sa mga tulisan ay mga magsasakang walang sala ang kanilang dinarakip.

May anim o pitong magsasaka ang dinakip ng mga sibil matapos ang isang pagsalakay ni Kabesang Tales. Abut-siko at kabit-kabit ang gapos ng mga ito na inilakad nang tanghaling tapat sa kainitan ng Mayo walang sombrero at nakayapak. Ang pawis nila’t alikabok ay nagpuputik sa kanilang mukha ang magkahalong poot at kawalang pag-asa.

Ni hindi nila mapahid ang mahapding pawis na sumisigid sa kanilang mga mata. Kung may isang nabubuwal sa hapo at gutom ay hinahagupit silang lahat at ang nabuwal ay makakaladkad sa kanilang pagtakbo. Sumisigaw ang nabuwal na patayin na siya. Umiiyak. Parang bata. Isinusumpa ang oras ng kanyang pagsilang.

Nilalait pa sila ng mga guwardiya sibil. Nguni’t may isang sibil na tutol sa gayong pagmamalupit. Nang di makatiis ay sumisigaw na rin ito sa mapagparusa: Hoy, Mautang, bayaan mo silang magsilakad nang payapa!

Nagpakikilalang bago ka nga lamang Carolino patuya pang tugon ni Mautang. Ano ba ang ginagawa ninyo sa mga bihag ng digma?

Pinakukundanganan namin. Tugon ni Carolino:

Mangyari’y kaaway na nagsilaban ang mga iyon ang mga ito’y mga kababayan natin! ganti ng mapagpahirap. At bumubulong kay Carolina: Ginaganyan natin iyan upang lumaban o tumakas at nang barilin na lamang natin.

Isang bilanggo ang sinumpong ng pagdumi o pag-ihi marahil at nakiusap na payagan muna siyang makatigil nang sandali. Di siya pinayagan. Mapanganib daw ang lugal na iyon. Naliligid sila ng bundok.

Higit kang malupit pa kaysa mga Kastila, anang bihag.

Isang putok nang narinig. Gumulong-gulong si Mautang tutop ang dibdib na nilabasan ng dugo sa bibig

Alto! Sigaw ng kabong putlang-putla. (matatapang lamang sa walang laban). Isang putok pa at ang kabo naman ang tinamaan sa bisig at namaluktot sa sakit.

Itinuro ng kabo ang mga bilanggo. Fuego! sigaw niya. At ang mga bihag ay pinagbabaril. Saka pa lamang lumaban ng putukan sa mga nasa batuhan sa bundok. Ang mga nasa batuhan ay tinayang may tatatlong riple lamang. Lumusob ang mga sibil. Ang unang umakyat patungo sa pinangungublihan ng mga di kilalang kalaban ay gumulong-gulong na pababa.

Hala, Carolino! Nahan ang mabuti mong pagpapatama! pasigaw na wika ng kabo.

Isang lalaki ang biglang lumitaw sa ibabaw ng isang talampas. Nagwawasiwas ito ng baril.

Paputukan! sigaw ng kabo kasabay sa pagmumura.

Tatlong kawal ang nangagputok. Patuloy na may isinisigaw ang lalaki. Hindi siya mauunawaan.

Natigilan si Carolino. Parang nakilala niya iyon. Tinutukan siya ng baril ng kabo. Ipinagbabaril sa kanya ang lalaki. Tumalima si Carolino. Gumulong at nawala sa talampas ang lalaki. May isinigaw ito. Natulig si Carolino.

Parang nagsitalilis ang mga nagtatago sa itaas. Lumusob ang mga sibil. Isa pang lalaki ang lumitaw, sa talampas. Iniamba ng lalaki ang sibat. Pinaputukan siya ng mga kawal. Nabulid ang lalaki.

Ang unang umabot sa kaitaasan ay may dinatnang matandang lalaking naghihingalo. Binayuneta ito. Di man lamang kumurap ang matanda. Nakatingin kay Carolino. Nakaturo ang daliri sa likod ng talampas.

Gulila’t at putlang-putla si Carolino. Nakilala niyang ang matanda’y ang ingkong niyang si Tandang Selo. Nakita niyang ang mga nanlalalim na mata ng matanda ay mga salamin ng matinding hinanakit. At nang mamatay ito ay patuloy na may itinuturo sa likod ng talampas.

Mga Tulong sa Pag-aaral

1. Noon pa man ay isa nang parusahan o tapunan ng bilanggo ang Siberya sa Rusya. Ayon ka Rizal, ang kalamigan ng Siberya ay mainam pa marahil kaysa parusang tinatanggap ng mga dinarakip ng mga sibil gapos na pinalalakad nang walang pandong at walang sapin sa paa sa kainitan maalikabok na lansangan sa kaparangan kasaby ng mga paglait at paghagupit.

2. Dito’y inilalarawan ni Rizal di lamang ang katangahan ng mga sibil kundi ang kanilang kalupitan sa mga kababayan. Basahin ang sinabi ng sibil ka Tano kung bakit daw pinagmamalupitan nila ang mga bihag. At ang wika ng bihag sa sibil: malupit ka pa kaysa sa mga kastila. Katutubo kaya sa atin ang ganitong kalupitan? Makatutukoy ang mga kalupitan ng Pilipino noong panahon ng Hapones.

3. Ang mga guwardiya sibil, liban sa mga puno nito ay karaniwang mga Pilipino rin. (Ang bumaril kay Rizal ay isang pangkat ng mga sibil na Pilipino.)

4. Si Tano, tulad ng hula ng marami, sa simula pa lamang kanyang pagkakawal ay naging guwardiya sibil. Matapos ang kanyang paglilingkod sa Carolinas ay nagsibil na siya at tinawag siyang Carolino o galing sa Carolinas.

5. Ang kabanatang ito ay maihamahambing sa kabanatang Noche Buena sa Noli Me Tangere sa taglay na damdamin pagkikita ng matagal na nagkawalay na mag-anak na humantong sa trahedya. Sa kabanatang ito ay may parikala o irony ng Tadhana. Si Carolino o si Tano na rin ang nakapatay sa kanyang ama, kay Kabesang Tales.

Mga Tanong at Sagot

1. Bakit pinatay ni Matanglawin ang hukom sa Tiyani?

Tugon

Ito ang humatol na pag-aari ng mga Dominiko ang lupain ni Kabesang Tales.

2. Bakit naging mapanagumpay ang panunulisan ni Kabesang Tales?

Tugon

Walang pananggol ang bayang hindi pinagkatiwalaan ng sandata. Walang ginagawa ang mga tao noon kundi umalis sa kanilang bayan at pabayaan ang kanilang mga bukid at kabuhayan sa sandaling mabalitang sumalakay si Kabesang Tales sa malapit na bayan.

(Ganito rin ang nangyari ngayon. Ang mga mabuting mamamayan ay sumusunod sa utos na bawal ang pag-iingat ng baril. Samantala, hindi masamsam ng pamahalaan ang mga baril ng mga gangster at mga tulisan, kasama rito ang mga pulitiko at ang kanilang mga kampon, kaya’t ang mga mamamayan ay laging nasa anino ng lagim at pangamba sa mga sandatahang pangkat na ito.)

3. Anuo-anong ang ibinunga ng panunulisan ni Kabesang Tales?

Tugon

Tulad ng nais mangyari ni Simoun, ang bnayan ay lalong naging lugami. Natitiwangwang ang mga bukirin, nagkakamatay ang mga hayop sa pagsasaka, namamayani ang madudugong pagpatay at nagkatakot ang sambayanan. Namamatay ang negosyo o kalakalan sa bawa’t pook na litawan ni Matanglawin. Lumilitaw ang kawalang kaya ng pamahalaan. Mga dukha at mangmang at walang salang magbubukid ang madalas na dinarakip ng mga sibil upang pagbintangang tulisan o kinaalam ng mga tulisan dahil di nila inaabutan at madakip sina Kabesang Tales. Lalong nahihinog ang bayan sa paghihimagsik.

4. Bakit daw pinahihirapana ng mga sibil ang nangabihag na magsasaka?

Tugon

Ayon ka Mautang ay upang magsilaban at tumakas at nang pagbarilin na lamang nila.

5. Bakit kaya Mautang ang ipinangalan ni Rizal sa guwardiya sibil na ito?

Tugon

Marami nga marahil ang utang nito.

6. Sino ang itinuturo ni Tandang Selo kay Tano?

Tugon

Si Kabesang Tales. Mapupunang nang bumagsak ang unang lalaki sa talampas ay nagpulasan na ang mga kasamahan nito. Nangangahulugang puno nila ang napatay. Walang taong lalantad nang gayon sa mga kalaban liban na lamang kung dala ng matinding damdaming sandaling nakapagpawala ng matinong muni o isip. Naging gayon si Kabesang Tales sa di-inaasahang pagkakakita sa anak. Tangi sa rito, may isinigaw ang lalaking iyon na nakatulig kay tano. Marahil ang sigaw ay Tano o anak ko!

Ipinaskil sa El Filibusterismo | Mag-iwan ng Puna »

Kabanata 37 – Ang Hiwaga.

Ipinaskil ni Paurong sa Biyernes, Setyembre 7, 2007

El Filibusterismo

Kabanata XXXVII
Ang Hiwagaan
Buod

Nabatid din ng madla, sa likod ng pagpigil sa balita, ang mga pagbabangon at mga supot ng pulbura . Ito ang naging paksa ng usapan ng lahat – palihim nga lamang. Si Chikoy kasi, payat na platero. Ay nagdala ng hikaw para kay Paulita nang tinatanggal na ang mga palamuti at mga hapag sa bahay ni Kapitan Tiyago at nakita niya mismo ang suput-supot na pulbura sa ilalim ng mesa, sa silong, sa bubungan, sa likod ng mga upuan.

Ayon daw kay G. Pasta ay iisa ang maaring gumawa ng gayon-isang kaaway ni Don Timoteo o kaagaw ni Juanito.

Naroon sa bahay ng mga platero si Isagani. Anang may-aring si Kapitan Loleng ay magtago si Isagani.

Ngumiti lamang si Isagani.

Nagpatuloy si Chikoy. Dumating daw ang mga sibil. Wala namang mapgbintangan. Si Don Timoteo lamang daw at si Simoun ang nangasiwa sa pag-aayos ng bahay na iyon. Pinaalis daw ang lahat ng mga di kailangan sa imbestigasyon.

Naku, kung may isa man lang daw na nanigarilyo sa mga trabahador, sasabog ang buong daan ng Anlogue. Kung sumabog daw ang mga pulbura ang noong gabi.

Nangatakot ang mga babae. Naghulaan kung sino ang pinaghihinulaan. Mga prayle. Si Quiroga. Isang estudyante. Si Makaraig. At tumingin si Kapitan Toringgoy kay Isagani. Ani Chikoy: ayon sa ilang kawani, si Simoun. Nagtaka ang lahat.

Naalala ni Momoy, isang dumalo sa piging, ang pagalis ni Simoun sa bahay bago magsimula ang hapunan.

Si Simoun daw ay nawawala, patuloy ni Chikoy. Kasalukuyang ito’y pinaghahanap ng mga sibil. Lalong nabuo sa isip ng mga kababaihan ang pagiging demonyo ni Simoun na nagkakatawang-tao.

Naalala uli ni Momoy ang pagkakaagaw sa ilawan ni Simoun na nuo’y namamatayan ng ningas. Nagpayo’t dito sa silid ni Isagani.Nagpatuloy si Chikoy.Tinataya raw ng mga maykapangyarihan na ang ilawan ay siyang magpapasiklab sa pulbura.

Nahintakutang gayon na lamang si Momoy. Nguni’t nang makita ang kasintahang si Siensa na nakatingin sa kanya ay nagtapang-tapangang nagsabi: Masama ng ginawa ng magnanakaw. Mamatay sanang lahat! Nag-antanda sa takot ang lahat ng matanda at babae. Lumapit si Momoy kay Isagani.

Hindi nga mabuting kumuha ng di kanya. Ani Isagani na mahiwang nakangiti. Kung nalaman lamang ng magnanakaw na iyon kung ano ang nilalayon .kung siya ana ay nakapag-isip-isip tiyak na di niya gagawin ang gayon. Pantayan man ng kahit ano . Hindi ako tatayo s kanyang kalagayan!

Saka nagpaalam si Isagani. Ngunit upang hindi na bumalik pa sa kanyang amain.

Mga Tanong at Sagot

1. Bakit pinapagtatago ng mga kasamahan si Isagani?

Tugon

May hinalang siya ang naglagay ng mga pulbura sa bahay ni Kapitan Tiyago upang paghigantihan si Juanito. Ito’y hindi totoo. Napatunayan ding si Simoun ang may kagagawan niyon.

2. Bakit hindi nailihim sa sambayanan ang kaguluhan sa bahay ni Don Timoteo at ang kaugnayan dito ni Simoun?

Tugon

May mga manggagawa, mga kawani sa pamahalaan, nangakakita’t nagakasaksi sa mga pangyayari sa gabi ng hapunan at nang magtanggalan na ng mga gamit sa piging. May pakpak ang balita; may tainga ang lupa.

3. Patunayan na si Isagani ang kumuha ng ilawan at nagtapon nito sa ilog.

Tugon

(a) Siya ang huling kausap ni Basilio na tanging nakababatid ng layunin ng ilawang iyon. Ang hindi niya naisisip ay ang layunin ni Simoun sa pagpapasabog sa bahay ni Kapitan Tiyago. Ang tanging nasa isip niya nuon ay si Paulita. Si Isagani ang pumasok sa bahay nang makaalis na si Basilio.

(b) Sa salita na rin niya na kung ang magnanakaw ay nakababatid lamang ng layunin ng pagsabog ng ilawang iyon o kung makapaglimi lamang ito ng bahagya . Hindi sana ginawa ng ginawa ng magnanakaw na iyon ang gayon! At sa salita niyang Pantayan man ako ng kahit ano ay di ako lalagay sa tayo ng magnanakaw! ay isang paghihiwalay niya sa katauhan ng lito at baliw sa pag-ibig na Isagani at ng Isaganing nagsisisi at nalason na ng poot at pait ng pagkabigo at paghihiganti. Sa katauhan niya ngayon, ang ibig sabihin ni Isagani, ay hindi niya gagawin ang kanyang gingawang pagkuha sa ilawang iyon.

Ipinaskil sa El Filibusterismo | Mag-iwan ng Puna »

Kabanata 36 – Mga Kagipitan ni Ben-Zayb.

Ipinaskil ni Paurong sa Biyernes, Setyembre 7, 2007

El Filibusterismo

Kabanata XXXVI
Mga Kapighatian ni Ben Zayb
Buod

Mula sa bahay ni Kapitan Tiyago ay patakbong tinungo ni Ben Zayb ang kanyang tanggapan upang sulatin ang pangyayari. Pinalabas niyang bayani ang Kapitan Heneral, sina Padre Irene, Don Custodio at Padre Salvi. Ang lathalain ay isa ring paghahangad ng mabuting pagyao at paglalakbay ng Heneral.

Ngunit ang kanyang isinulat ay ibinalik sa kanya ng patnugot ng pahayagan. Ipinagbawal ng Heneral ang pagbanggit ng ano mang ukol sa pangyayari.

Dumating ang balita mula sa Pasig. Nilusob dawn g maraming tulisan ang bahay-pahingahan ng mga prayle at nakatangay ng may dalawang libong piso. Malubha ang isang prayle at dalawang utusan. Gumalaw ang guni-guni ni Ben Zayb. Gagawin niyang bayani ang kura na sa pagtatangol ay nagkasira-sira ang isang silyang ginamit laban sa mga tulisan.

Nagtungo siya sa Pasig. Natagpuan niyang ang nasugatan ay si Padre Camorra. Doon siya pinapagtika sa kasalanang ginawa sa Tiyani. May isang maliit na sugat sa kamay at may pasa sa ulo. Tatlo ang mga magnanakaw na may taglay ng gulok. Limampung piso ang nanakaw. Ayon kay Ben Zayb ay hindi tama ang salaysay ni Padre Camorra. Kailangan daw gawing marami ang mga tulisan.

May nadakip sa mga tulisan. Sila raw ay inanyayahang sumama sa pangkat nina Matanglawin upang sumalakay sa kumbento at mga bahay ng mayayaman. Pangungunahan sila ng isang Kastila na mataas, kayumanggi, puti ang buhok at ang pasabi’y kumikilos sa utos ng Kapitan Heneral na kaibigan niyang matalik. Katulong pa raw nila ang mga artilyero. Wala raw dapat ikatakot. Ang hudyat daw ay isang malakas na putok. Walang putok. Inakala ng mga tulisan na sila ay nilinlang. Nagsiurong ang ilan Ang iba’y nagsibalik sa bundok. Balak nilang maghiganti sa Kastila na makalawa nang lumoko sa kanila. Ang tatlong tulisan ay nagpasiyang manloob.

Ayaw paniwalaan ang mga tulisan sa paglalarawang si Simoun ang puno nila. Nguni’t si Simoun ay di matagpuan sa bahay niya . Maraming bala at pulbura roon. Si Don Custodio ay naghanda ng habla laban kay Simoun. Mabilis na kumalat ang balita ukol sa mag-aalahas. Marami ang di makapaniwala.

Mga Tanong at Sagot

1. Bakit daw ayon kay Ben Zayb, nagtungo sa ilalim ng mesa si Padre Irene nang pumasok ang umagaw sa ilawan ni Simoun?

Sagot

Para raw mabilis at walang sagabal na mahabol ang di kilalang tao. Ang totoo: para magtagodahil sa takot. Doon niya nakita ang mga balutan ng pulbura sa ilalim ng mesa.

2. Bakit daw hinimatay si Padre Salvi?

Sagot

Dahil daw hindi nagbunga ng mabuti ang mga sermon niya sa mga indiyo. Sa likod ng mga sermon niya sa mga indiyo. Sa likod ng mga sermon niya sa pagpapakabuti, may mga indiyo pang nagiging pangahas at masama.

3. Ano pa ang ibang laman ng balita ni Ben Zayb ukol sa handaan sa kasal nina Paulita at Juanito?

Sagot

Pawang pagpuri sa “kagitingan at katapangan” ng mga Kastila – taong pamahalaan mula sa Kapitan Heneral hanggang sa mga prayle.

4. Ano ang naging parusa kay P. Camorra dahil sa ginawa niyang paghalay kay Huli sa Tiyani?

Sagot

Inilayo siya. Pinapagpahinga siya sa bahay-liwaliwan ng mga prayle sa Pasig. Higit na paglalayo lamang sa kanya sa kapahamakan ng paghihiganti, lalo na ni Kabesang Tales, ang gayon kaysa isang pagpaparusa.

Ipinaskil sa El Filibusterismo | Mag-iwan ng Puna »