Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

"Halik ng Kahapon"

Posted by Paurong sa Linggo, Hunyo 11, 2006

I

Ang mga bagong dating na biyahero ng eroplano ay nangagmamadali sa iba’t ibang direksyon upang malapitan ang mga taong naghihintay sa kanilang pagdating. Ang iba naman ay mangiyak-ngiyak sa pagpapaalam sa kanilang mga mahal na magtutungo sa ibang bansa. Isa ako sa mga taong tumatangis-tumatangis dahil aalis na siya. Hinatid ko siya dito. Ang pagkakaiba lang ay hindi niya dapat ako makita. Ganoon pa rin ang hitsura ni Brian-makisig ang matangkad na pangangatawan na sinaluhan ng maamong mukha at kapansin-pansing tindig. “Passengers for flight 812 bound to California, USA…” Ikinabingi ko ang mga katagang aking narinig. Oras na ng kanyang pag-alis. Aalis na siya dito sa Davao. Oras na…

Nagsimula ang lahat nang magkaroon kami ng class party isang linggo pagkatapos ng graduation ni Brian. Lahat ay dapat na magkaroon ng kanya-kanyang date. Isa ako sa walang date kaya tinulungan ako ng ilan kong kaibigan sa pagkilala sa ilang posibleng date. Pero wala akong nagustuhan. Iminungkahi ng aking nanay na si Brian na lang ang aking isama, tutal dalawang taon lang naman ang agwat niya sa akin at kampante naman ang loob niya sa binata. Umangal ako nang umangal hanggang sa napunta ang lahat sa aming pagtatalo.
“Kung hindi si Brian, wala na lang party. Hindi ka na lang pupunta! Second year ka pa lang, Jen. Fourteen ka pa lang. You’re too young to have a date, unless you pick Brian.”
Kumaripas ako sa pagtawag kay Brian sa telepono at sinabi ko sa kanyang pinapupunta siya dito ng aking nanay. Ilang minuto lamang ay dumating na si Brian kaya dagling nakiusap ang aking nanay kung maaari bang samahan niya ako sa gaganaping party.
Nang gabing iyon, maaga akong sinundo ni Brian kaya’t maaga din kaming nakarating sa resort na pagdadausan ng unang party na aking dadaluhan.
“Unang party mo ‘to kaya dapat i-enjoy mo,” sabi niya.
“Bakit ka pumayag na maging date ko?”
Nahalata ko sa kanyang pagngisi ang pagkabigla sa aking tinuran. Gayunman, sinagot niya pa rin ang aking tanong.
“Hindi ako makahindi sa Mommy mo. Alam ko hindi mo ako gustong maging date kaya sana i-treat mo na lang akong isang chaperone. Enjoy the party, Jen.”
Pabulong akong nagmura. Isang chaperone?
Maraming tao sa lugar na iyon pero hindi ako natatakot dahil nasa tabi ko naman si Brian. Humantong ang party sa isang sayawan. Love song ang pinatugtog kaya’t unti-unting nangagsipagkuha ng kapareho ang mga lalaki upang maisayaw. Sino ba naman ang kukuha sa akin, inisip ko.
“Pwede ba tayong sumayaw?” tanong ni Brian sa akin. Ako ay lubos na natigilan. Tumayo ako at pumunta kami sa gitna upang magsayaw. “Isipin mo na lang na mahiwaga ang gabing ito. May magic kunwari. Isipin mo na ako ang prince charming mo.” Napangiti ako.
“At isipin mo naman na ako ang girlfriend mo.”
Ngumiti siya at nagwikang wala pa raw siya no’n.

Ramdam na ramdan ko ang init ng kanyang katawan lalo pa noong inilagay niya ang kanyang kamay sa palibot ng aking baywang na nagpalapit sa akin sa kanya. Dama ko ang hindi maipaliwanag na pag-ibig sa kanya.
“Halika, pumunta tayo sa tabing-dagat,” yaya niya. Kumaripas siya ng takbo hila-hila ako pababa sa tabing-dagat. Sa kanyang pagkahila sa akin ay hindi ko na namalayan na natanggal na pala sa aking paa ang aking tsinelas. Ang sarap damhin ang pagkakahawak niya sa aking kamay kahalo ang lamig ng hanging bumaybay sa aming dalawa.
Naglakad kami sa kahabaan ng tabing-dagat. Nakapaa kami sa ibabaw ng malamig na buhangin at minsan ay huminto upang pumulot ng kabibe. Hindi ko alintana ang kakulangan ng liwanag ng gabing iyon bagkus ay nagalak ako sapagkat kasama ko siya. Huminto kami sa paglalakad at umupo sa buhangin. Sabay naming pinakinggan ang tila musikang hambalos ng bawat alon sa aming mga paa at hindi alintana ang mga tao sa itaas na kapatagan. Ngumiti ako ngunit hindi siya gumanti ng ngiti. Ano’ng nangyayari sa kanya, sa loob-loob ko. Binaling ko na lang ulit ang tingin ko sa dagat. Napatingin ako ulit sa kanya; nakatingin pa rin siya sa akin.
“Baka naman matunaw ako sa ginagawa mo?” pawaksi kong tanong.
Sa wakas ay ngumiti na siya at nabatid ko ang lalim ng kanyang angking biloy.
“Wala ka ba talagang gusto kay Mark, ‘yung kaklase mo?” tanong niya sa akin.
“Wala kaya,” tugon ko. “Ikaw sino ba gusto mo?”
Napatigil siya. Sa tagpong iyon ay alam ko nang ikasasakit ng aking puso ang kanyang napipintong pagsagot. Kung sasabihin niya man ay pihadong ikasusugat iyon ng aking damdamin. Tinitigan ko siya at marahang itinaas ang aking mga kilay hudyat ng aking paghihintay sa kanyang sagot. Tumingin siya sa akin nang maigi.
Nang mapatingin ako sa kanya napansin kong kanina pa pala siya nakatitig sa akin.
“Isang tao lang naman ang nagpatibok ng puso ko, e,” sabi niya. “Kaso nahihiya ako sa family niya. Napakabait niya. Maganda na, matalino pa.”
Kasabay ng aking pagkasabik na malaman kung sino ang babaeng tinutukoy niya ang hindi ko maiwasang pagpuyos ng aking damdamin. Nagpatuloy siya.
“Mahal na mahal ko siya kaso nahihiya akong ipagtapat ang nararamdaman ko sa kanya kasi alam kong hindi pwede.”
“Pa’nong hindi pwede-”
“Ikaw!” sumbat niya. “I love you, Jennifer. I really love you.”
Waring tinamaan ako ng sampung lintik sa aking narinig. Hindi ko mapagtanto ang aking isasagot o sasabihin man lang. Talaga bang mahal niya ako, tanong ko sa aking sarili.
“I-I love you, too, Brian…” naisagot ko na pala ang matagal ko nang inililihim sa kanya. Hindi ko nasisi ang aking sarili sa ibinuka ng aking bibig.
Gumulantang sa aking loob ang karamihan ng iba’t ibang tanong. Paano nangyaring minahal ng isang kagaya ni Brian ang tulad ko na isang simpleng babae lamang? Paano na niya ako magugustuhan samantalang napakatahimik ko? Paano niya ako magugustuhan kung ganito ang aking hitsura-simple lang ako hindi tulad ng iba? Bakit ako minahal ni Brian? Mahal niya nga ba talaga ako?
Hindi ko halos namalayan ang sumunod na naganap. Inilapit niya ang kanyang mga labi sa akin at hinalikan ako. Para bang tumigil ang pag-ikot ng mundo sa mga sandaling iyon. Ang pagdampi ng kanyang mga labi ay maituturing kong isang halik na nag-uumapaw sa pagmamahal. Ilang saglit ang dumaan bago niya tinapos ang mainit niyang halik. Niyakap niya ako nang mahigpit at tumalbog sa akin ang kalaliman ng kanyang pag-irog.
Sa puntong iyon ay natauhan ako. Iniwas ko ang aking sarili paatras.
“Hindi ito tama, Brian…”
Lumapit siya muli sa akin at akmang hahagkan ako ulit ngunit lumayo ako. Tumindig ako ngunit nahabol niya pa rin ako ng akap.
“Pwede ba, Brian, tigilan mo ‘ko!” sigaw ko.
Nagulat ako sa aking nakita. Ang makisig na si Brian ay kinalingiran ng mga luha na unti-unti kong napagmasdang tumulo sa kanyang pisngi at tuluyang pumatak sa buhangin.
“Hayaan mo namang yakapin kita… kahit sa huling sandali.”
Niyapos niya ako habang ako ay napatunganga sa kanyang sinabi.
“Anong ibig mong sabihin?”
Umiiyak siya sa likod ng sobrang higpit niyang yakap sa akin. Tumahan siya sandali upang makapagwika.
“I need to leave, Jen… malala ang kalagayan ni Daddy sa States kaya kailangan kong pumunta. He needs me. I miss him. Ayoko mang umalis pero kailangan. Ayoko mang iwanan ka pero wala akong magawa. Ayaw kitang iwan, Jen. Mahal na mahal kita.”
“Magkikita pa rin naman tayo, ha? Ilang araw ka lang naman do’n tapos babalik-”
“Jen.” Napatigil ako at lalo kong natignan ang kanyang pagluha. “Jen, doon na ako magpapatuloy ng pag-aaral. Kasama ko si Mommy pagpunta do’n… siya na rin ang magpapatuloy ng business kaya kailangan doon na rin ako. Ayaw man kitang iwan…”
Niyakap ko siya nang napakahigpit. Tangayin man kami ng ipu-ipo ng isipin ng kanyang paglisan ay wala akong pakialam.
“Tandaan mo, Jen, mahal na mahal kita. At kailanman, hindi ko pinagsisihang nakilala kita… I will treasure the times we were together forever. Remember, Jen, I love you.”
Hindi ko kailanmang makakalimutan si Brian. Siya ang aking first dance: ang taong hindi ko ikinahiyang makasayaw kahit na hindi ako marunong. Siya ang aking first kiss: na kung kailan naganap ay hindi ko na maipaliwanag ang aking naramdaman, ang nasa isip ko lang ay ang kaganapan ng pagsinta sa halik na iyon.
Siya ang aking first dance sa aking unang party na dinaluhan. Siya ang aking first kiss. Siya ang aking first love. Pero siya ay aking first cousin.

II
Dumating ang panahon na nakalimutan ko na ang Brian na nakilala ko. Ito ay sa kadahilanang hindi man lamang niya ako nabati noong ipinagdiwang ko ang aking kaarawan, isang buwan matapos ang huli naming pagsasama. Hinintay ko ang kahit anong pagbati na maaaring magmula sa kanya ngunit nabigo ako. Hindi ko nagawang maging masaya noong araw na iyon kaya lubos ang pag-aalala sa akin ng best friend kong si Alex.

Wala na akong narinig tungkol kay Brian. Unti-unting nawala ang una kong naramdaman sa kanya. Marahil talagang hindi pa ako handa o baka naman nagkamali lang ako. Ang pakiramdam ko sa sarili ko ay hindi talaga ako nag-isip ng mabuti nang unang tumibok ang puso ko. Mali talagang magmahal sa kagaya niya. Itinuon ko ang aking pansin sa pag-aaral nang maging fourth year na ako sa high school. Nagsawa na rin ako sa kahihintay sa kanya.

Hindi ako naghanap ng lalaking mamahalin… o naghintay man lamang. Waring nalagas ang aking mga sanga sa pangyayaring pagkalimot sa akin ng taong naging espesyal sa akin. Kung ipinaalam ko lang sana sa kanya noon pa ang nadarama ko sa kanya ay di hamak na naging mas masaya sana kami bago pa siya kinailangan pumunta sa ibang bansa.

Naging sabik ako sa pagiging mas malapit namin ni Alex. Naging bukas siya sa lahat ng bagay samantalang hindi ko man lamang sa kanya mabanggit ang tungkol kay Brian. Gayunpaman, nawala na ang lahat ng aking pangungulila sapagkat nabaling na ang atensyon ko sa best friend ko. Madalas kaming magkasama at napagkakamalan pa ngang “kami” dahil sa sobrang kalapitan namin sa isa’t isa. Madalas siyang nasa bahay namin at minsan naman ay ako ang pumupunta sa kanila lalo na kapag hindi ko maintindihan ang mga aralin sa eskuwelahan.

Hanggang sa narinig ko na lamang mula sa iba’t ibang bibig na may gusto daw si Alex sa akin. Pinabulaan ko ang mga paratang ngunit matatag ang naging pangangatwiran ng iba’t ibang bibig na iyon. Sigurado raw sila na gusto ako ni Alex kaya siya laging malapit sa akin. Dahil diyan, natuto akong iwasan siya. Hindi na siya ang palagi kong kasamang kumain kapag lunch break at lalong hindi na siya ang kasabay kong umuwi pagkatapos ng mga klase. Hindi na kami ang dating magkaibigan na palaging nagtatawagan sa bahay, nagkukulitan kapag papunta sa Laboratory, o iyong napagkakamalang magkapatid. Umiwas ako dahil ayokong isipin ng mga tao na pinapaboran ko siya sa kanyang pagkagusto sa akin.

Tumagal ang ganoong sitwasyon sa loob ng isang buwan. Pumanaw ang naging ugong-ugong tungkol sa pagiging “kami” at nanatili na ang katahimikan sa isip ko. Pero… nagsisi ako bigla. Ano ba naman ang ginawa ko sa best friend ko? Madalas na siyang lumiban sa mga klase at parati nang mag-isa, nakatulala at hindi madaling malapitan. Hindi na siya ang dating masiyahin Alex na nakilala ng bawat isa. Lubos siyang naging apektado sa ginawa ko.

Naging matigas ako, ngunit noon lang pala iyon. Nakamit ko ang pinakamatinding parusa sa buhay ko. Nang minsang magkapangkat kami sa paggawa ng project sa English ay nagkasama kami isang araw ng Sabado nang biglang nanikip ang kanyang paghinga. Dinala namin siya sa ospital at doon ko lang nalaman na may namumuo na palang karamdaman sa kanyang baga. Napuno ako ng hintakot at doon ko naisip na mali ang ginawa kong pag-iwan sa kanya. Iniwan ko siya sa paglipad kaya’t lumagapak siyang mag-isa, hindi makabangon. Nang pwede nang pumasok sa Emergency Room, nagmadali akong tumabi sa kanyang kama at doon ay napahagulgol ako. Hindi ko napigilan ang labis na pagluha at masidhing pagsisisi sa aking ginawa sa kabila ng kanyang mahimbing na pagkakahimlay. Mabuti na lang at maayos na daw siya sabi ng doktor. Alalang-ala ako sa kanya. Nang dumilat na siya, hindi ko nagawang huwag siyang yakapin at sabihin sa kanyang ayaw ko siyang mawala sa akin. Siya ang naging lakas ko at ayaw kong mawala ang taong nagawang pasiyahin ako sa kabila ng aking kalungkutan.

“Alex… huwag mo ‘kong iiwan, ha?” sabi ko sa kanya. “Patawarin mo ako sa pag-iwas ko sa’yo.”

Nanatiling tahimik si Alex sa kanyang pagkakahiga; pinagmasdan niya lamang ako sa patuloy kong pagtangis.

“Nalaman ko kasi na may pagtingin ka sa akin kaya nailang ako kaya ko nagawang huwag nang sumama sa iyo. Huwag mo akong iwan, Alex. Na-realize ko na hindi ko pala kayang wala ka sa piling ko. Mahal din kita…”

Hindi ko naisip ang huli kong bulalas. Dagli na lamang itong lumabas sa aking bibig at nabaling ang aking tingin sa mga mapupungay niyang mata.

“Jen… I’m not forcing you to love me… I just want you to know na mahal kita, Jen. Sana maniwala ka…”

Natigilan ako sa loob ng isa o dalawang sandali ngunit bigla kong naisipang kumaripas ng takbo palabas ng kanyang silid. Nilagpasan ko ang kanyang mga magulang na mabilis na napansin ang aking pag-alis. Agad akong umuwi ng bahay at sa loob ng aking kuwarto ako nagkulong. Hindi ko malaman ang dapat kong maging reaksyon. Unti-unting bumalik ang masasaya naming ala-ala pati na rin ang tagpo sa ospital. Hindi ko na lamang namalayan na nakatulog na pala ako sa kaiisip sa aking best friend.

Nang dumating ang araw ng Lunes, may pasok na, mabilis pa sa apoy na kumalat sa buong klase ang pagkaka-ospital kay Alex. Pumasok na siya at nagbalik ang dati naming pagsasama. Hinayaan ko na rin ang mga pinagsasabi ng iba tungkol sa aming dalawa. Masayang-masaya ako dahil bumalik na ang dati naming pagkakaibigan.

(itutuloy…. sana lang)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: