Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

"Popcorn"

Posted by Paurong sa Biyernes, Hunyo 9, 2006

Jonell B. Estillore (Feb. 24, 2006)

Tulad ng kinagawian, kailangan kong tahakin ang pasilyong iyon para lang makatawid patungo sa silid-aklatan. Hindi ako mahilig magbasa ngunit parati akong suki nito. Isang bagay lang naman ang nagbuhat sa akin sa pagiging araw-araw na laman ng silid-aklatan—nais kong makita o masulyapan man lamang ang isang taong nakapukaw ng aking damdamin sa tuwinang ako ay dadaan sa pasilyong iyon.

Nasa dulo pa lamang ako ng pasilyo ay kabado na ako at madalas na tumitigil muna sa isang tabi upang huminga ng malalim at mag-ipon ng lakas ng loob na dumaan sa gawing iyon. Dahan-dahan ang aking paglalakad at pinipilit na maging normal, na para bang walang pakialam sa mga kaganapan sa aking paligid at ang tanging pakay ay makarating sa silid na puno ng mga aklat na ayaw kong basahin.

Ayun siya: katulad ng dati’y nasa tabi ng bintana, nakikinig sa guro at hindi nagagambala sa mga taong bumabagtas ng landasin ng pasilyo. Dug dug dug dug… Dinig ko ang malakas na kabog ng aking damdamin. Kinakabahan ako sa tuwinang dadaan at parating gumagawa ng paraan upang huminto sa tapat ng kanyang silid-aralan para lamang makita siya. Mapungaw ang kanyang pagmumukha na sinaluhan ng kariktan ng kanyang kalinisan. Higit pa sa aking pagkakalarawan sa kanya ay aywan ko na sapagkat parating panakaw ang aking pagtitig sa kanya.

Mabilis lang ang mga pangyayari sa tuwing dadaan ako upang makita siya at pagkatapos niyon ay mananatili na ako sa silid-aklatan. Panay ang aking pag-aasam na pumasok siya sa silid-aklatan matapos ang kanyang klase. Palagi ko iyong iniisip ngunit alam ko namang imposible lalo na’t kagaya ko’y hindi siya mahilig magbasa. Matagal ko na iyong napansin sapagkat hindi ko talaga siya nakikitang pumapasok sa library. Sumagi na minsan sa aking isip na maghintay na lamang sa gilid ng gusali upang maabutan ang kanyang pagdaan ngunit naisip kong masyado na iyong halata. Mas mabuti pang mamalagi na lamang ako sa loob ng silid-aklatan kaysa magmukhang loka-loka sa kahihintay.

Sa loob ng linggong iyon ay natutunan kong basahin ang librong Jonathan Livingstone Seagull ni Richard Bach kaya’t natuwa akong magkaroon ng dahilan sa pagpunta-punta sa library. Isang araw, naroon ako sa library nang bigla na lang nangyari ang matagal ko na pinapangarap. Kitang-kita ko ang kanyang pagpasok sa library. Siya lang mag-isa. Tila bumagal ang mabilis na pangyayaring iyon. Mas maigi ko siyang nakita. Matayog ang kanyang tindig at makislap ang kanyang mukha. Sa hiya ay dagli kong tinakpan ng hawak kong libro ang aking mukha. Lalo ko pang ikinahindik ang kanyang paglapit sa akin.

“‘Lam mo, maganda ‘yang binabasa mo,” sabi niya. “Favorite book ko ‘yan.”

“Ako din,” maikli kong sagot.

Doon nagsimula ang lahat. Nakilala ko siya. Nakilala niya ako. Kung hindi dahil sa librong hawak ko noon ay hindi siguro kami magkakakilala at habambuhay na akong maghihintay sa wala.

Naging malapit kaming magkaibigan. Mas pinili niya na akong samahan kaysa sa mga kaklase niya. Madalas niya akong puntahan sa aking classroom kapag may free time kaming dalawa at gayon din naman ako sa kanya. Nagkapalagayan kami ng loob at lubos ko itong ikinasiya. Akala ko’y hanggang sa panaginip ko na lang siya makakausap.

Isang beses, niyaya niya akong manood ng sine. Sumang-ayon ako at pinaghandaan ang araw na iyon. Sinundo niya ako at mabilis naman kaming nakarating sa sinehan. Bumili kami ng popcorn at cola. Pagpasok sa loob hinawakan niya ang aking kamay hanggang sa makaupo kami. Hindi ako makapaniwala sa kanyang ginawa. Iba ang kanyang pagkakahawak. Iba talaga. Nang nakaupo na kami at naghihintay sa palabas, panay ang tingin ko sa kanya. Siya naman ay panay ang pisil sa aking pisngi na pinakitaan ko ng kasungitan ngunit ang totoo’y kinikilig ako sa mga tagpong iyon. Hindi ko namalayan na hawak ng kanyang kanang kamay ang aking kaliwang kamay. Bigla akong nawalan ng interes sa pinapakitang patalastas sanhi ng kanyang panay na pagtitig sa akin. Tinitigan ko rin siya. Ngumiti siya at ako ay napangiti rin.

Napagtanto kong napakabait ng taong iyon sa akin. Maaalahanin siya at siya ang nagbigay kulay sa aking buhay. Ilang buwan lang ang nakalipas ay panay pagsilay lang ang aking inatupag ngunit tignan niyo naman ngayon kasama ko na ang lalaking pinakamamahal ko. Nahulog na nga ako sa kanya.

Nakakatuwa ang aming pinapanood. Hanggang sa hindi ko namalayan na nakakuha ako ng isang piraso ng papel sa loob ng lalagyan ng popcorn na kinakain namin. Nagtaka ako. Bakit naman may papel sa popcorn? Binuklat ko ang papel at inaninag ang nakasulat doon.

I LOVE YOU, CATHY. – FRANK

Hindi ko alam ang dapat kong maging reaksyon. Sinong Frank? Si Frank na parati kong tinitignan sa tuwing pupunta ako sa library? Si Frank na naging kaibigan ko dahil sa binabasa kong libro? Si Frank na mahilig manood ng sine? Si Frank na ngayo’y katabi ko at hawak ang aking kamay? Sinong Frank?

Tumingin ako sa aking katabi; tinignan ko si Frank. Nakangiti siya.

“I do love you, Cathy. Unang kita ko palang sa’yo… Hindi ko pinipilit na mahalin mo din ako. Gusto ko lang na malaman na mahal talaga kita.”

Luminga-linga ako at namalayang walang masyadong tao sa aming paligid.

“Hindi ko alam kung paano sasabihin… Frank…”

“Wag mong sabihing hindi mo ako mahal?”

“Hindi—”

“Anong hindi?”

“Hindi ko alam kung paano sasabihing mahal ni Cathy si Frank!”

Manipis na katahimikan ang bumalot sa pagitan naming dalawa. Nagkaalaman na. Masaya ako sa naging resulta. Naging kaming dalawa at magpasahanggang ngayong ay kami pa rin.

Kaya kung mayroon kayong nadarama para sa isang tao, dapat lang na sabihin niyo kaagad at huwag hintaying mabitawan pa siya. Tandaan na sa paglipas ng panahon, tulad ng sa libro ni Bach, bumibigat ang isang bagay na matagal nang hawak ng isang tao at kung kanya itong mabitawan ay mahirap nang makuha pang muli…

Isang Tugon to “"Popcorn"”

  1. nivenix said

    hello poh!! thankyou po s pag-vct ng blog koh..na-shock lng po akoh nung bnbsa mo poh ung blog ko s studynet.
    Gling nio po!!! grabe…astig nung mga entries moh!! ndi ko n nga nbsa lhat kc it would take lots of tym…thnks dn po pla s comments…nkkhya 2loi…hehe…cge poh,till nxt tym!!thankyou ulet…..

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: