Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

isang pakikipagsapalaran

Posted by Paurong sa Lunes, Enero 23, 2006

Sa kasarapan ng laban nina Pacman at El Terible, kampante kong sinubukang magbasa ng Noli Me Tangere at nagiliw nang mabasa ang kabanatang “Ang Kapitan Heneral” hanggang sa mayroong tumuktok sa pinto. Hindi ko namalayan na si Joan na pala iyon mandi’y naalala ko na pupunta nga pala kami sa Sucat ngayong hapon upang makita ang cast ng Etheria lalo na si Iza Calzado. Pinatuloy siya sa loob ng bahay kasabay ang nakababaklang hiyaw ng aking Tita, Tito at Lola sa panonood ng boxing.

* Nangangahulugan ang “nakababakla” na nakakabasag ng katahimikan! Ok?

Ang mundo ko’y tila napapanganyaya o malapit nang mabuwag. Halos manghilakbot ako! Kagyat naman akong nagtungo sa banyo upang maligo at pagkuwa’y nagbihis na para sa aming lakad. Sinabi ko sa kanya na hindi ako papayagan at wala rin akong pera noong oras na iyon sapagkat hindi ko tiyak kung pahihintulutan pa akong umalis sa kabila ng aking pag-ubos ng P50 na ibinigay sa akin kagabi nang humingi ako ng P20 lamang. Kung kaya’t pinatlang niya na sasagutin niya na lamang ang pamasahe. Sa kalagitnaan ng aking paliligo ay naririnig ko na nag-uusap sina Tita at Joan tungkol sa pagsama ng huli sa akin sa isang linggo sa isang mahalagang bagay. Binanggit ng aking Tita ang kupon sa Jollibee na maaari namang magamit upang makakain.

Mabilis ang mga pangyayari. Nakaalis na kami ni Joan sa bahay na ang dala ko lamang na pera ay P60. Iyon lamang kasi ang ibinigay sa akin ng aking Lola. Ang alam pala ng huli ay pupunta kami sa Megamall. Puros paghingi ng patawad ang naibulalas ko habang naglalakad kami patungo sa kanto. Sa tingin ko ay kasalanan ko kung bakit kami mahuhuli sa nais niyang mapuntahan at sa nais niyang mamalas. Sumakay kami ng dyip papuntang Crossing (P20). Di-kawasa, sumakay naman kami ng bus papuntang Sucat (P50). At pagkatapos ay dyip ulit ang aming sinakyan papuntang SM City Sucat (P20). Halos isang oras ang naging biyahe.

Pagdating sa SM Sucat ay damang-dama ko na ang di-mapitlaganang pithaya ni Joan na makita ang kinahahalinhangan niyang artista. Lubhang nakapanghihimagal ang mahilahil na karanasan sa isang mall tour. Siksikan ang mga tao at bawat isa ay may hangaring matanaw man lamang (kung hindi pagpalaing makita nang malapitan) ang mga hinahangaang artista. Nakita ko rin naman ang ilan sa kanila bukod kay Amihan tulad nina Pirena, batang Cassiopeia, batang Hagorn, at Arkrey. Naisip ko na mahanga nga namang ipasanan ko na lamang sa aking likod si Joan upang kanyang mamalas maigi ang kanyang paboritong artista. Walang-tuos ang pagtutulak ng mga tao sa iba’t ibang direksyon sa pagnanais na masilayan ang cast ng Etheria. Wala akong nakitang panggigipuspos kay Joan nang maisipang lisanin na ang mala-impiyernong pook na iyon. Napahinuhod sa akin ang matinding pagod buhat ng tumatagaktak kong pawis sa buong katawan.

Pumunta kami sa Jollibee upang kumain. Ang tangi naming binili ay ang drinks sapagkat sagot na ng dala kong kupon ang isang Champ at isang 1 pc. Chickenjoy. Nakalulunos isiping naghati na lamang kami sa likmuan (seat) upang makakain lamang. Ganiri ko maipalalarawan ang tagpong iyon kung saan napakaraming tao sa lugar na iyon hindi lamang sa mismong Jollibee kundi maging sa buong mall. Sa sobrang init ay hindi ko na mapagtantong mall nga ang pook na iyon ngunit sa kinatagalan ay napawi rin naman ang aming pagkagitla sa naranasan namin sa Mall Tour ng Etheria.

Di-malirip man ang natamong kagalakan ni Joan ay batid ko pa rin ang hindi niya pagsang-ayong hindi niya makamayan man lang si Iza. Hindi na daw niya palalampasin ang susunod na Mall Tour ng Etheria. Sa ikalawang pagkakataon ay aagahan na niya–o kami kung kasama man ako.

Sumakay na kami, pagkatapos, ng dyip pabalik sa Sucat Tatawid, ng bus pabalik ng Crossing at naglakad papasok ng Megamall. Mahaba na naman ang naging lakarin sanhi ng mahabang lakbayin sa loob. Naisipan ko kasing umihi muna makasandali hanggang sa loob ng isa’t kalahating segundo ay nagkatagpo pala ng landasin sina Joanne at ng isang sintang nagngangalang Dianne na nakilala niya sa DLSU. Hindi ko man lamang napagmasdan ang dilag dahil sa sobrang bilis ng tagpong iyon. Hindi ko na siya hinabol pa sapagkat alam kong hindi iyon tugma sa dapat na mangyari. Pagkatapos kong makaihi ay sumakay na kami ng dyip pauwi. Nagdalawang-isip pa ako kung sasama ba ako sa tirahan ni Joan sapagkat kaarawan ng kanyang ina. Pagkuwan, mabilis na pala kaming nakasakay ng traysikel papuntang Pinagbuhatan.

Iyon ang una kong pagkakataong makapunta sa bahay ni Joan. Wala akong ibinunsod na salita maliban sa mga ngiting pakunwa sa tunay na damdamin at sa ilang salitang aking binigkas sa tuwinang tanungin ako ng isa sa kanyang kapamilya. Hanggang sa paghinalaan ko ang lola ni Joan na nahihiwatigang nililigawan ko ang kanyang apo!

Hindi ko makakalimutan ang araw na ito. Isa ito sa mga pinakamasaya kong araw na kasama si Joan. Ang karanasang aking natamo ay maitatago ko nang mapakatagal marahil sapagkat hindi ko maipaliwanag ang nagawa ko para kay Joan–ang pagsama at pagtupad ng isa niyang pangarap–na kahit sa isang banda o isang bahagi man lang ay natulungan ko ang isa kong kaibigan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: