Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

isang kagimbal-gimbal na pangyayari

Posted by Paurong sa Linggo, Pebrero 5, 2006

Sa umpisa’y masaya ang naging practice namin ng Choral ngunit nahantong ito sa isang kagimbal-gimbal na pangyayari sa roofdeck. Inabot kami ng pagtatalukbong ng araw at gabi. Napakalamig sa roofdeck at patunay na rito ang aking panginginig habang nag-uusap-usap kaming mga leader. 7 pm. Masyado nang malamig sa labas kaya pumasok na kami sa loob. Nagkaroon ng isa na namang open forum. At sa tagpong iyon ay ako ang nakasalang. Nagdrama ako ng kung ano-anong bagay na nauwi sa pagbubuntong ko ng inis kay Aiko. Habang nagsasalita ako ay umiiyak na ang ilan tulad nina Brenn, Randy at Jeff. Hindi ko alam kung bakit sila umiiyak ngunit sigurado akong wala iyong kinalaman sa mga sinasabi ko sa mga sandaling iyon. Nasa tabi ko noon si Mark Renan at napansin kong nanlalamig siya. Patuloy pa rin ako sa pagsasalita nang bigla na lang nangyari ang hindi ko kailanman inasahan. Nanginig nang nanginig si Mark hanggang sa hindi na siya halos makahinga. Hindi niya nagawang buksan ang kanyang mga kamay. Nanlamig ang buo niyang katawan lalo na ang kanyang mga daliri na nagbuo at nagpalala sa tensyon ng lahat. Hindi naman malaman ang gagawin. Tumitirik ang kanyang mata at kitang-kita ko iyon sapagkat nasa tabi ko lang siya habang maraming tao na ang sumasaklolo sa kanya. Malinaw sa akin ang kanyang mga dinaing na mga tugon. Ayoko na… Mahirap huminga… Ayoko na… At kung anu-ano pang hindi ko na maalala sapagkat hindi ko malaman ang aking ikikilos. Isa-isa nang umiyak ang aking mga kaklase habang ang iba ay nagdaos ng isang panalangin para sa kanya. Ako naman ay nakamasid lang at pilit sinisisi sa sarili ang hindi maipaliwanag na nangyayari. Walang pinapalabas sa silid na iyon hanggang sa humingi na rin sila ng saklolo sa mga kamag-anak ng may-ari ng bahay. Isa ako sa mga tumawag sa bahay ng tito ni Mark upang ibalita ang kaganapan. Ang iba ay kanya-kanya na sa pag-contact sa mga taong maaaring makatulong. Pagbalik ko sa silid ay namalas ko pa rin ang ganoong hitsura ng lalaki. Inaapula na ang panginginig ni Mark samantalang ang karamihan ay nasa labas ng roofdeck at nangag-iiyakan. Hawak ko ang kamay ng aking mga kaklase nang mga sandaling iyon at panandaliang iniwan ang kahindik-hindik na eksena sa loob. Sa labas, nagsusumamo ang ilan habang ang iba naman ay patuloy pa rin sa pagtangis. Nilapitan ko ang iba upang patahanin at sa kaunting paraa’y mapanatagan sila. Ngunit naging mahina ang laban ng pangkat. Ang ilan sa aking mga kaklase ay pilit na pinatatahan ang karamihan. Kalat-kalat kami ng mga oras na iyon. Sa makailang sandali ay dumating na paunti-unti ang mga taong may kaugnayan kay Mark at pagkuwa’y dinala na siya sa ospital. Nang malaman naming naisugod na si Mark ay dagli kong kinuha ang kanyang mga gamit: ang kanyang salamin, ang pantalong hinubad kangina upang hindi makapinsala sa pagpapanatag sa binata, at ang kanyang medyas at sapatos, at kumaripas ng takbo pasakay ng sasakyang nagdala sa amin sa ospital na pinagdalhan kay Mark. Hindi ako halos mapakali nang mga sandaling iyon. Hindi mapanatag ang aking kalooban sa tagpong iyon at patuloy na kinakabahan sa kung anuman ang kagaganapan ni Mark. Unti-unti nang napuno ang bulwagan ng ospital sa pagdating ng aking mga kaklase at ilang kaibigan at kamag-anak ni Mark. Napanatag din kami sa wakas nang malamang maayos na ang kalagayan ng binata. Unang pumasok ng E.R. si Andy at nang makita ko siyang palabas na ay sinenyasan niya akong pumasok sa loob. Pagpasok sa loob ay hindi ko napigilang yakapin ang aking pinakamamahal na kaibigan at maya-maya’y nangilid na at tuluyang dumaloy ang luha sa aking mga pisngi. Humagulgol ako sa pagtangis at tila balang bumaon sa aking ulirat ang naging pagkakaibigan namin ni Mark. Sunud-sunod ang mga ala-ala sa aking isipan at nahugot ko mula sa aking puso ang isang bagay na hindi ko maikakaila: Mahal ko si Mark bilang isang kaibigan at ayaw kong mawala siya sa akin…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: