Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

"Araw ng Paglahok"

Posted by Paurong sa Linggo, Hunyo 11, 2006

Isang araw iyon ng Abril nang kinailangang bumalik sa paaralan upang lumahok sa susunod na taon ng pag-aaral sa high school. Hindi ako halos napanatag sa aking sinakyang dyip bunsod ng kung ano-anong bagay na gumapang sa aking isipan. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari at kung paano tatakbo ang araw ng enrollment.

Naalala ko tuloy ang unang araw ko sa Rizal High School. Kasama ko ang aking lola nang lumahok ako sa unang taon. Noon ay kinakabahan ako dahil takot ako sa maraming tao at wala akong kaalam-alam sa kahihinatnan ng buhay sa loob ng paaralang iyon. Halos maligaw kami sa paghanap ng ganitong silid at ganiyang silid. Punta kami doon, punta kami dito. Kinakabahan talaga ako noon, ngunit mas matindi ang nararamdaman ko ngayon: takot, na makita ang mga dati kong guro at kamag-aral noong isang taon; kaba, na baka wala pa akong marka sa Physics; takot, na matanggal ako sa pilot; hiya, sa pagiging tamad ko noong isang taon na pihadong magiging mitsa ng pagkakahulog ko ngayong Fourth Year; saya, na makitang muli ang aking mga kaibigan; at pagkainip, sa kahihintay ng kung ano pa ang maaaring mangyari. Higit sa lahat ng aking nadama ang pagkasabik—pagkasabik na madama ang lahat ng aking nabanggit.
Ayun na nga! Bumaba na ako mula sa dyip at hindi nakuhang tignan ang aking tinapakan. Tumawid ako at hayun! Nasa harapan na ako ng pulang tarangkahan ng aking pinapasukan. Hindi ko hinayaang mapag-isa ako sa pagpasok. Naghintay ako ng kakilala at inabutan ang isang babaeng kumaway sa akin.

“Uy! Manuel!”

“Lovi! Kamusta na?”

“Okey lang naman. Wala kang kasama?”

“Wala nga, eh. Pwedeng sabay na tayo pumasok?”

“Sige. Wala rin ako kasama. Hindi ko mahagilap si Gerald; baka nasa loob na ‘yun.” Tinukoy niya ang kaniyang boyfriend.

Pumasok na nga kami sa loob. Napagmasdan kong maigi ang mga pamilyar na security guard sa pagpasok. Nagitla ako sa dami ng tao, hindi dahil sa dami ng mga papasok na estudyante kundi dahil sa ilang mga magulang na naroon. Napansin ko rin ang mismong buong paligid na kinakitaan ko ng walang pagbabago. Patuloy lamang kami sa paglalakad.

“Sigurado section three na ako,” sabi ko.

“Malamang nga. Hindi ka kasi nagtino last year. Pasalamat ka walang pilot na malalaglag. Naging tambakan na naman ang section three. Pero mabuti na rin na tayo-tayo pa rin ang pilot class. Sigurado na ‘yan. Magkaklase na tayo! Kung hindi ka kasi nagbulakbol noong isang taon, e di sana section two ka pa rin. Absent ka nang absent ‘yan tuloy ang napala mo. Madalas mo pang awayin ang mga teacher. Nakakagigil ka, Manuel, sobra!”

Tama ang kaniyang sinabi. Hindi ko sineryoso ang third year kaya ako humantong sa ganito.

“Oo na, sige na po. Tama na po kayo.” Napansin kong wala kaming nakasalubong na kaklase namin kaya’t takang-taka kami. Naghiwalay kami ng landas sapagkat kailangan kong gumawi sa Teacher’s Room kung nasaan ang aking adviser na si Gng. Iquin.

Nakita ko ang aking mga kaklase sa labas ng Teacher’s Room. Ang ilan ay bumati sa akin; binati ko naman ang iba. Binati ko si Gary at naalala ko tuloy ang atraso namin kay Gng. Iquin.

Noong third grading ng nakaraang school year, hindi kami nagtamo ng marka ni Gary sa Physics. Hindi ako kumuha ng Periodical Test habang siya naman ay hindi nakapagpasa ng laboratory manual. Hayaan ninyong alalahanin ko ang umpisa ng himagsik ng aming tagapayo.

“Maraming salamat po, Gng. Iquin. Mabuhay!” Huling klase namin ang Filipino. Pumatak na ang alas-kwatro y media at nagsipaghanda na ang buong klase sa isa na namang uwian nang biglang—

“Maiwan sina Gary, Rana, Fel, Nato, at Manuel. Kakausapin ko kayo.”

Nagkatinginan kami ni Gary; alam na namin kung ano ang isusumbat ni Gng. Iquin. Nang makaalis na ang karamihan sa klase, umayos ng upo ang butihing guro at sinenyasan kaming pumalapit sa kaniya.

“Ano ba nangyayari sa inyo? Wala kayong grade sa mga klase niyo! Ikaw, Fel. Hindi ka daw nagpapasa ng kahit ano kay Mr. Pascual. At nasaan na ba yung hiniram mong libro kay Liz, sa section one. Ikaw talaga! Hindi ka rin nagpasa ng term paper kay Mrs. Merino. Ikaw naman, Nato, wala ka ring term paper. Ano ba nangyayari sa iyo? May problema ka ba? Bakit ba ang titigas ng ulo niyo? Ikaw, Rana! Mapa mo sa Social! Wala ka daw grade sabi ni Mrs. Relova.”

“Magpapasa nga po ako!” ani Rana.

“Magpapasa? Kelan ka pa magpapasa?”

Napakamot siya ng ulo. “Sa ano po…”

“Gary!” Sa banggit ng pangalan niya ay tumugon ng isang matinding ngiti ang binata. “Wag mo ‘kong ngingiti-ngitian! Bakit wala kang grade sa Physics!”

Isa pa siyang napakamot ng ulo. “Hindi po kasi ako nakapagpasa ng manual…”
Ngumiwi ang guro at sabay baling sa akin. “Manuel, ikaw, ba’t wala ka ring grade sa Physics?”

Isasagot ko sanang “dahil tamad ako” pero sinabi ko na lamang na “hindi ko po tapos ‘yung periodical test.”

At kung nakinig ako nang maagi nang hapong iyon ay malamang nailahad ko pa nang malaon. Datapwat, ang katapusan ng pagpulong niya sa amin ay ang pangangailangang makausap ang aming mga magulang.

Binalewala ko noong una ang banta ni Gng. Iquin. Ngunit makalipas ang isang linggo, gumawa na siya ng paraan. Sumulat siya ng isang liham para sa aking magulang.

Ika-27 ng Pebrero, 2006
G. at Gng. Angeles,
Inaanyayahan ko po kayong pumunta sa paaralan upang kayo’y aking makausap hinggil sa ilang asignatura ng inyong anak, lalo na ang marka niya sa Physics.
Inaasahan ko po ang inyong pagdating.
Lubos na gumagalang,
Gng. M. Iquin

Itinago ko sa aking bag ang liham na nabanggit at hindi kailanmang ipinakita sa aking lola, na siyang aking tagapangalaga. Sa kabila ng paulit-ulit na pagpaalala at pagbabanta ni Gng. Iquin na hindi kami makakukuha ng mga test at iba pa, ay hindi ako natinag. Sumagi na minsan sa aking isip na kumuha ng kunwaring magulang ngunit lahat ng mga plano ay nahantong sa wala.

Yaon nga ang aking kinabagabag—na baka patawagin muna ang aking lola bago ko tuluyang makuha ang aking card kay Gng. Iquin.

Balikan natin si Gary. Napansin kong nakuha na niya ang kaniyang card kaya’t itinanong ko kung mayroon na ba siyang marka sa Physics.

“Oo, naman!” pagmamalaki niya sa akin.

Kinabahan ako. Malamang pinapunta niya ang kaniyang magulang kaya niya natamo ang kaniyang card. Baka hindi. Ewan.

“Pinapunta mo?” tanong ko na agad niya namang naintindihan.

“Oo, pinapunta ko!”

Namula ako.

“Hindi. Joke lang. Ba’t natin papupuntahin?”

Isa na naman pala itong biro ng komedyanteng si Gary. Lumuwag ang aking paghinga at hindi ko na inasam pa ang mga sapintahang tulad ng pagpapatawag sa magulang bago magkaroon ng marka sa Physics, at iba pa.

Maya-maya’y ako na ang nakasalang sa pagkuha ng card. Pinaalalahanan ako ni Gng. Iquin na mag-aral na nang mabuti at huwag nang maging tamad. “Pagbutihan mo!” sabi niya.

Walang mapagsidlan ang saya ko nang oras na iyon. Wala na pala akong dapat na alalahanin bagkus ay dapat na ituon ang pansin sa nalalapit na hamon ng huli kong taon ng pag-aaral sa Rizal High.

Sari-sari na ang naging reaksyon ng bawat isa sa aming magkakaklase. Ang iba ay nalulungkot na mahiwalay at mapunta sa section three. Ang iba naman, sigurado, ay masaya dahil sa pananatili sa section two. At ang iilan ay naiinis sapagkat hindi nila nagawang humabol sa pagiging section two. Ang ilang dating section one naman ay bumaba sa section two. Mayroon din namang mga dating section three na umakyat sa section two.

Isang malaking pasasalamat, sa pangalawa kong pagbanggit, na walang pilot na tumapon sa labas.

Ilang minuto lang ay naroon na pala ako sa harap ng Science Building. Nalaman kong isang Mrs. Prado ang magiging adviser ng IV-3. Wala pang pila nang ako ang unang nagbigay ng card ko. Ganoon lamang kapayak ang naging paglahok sa pagkakabilang sa ikaapat na taon. Gayong isang pampublikong paaralan ang RHS kaya naman wala kaming binayaran, ni singko.

Wala akong kasamang lumabas sa paaralan. Hindi ko na alam ang gagawin ngayong wala na ang mga dati kong kasa-kasama noong Third Year. Naisip kong dalawang dosena pa ang kailangan kong kilalanin at kaibiganin sa Fourth Year: iyong mga III-3 dati na nasa section three pa rin ngayon. Sa tatlong pilot sections, kami ang may pinakamalaking populasyon: apatnapu’t apat. Iniwan ko na naman ang RHS at ipinalanging magiging matagumpay ang susunod na taon. Gayon nga sana ang mangyari.

Sa paglabas ko, isang bagay ang tumatak sa aking isipan. ‘Kailangan ko nang mag-seryoso. Mag-aaral akong maigi. Huling laban na ‘to kaya’t hindi na maaari ang lalamya-lamyang pag-iisip at katamaran. Humanda ka na Fourth Year, here I come.’

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: