Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Kabanata 7 – Si Simoun.

Posted by Paurong sa Biyernes, Setyembre 7, 2007

El Filibusterismo

Kabanata VII
Si Simoun

Pauwi na sana si Basilio nang may marinig siyang mga yabag at liwanag na palapit. Nangubli siyan sa puno ng baliti. Sa kabila ng puno tumigil ang dumating. Nakilala ito ni Basilio-ang mag-aalahas nang mag-alis ito ng salamin. Nangsimulang maghukay si Simoun sa tulong ng isang asarol. Naalaala si Basilio. Ito ang taong tumulong sa paglilibing sa kanyang ina at sa pagsunog sa isa pang lalaking doon namatay. Nag-isip si Basilio. Sino sa dalawang lalaking ito ang namatay o ang buhay na nagbubuhay Simoun- ang si Ibarra?

Napakita na kay Simoun si Basilio at nag handog ng pagtulong bilang ganti sa tulong na ipanagkaloob nito nam ay 13 ton na ang nakalilipas. Tinitutukan ni Simoun ng baril si Basilio. Sino ako sa palagay mo? tanong ng mag-aalahas. Tugon ni Basilio. Kayo po’y isang taong mahal sa akin, kayo’y ipinalalagay ng lahat, matangi sa akin, na patay na at ang mga kasawian sa buhay ay madalas kong ikinalulungkot. Lumapit si Simoun sa binata. Aniya: Basilio, ika’y naghahawak ng isang lihim na maaring magpangayaya sa akin, at ngayo’y natuklasan mo pa ang isa na kung mabubunyag ay ikasisira ng aking mga balak. At sinabi ni Simoun na dapat ay patayin na niya si Basilio upang iligtas ang kanyang layunin. “Gayunman, hindi ko marahil pagsisihan na ika’y di ko patayin. Gaya ko rin ay may dapat kang ipakipagtuos sa lipunan. Ikaw at ako ay uhaw sa katarungan Dapat tayong magtulungan.

At inamin ni Simoun na siya nga si Ibarra. Isinalaysay nito ang pagkakapaglibot sa buong daigdig upang magpakayaman. Nagbalik upang ibagsak ang pamahalaang marumi sukdang ipagdanak ng dugo. Siya raw ay sadyang nagpapalala sa pag-iimbot at pagmamalabis ng taong pamahalaan at simbahan upang gisingin ang damdamin ng bayan sa paghihimagsik.

Nguni’t sinuwatan niya sina Basilio at mga kasamahan na nagbabalak magtayo ng paaralan ng Wikang Kastila at humihinging gawing lalawigan ng Espanya ang pilipinas at bigyan ng pantay na karapatan ang mga Kastila at Pilipino. Ito raw ay magbibigay daan sa Pilipinas sa pagiging bayang walang sariling pagkukuro, walang kalayaan at pati kapintasan ay hiram dahil sa pagpipilit manghiram ng wika. Ibig raw nina Basilio na matulad ang Pilipinas sa mga bansang magugulo sa Timog Amerika (South Amerika).

Ayon kay Basilio ang kastila ay isang wikang magbubuklod-buklod sa mga pulo ng Pilipinas.

Ito’y pinabulaan ni Simoun. Anya: Ang kastila kailanman ay di magiging wikang pangkalahatan sa bayang ito ; sapagka’t sa mga kulubot ng kanyang isip at sa pintig ng kanyang puso ay wala ang mga akmang pananalita sa wikang iyan. Iilan lamang daw ang nakapagsasalita ng Kastila. At ang iilang ito ay mawawalan ng sariling kakayahan, magpapailalim sa ibang utak, paaalipin. Tinuligsa ni Simoun ang mga pangkat na naghahangad luminang sa wikang Kastila at di sa kaalamang magsalita o sumulat sa sarili nilang wika. Tinuligsa rin niya ang mga nagpapanggap na di sila maalam magsalita at umunawa ng sariling wika.

Mabuti, ani Simoun, at hangal ang pamahalaang Kastila na ayaw magpaturo ng wika nito sa mga nasasakupang di tulad ng Rusya at Alemanya. Ani Simoun: Kayo’y nakalilimot na habang ang isang bayan ay may sariling wika, napananatili rin nito ang kanyang paglaya. Ang wika ay isang pag-iisip ng bayan .

Inihimutok ni Simoun na ang kilusan ng kabataan sa pagpapaturo ng Kastila ay ipinagdurusa ng kanyang loob. Naniniwala siyang matapat sa kabataang ito ang paniniwala na sa kapakanan ng bayan ang kanilang ginagawa. Ninais niyang kausapin sina Isagani at Macaraeg. Nguni’t baka di siya pakinggan ng mga ito. Naisip rin niyang pagpapatayin ang mga ito.

Nagpatuloy si Simoun ukol sa kilusang ibinunsod ng kabataan Bukod sa isang pag-aaksaya ng panahon ay nilinlang ninyo ang bayan sa pag-asa sa wala at tinutulungan ninyong magyuko ng ulo sa mga mapangamkam. Ayaw silang matulad kayo sa mga Kastila? Napakabuti! Paunlarin ninyo ang katutubong ugali. Ayaw kayong bigyan ng kinatawan sa Kortes? Mabuti. Ano ang magagawa ng isang tinig sa karamihan? Habang nagmamaramot sila sa pagbibigay ng karapatan sa inyo lalong malaki ang matatamo ninyo pagkatapos upang ibagsak sila at gantihan ng sama ang sama. Ayaw ituro sa inyo ang kanilang wika, paunlarin ang isang katutubong wikain nang mawala ang pagtatangi-tangi at magkaroon ng mga layuning pambansa. Huwag hayaang magpalagay ang Kastila na sila ang panginoon dito at sila’y bahagi ng bayang ito kundi manlulupig at dayuhan. Sa gayo’y matatamo ninyo ang paglaya. Iyan ang dahilan at binayaan ko kayong mabuhay!

Nakahinga si Basilio. Aniya’y di siya pulitiko. Lumagda siya sa kahilingan ukol sa paaralan dahil inaakala niyang iyo’y mabuti. Sa panggagamot daw siya nakaukol.

Sa kasalukukuyang kalagayan daw ay di makapanggagamot nang mahusay si Basilio ayon kay Simoun. Ang sakit ng bayan ay siyang higit nangangailangan ng kagamutan. Walang halaga ang buhay na di nauukol sa isang layuning dakila, parang isang bato sa linang sa halip maging sangkap sa isang gusali.

Ani Basilio pinili niya ang siyensiya para makapaglingkod sa bayan. Nauwi sa kadakilaan ng karunungan ang pag-uusap. Ang karunungan ay panghabangpanahon, makatao at pandaigdig. Sa loob ng ilang daantaon, kapag ang sangkatauhan ay tumalino na, kung wala nang lahi-lahi, lahat ng bayan ay malaya at wala nang mang-aalipin at napaaalipin, iisa na ang katarungan at lahat ng tao’y mamamayan na ng daigdig at ang tanging layunin ng tao ay pagkakamit ng karunungan, ang salitang kagitingan at pag-ibig sa bayan ituturing na panatisismo o kabaliwan at ikabibilanggo ng nagsasabibig nito.

Napailing si Simoun. Upang makaabot daw sa kalagayang sinabi ni Basilio ang daigdig kailangan munang lumaya ang mga tao at ito ay nangangailangan namang pagpapadanak ng dugo upang ang mga sinisikil ay makalaya sa mapaniil. Pangarap lamang daw ang kay Basilio. Ang kadakilaan ng tao ay di magagawa sa pagpapauna sa kanyang panahon kundi nasa pagtugon sa kanyang pangangailangan at hangarin sa pag-unlad.

Napuna ni Simoun na hindi naantig ang kalooban ni Basilio. Inulos niya ng tuya si Basilio. Sinabi ni Simoun na walang ginagawa si Basilio kundi tangisan ang bangkay ng ina na parang babae. Paano ako makapaghihiganti? tanong ni Basilio. Ako’y dudurugin lamang nila. Sinabi ni Simoun na tutulungan siya. Hindi na raw bubuhayin ng paghihiganti ang ina o kapatid niya, tugon si Basilio. Ano ang mapapala ko kung sila’y ipaghihiganti? .

Makatulong sa iba nang di magdanas ng gayon ding kasawian, tugon ni Basilio. Ang pagpapaumanhin ay di laging kabaitan, ito’y kasalanan kung nagbibigaay-daan sa pang-aapi. Walang mang-aalipin kung walang paaalipin. At ipinaalaala ni Simoun na sa pag-aaral ni Basilio ay maaaring danasin nito ang dinanas ni Ibarra. Nagtaka si Basilio. Siya na raw ang inapi ay siya pa ang kamumuhian. Likas sa tao ang mamuhi sa kanyang inaapi, ani Simoun. Nguni’t di ko sila pinakikialaman; pabayaan nila akong makagawa at mabuhay. Tugon ni Basilio na sinundan ni Simoun ng:

At magkaanak ng mababait na alipin Ang mga damdaming mabuti o masama ay namamana ng anak. Kayo ay walang hangad kundi isang munting tahanan, kaunting kaginhawahan, isang asawa; isang dakot na bigas; at iyan ang mithiin ng marami sa Pilipinas, at kung iyan ay ibigay sa inyo, ituturing ninyong kayo’y mapalad na.

Magmamadaling araw na. Matapos sabihing di niya pinagbabawalan si Basilio sa pagbubunyag ng kanyang lihim ay sinabing kung may kailangan si Basilio ay magsadya lamang ito sa kanyang tanggapan sa Escolta. Nagpasalamat si Basilio. Naiwan si Simoun na nag-iisip: Di kaya niya napaniwala si Basilio sa paghihiganti o may balak itong maghiganti nguni’t naglilihim lamang at nais sarilinin iyon o sadyang wala nang hangad maghiganti. Lalong nagtumining sa loob ni Simoun ang matinding nasa na makapaghiganti.

Tandaan:

1. Matatanto sa pag-aakala ni Basilio na ang Kastila ay wikang siyang mag-uugnay sa mga Pilipinong may iba’t ibang wikain na isa si Rizal sa mga unang nag-isip sa pangangailangan natin ng isang pambansang wika.

2. Si Ibarra kailanma’y di nakita ni Basilio kundi nang dumating ito sa gubat at makatulong niya sa paglilibing sa kanyang ina. Nang dumating si Ibarra. Di pa nakikita ito ni Basilio, ay nangyari na ang pagtatago niya sa mga guwardiya sibil. Katapusan ng Oktubre nang dumating si Ibarra sa Pilipinas mula sa Europa. Ika-23 ng Disyembre nang maganap ang habulan sa lawa. Dalawang buwang maysakit si Basilio sa gubat sa pagkakandili nina Tandang Selo. Bisperas ng Pasko nang maisipan niyang hanapin ang ina at sila’y magkita ni Ibarra sa unang pagkakataon. Nang magkita sila uli ay sa bahay na ni Kap. Tiyago nguni’t si Ibarra ay nagbabalatkayo nang isang Simoun at di nakilala ni Basilio. (Si Basilio ay kilala ni Simoun). Palagi si Simoun kina Kap . Tiyago sa pagkukunwaring isang ganid na nag-aabang ng mamamana sa maysakit na Kapitan nguni’t sa totoo’y upang makasagap ng balita ukol kay Maria Clara.

3. Tatlo ang pinag-aalayan ni Simoun ng kanyang paghihiganti

a) Si Don Rafael
b) Si Maria Clara
c) Si Elias-pawang mga sinawing-palad ng lipunang nais niyang iwasak.

Tanong at Sagot:

1. Si Elias at Ibarra ay kapwa di kilala ni Basilio noong siya ay isa pa lang sakristan. Paano natiyak ni Basilio na si Simoun ay si Ibarra nang makita sila sa gubat makaraan ang labimpitong-taon?

Si Basilio ay matalino at pinag-ugnay niya ang mga pangyayari:

a. Bago namatay ang sugatang lalaki ay nagbilin sa kanya na kung walang darating sa gubat na iyon ay ariin niya ang kayamanang nakabaon sa puno ng balite. Ang dumating ay isang mestiso na ngayo’y siyang humukay sa lugal na pinagbaunan ng kayamanan.

b. Alam ni Basilio na mestiso ang anak ni Don Rafael; ang namatay sa gubat ay kayumanggi.

c. May sugat na taglay ang lalaking namatay. Noon ay nabalitang napatay sa lawa si Ibarra. Nguni’t ang mestiso ay walang sugat. Samakatuwid, iyong kayumanggi ang hinabol at pinagbabaril sa lawa, hindi ang mestisong si Ibarra.

2. Bakit di hinukay ni Basilio ang kayamanan sa puno ng balite gayong lagi siyang nasa libingan ng kanyang ina sa loob ng 13 taon?

Bilin ni Elias na hukayin niya ang kayamanan at ariing kanya kung walang darating na iba. May dumating-si Ibarra. At nakalimutan na ito ni Basilio. Tangi sa rito, malayo nang kaunti sa puno ng balite ang libing ni Sisa at gabi kung magtungo roon nang palihim si Basilio.

3. Bakit ibinaon ni Ibarra si Sisa nguni’t sinigan ang bangkay ni Elias?

Ibig ni Basilio na maibaon ang ina. Bilin naman ni Elias na sunugin ang kanyang bangkay.

4. Ani Simoun ay nakabatid si Basilio ng dalawang lihim ukol sa kanya na maaaring magpahamak sa kanya kung ibubunyag ng estudyante. Ano ang mga lihim na ito?

a. Na si Ibarra ay buhay pa.
b. Na si Ibarra’t si Simoun ay iisa. Ito ay maaaring magpahamak sa kanya at sa balak niyang paghihiganti.

5. Bakit di pinatay ni Simoun si Basilio upang pangalagaan ang kanyang lihim?

a. Si Basilio ay katulad din niyang sawimpalad sa pamahalaan at simbahan.
b. Si Basilio ay di makapagsusuplong dahil pinaghahanap din ito ng mga sibil.
k. May mga utang na loob si Basilio kay Simoun tulad ng inamin na rin ng estudyante-pagkapagamot ni Ibarra kay Sisa at pagkahukay ng pinaglibingan nito.
c. Higit na paniniwalaan ng pamahalaan si Simoun kaysa kay Basilio.
d. Kailangan ni Simoun ang kabataang tulad ni Basilio sa balak niyang paghihimagsik. At sa kabataan ay si Basilio ang higit sa lahat na makauunawa kay Simoun.

6. Paano nakapang-aalipin ang isang wika?

Kung ang wikang ito ay dating sa isang mananakop, ito ay nagiging sagisag ng kapangyarihan kaya’t ito ay pinaghahangaran ng mga sakop dahil katutubo sa tao ang maghangad na tumaas, o tumayog. (Ito’y isa sa mga mikrobyo ng isipang-alipin o Colonial Mentality). Mamaliitin na ng dating sakop ang sariling kanya hanggang sa ito ay tuluyan naising inisin o patayin at buhayin at payabungin ang sa dayuhan. Mga aklat, babasahin, at sineng dayuhan ang kanyang pamumuhay sa pamumuhay ng dayuhan na nababasa at napapanood niya. Pananamit, pagkilos, pagkain, kasangkapan at iba pa. Pagsusulit-sulit: Dayuhan sa sariling bayan.

Sa ngayo’y alipin ng Ingles ang sangkapilipinuhan. Ang salitang imported ay ipinagmamalaki; ikinahihiya ang lokal. Payabangan sa mga ternong Amerikano na di angkop sa klima natin. Pagandahan ng kotse na di kayang gawin sa Pilipinas at gasolina’y tiyak na sa angkat lamang daraan. Paglulupit-lupit: Ang ating angkat (Import) ay laging ibayong malaki kaysa lumalabas na paninda(Export) kaya’t unti-unting namumulubi ang bansa at ang kinabukasan ng ating mga susunod na salin ng lahi ay ating ipinaaanod sa baha ng kasalukuyan nating mga bisyo at di maiwasang hilig na masasabing buhat sa pang-aalipin sa atin ng wikang Ingles.

7. Ano ang kapuna-puna sa mga inilarawan ni Rizal na mga tauhang ayaw magsalita ng Tagalog at pangangastila ang pinag-iigi?

Mga hindi mahusay magsalita ng kastila. (Donya Victorina, Donya Consolacion).

8. Bakit ayon kay Simoun ay hindi magiging wika na ng kapuluan ang kastila?

Anya-ang kulubot ng kanyang isipan at mga pintig ng kanyang puso ay walang akmang katugon sa wikang Kastila. (Paano nga naman masasabi sa ibang wika ang ganito halimbawa: Huwag mong itapon ang lamang gugo at panghilod ng tabo na nasa sulok ng batalan.

9. Ang makabagong kaisipang ukol sa pandaigdig na pulitika ang ipinahayag ni Rizal noon pa man sa pamamagitan ni Basilio?

Ang diwa ng Nagkakaisang Daigdig o United Nations. (Ani Basilio ay magiging maligaya lamang ang tao kung ang buong sangkatauhan ay ay ituturing nang mamamayan ng daigdig at ang magtatalumpati ukol sa kagitingan at pagmamahal sa bayan ay ipalalagay na baliw o fanatico) Dahil dito masasabi nating isa si Rizal sa mga unang may diwang pandaigdig o internationalist. Malaki ang pagkakauna niya sa kanyang panahon.

About these ads

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 41 other followers

%d bloggers like this: