Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

kuwentong bitin…

Posted by Paurong sa Biyernes, Hulyo 14, 2006

Nakahilata na naman ako sa aking kama. Pinilit kong buksan ang aking mga mata pero hindi ko nagawa. Sinubukan kong bumangon subalit waring nakadikit na ang katawan ko sa malambot kong higaan. Nakiramdam ako. Naulinigan ko ang sunud-sunod na patak ng ulan sa bubong ng aming bahay at ang patuloy na paglakas ng hanging nagdudulot ng malalakas na hambalos. Masarap talagang matulog kapag masungit ang panahon, lalo na kung nag-iisa ka lang sa bahay.

Isa. Dalawa. Tatlo. Dahan-dahan kong binuksan ang aking mga mata at unti-unting nasilayan ang liwanag. Semplang. Hindi ko nagawang magmulat o tumindig. Animoy nakapako na ang buo kong katawan sa bawat sulok ng aking kama.

Bigla kong narinig ang pagtunog ng telepono. Nagawa kong imulat ang aking mga mata at tumayo. Bumaba ako upang puntahan ang telepono. Umupo ako sa sofa at nang kukunin ko na ang maingay na telepono, bigla itong tumigil sa pagtunog.

Dalawang ring, pagkuwa’y mawawala? Napaisip ako. Para bang nakilala ko na ang tumawag pero baka nagkamali lang ako. Umuulan. Dalawang ring. Pagkuwa’y mawawala.

Fourth year ako noon. Karaniwan na sa akin ang pagpunta sa computer shop matapos pumasok sa eskuwelahan. May nakita akong diskette na nakapasak sa drive ng cpu ng unit na ginagamit ko. Mukhang may nakaiwan! Kinuha ko iyon at tinignan kung may pangalan. Joey III-1.

Kinabukasan, matapos kong kumain ng lunch, mag-isa akong pumunta sa gusali ng mga third year para hanapin ang may-ari ng diskette. Ipinagtanong ko kung sino ba si Joey at nalaman kong isa pala siyang babae! Akala ko talaga lalaki. Pinalapit nila sa akin si Joey at nang makaharap ko na siya, ibinulalas ko kaagad na nakuha ko ang naiwan niyang diskette. Narinig ko ang pagpapasalamat niya. Doon ko lang napagmasdang maigi ang kanyang hitsura. Mas maliit siya kaysa sa akin. Mahaba ang kanyang buhok na kinaayunan ng makinang niyang mga mata. Ang kanyang ngiti? Ang kanyang pisngi? Ang kanyang mga labi? Napakaganda niya. Ewan ko ba pero nabighani ako sa kanya. Hindi ko namalayan na kinukulit na pala niya ako sa pag-alam ng aking pangalan. Naalimpungatan ako.

“O, sige, mauna na ako. May klase pa kasi ako.”

Nagmadali akong bumalik sa classroom ko. Pagdating ko, sumambulat sa akin ang naghihimutok kong English teacher. Ayaw na ayaw daw niya ng late sa klase niya kaya’t pinatayo niya ako sa likuran hanggang sa matapos ang klase. Nakakangawit na, nakakahiya pa.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: