Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

"And Diary ni Mariel"

Posted by Paurong sa Martes, Hulyo 18, 2006


I wrote the following short story last March 1, 2006:

Wala akong ibang pagpipilian kundi ang dumaan sa gym upang mapuntahan ang aking MAPEH teacher. Tulad ng inaasahan ko, nakita ko na naman si Brixx. Napakahusay niya talagang maglaro ng basketball. Matangkad siya at may kaakit-akit na tindig, mapungaw na mata na inakbayan ng tila malalambot na pisngi at mapupulang labi. Hindi ko tuloy mapigilan ang sarili ko na mapatingin sa kanya sa tuwinang mapapadaan ako sa gymnasium. At sa mga araw na iyon ay napapadalas na ang pagtingin niya rin sa akin kapag ako ay tumitingin gayong hindi naman kami magkakilala. Ngunit pihadong nagkataon lang naman ang lahat… Mabuti na ring nakita ko siya. Mabuti’t naalala ko ang laro nila bukas.
“Mahahanap din natin ang diary mo, Mariel,” sabi ko sa aking best friend na kanina pa umiiyak dahil sa pagkawala ng naturan. Napansin ko siya sa labas ng gym matapos mapuntahan ang aking guro. “Bakit mo ba naman kasi winala-wala.”
“Huwag mo naman akong sisihin! Ikaw din naman ang may kasalanan kung bakit nawala ‘yun! Kung hindi ka sana nagmamadaling umuwi e di sana hindi ko naiwanan kung sa’n-sa’n…”
“Huwag ka nang umiyak,” kanina ko pang sinasabi sa kanya. “Oo nga pala, 6:00 ang liga bukas. Magkita tayo ng 5:00 sa waiting shed sa labas.”
“Nandoon ‘yung pinakamaganda kong litrato tapos nawala pa. Kailangan kong mahanap iyon, Donna!”
“Tumahan ka na. Basta tandaan mo bukas.” Nakangiti na ako sa kanya ngunit hindi ko pa rin mapalitan ang kanyang nadarama. “Mahahanap natin ‘yon…”

Dumating ako sampung minuto bago ang takdang oras ngunit wala pa rin ang aking kaibigan. Kalahating-oras na ang lumipas; wala pa rin siya. Pinagmasdan ko ang langit at nabatid na malapit nang bumuhos ang ulan. Maya-maya’y unti-unti na ngang umambon at tuluyan nang umulan; wala pa rin si Mariel. Limang minuto ang nagdaan hanggang sa mayroong tumigil na dyip sa kabila ng kalsada lulan ang aking pinakahihintay. Wala siyang dalang payong kaya nagmadali siyang sumilong sa tapat ng isang maliit na tindahan. Agad kong tinawag ang kanyang pansin at pinalapit sa akin. “Wala akong payong!” sigaw niya. Binuksan ko ang aking dalang payong at tumawid ng kalsada upang pasilungin siya pabalik sa waiting shed. Parang noon.
“Pasensya na natagalan kasi akong magbihis, e,” paliwanag sa akin ni Mariel bago ko pa man ako manisi.
“Natagalang magbihis? Nagpapasama lang naman ako sa’yo? Tapos ikaw pa ang may ganang magpa-late!” sigaw ko.
“Siyempre dapat presentable ako para hindi naman ako magmukhang tanga, ‘no?”
“Halika na nga,” yaya ko. “In ten minutes’ time dapat nasa court na tayo, kundi patay ka talaga sa’kin.”
“Bakit ba, ano ba kasi meron sa liga na ‘yan?”
“Wala lang.”
Mabilis na tumila ang ulan. Nagtungo kami sa basketball court kung saan mayroong idaraos na liga kung saan naroon si Brixx. Matagal ko nang napupuna ang binatang iyon sapagkat kapansin-pansin talaga ang kanyang angking kakisigan. At ang pinakagusto ko sa kanya ay ang pagiging magaling niya sa larong basketball. Hindi ko sinasabi kay Mariel ang sikreto kong ito. Baka pagtawanan niya lamang ako kapag nalaman niya na crush ko si Brixx kaya hanggang ngayon ay misteryo pa rin sa kanya kung bakit palagi akong nanonood ng liga.
Ayun nga’t masaya akong nanood ng laro. Nang magkaroon ng break ay nag-alok si Mariel na bumili ng pagkain sa labas. Tumanggi akong sumama kaya’t siya na lang ang umalis saglit. Marahan kong pinagmasdan si Brixx mula sa aking kinauupuan. Bigla siyang tumingin sa akin. Nagulat ako. Maya-maya’y nakatingin ulit siya sa akin habang umiinom ng tubig. Binaliwala ko lamang iyon ngunit sa loob-loob ko ay lubhang pagtataka kung bakit siya tumitingin sa akin. Nang makabalik na si Mariel ay niyaya ko na siyang umuwi. Idinahilan kong kailangan ko nang umuwi ngunit ang totoo’y hindi na talaga ako mapalagay noong gabing iyon.

Kinabukasan, sa eskuwelahan, nagulat na lamang ako nang bigla akong yakapin ni Mariel sabay ang sigaw ng “nahanap ko na, nahanap ko na!” samantalang ako ay takang-taka kung paano niya iyon natagpuan.
“Ang ganda na ng binabasa ko…” reklamo ko kasunod ang pagbitiw muna sa librong hawak ko.
“Merong nag-abot sa akin na lalaki. Sobrang gentleman kung alam mo lang. Sabi niya nakita niya daw yung picture ko sa aking diary kaya inilabas niya yung diary ko mula sa bag niya. Tinanong niya kung ako ba yun. Ayun nga yung diary ko. Nagpasalamat ako tapos tumakbo siya.”
“Bakit, nasagwaan ba sa hitsura mo?”
“Ang sama mo! Tinawag kasi siya nung kaibigan niya.”
Tumawa ako. “Weh?”
“Oo nga. Sayang nga lang hindi ko natanong ‘yung pangalan niya.”
“Kailangan pa bang itanong ko sino siya? If I know, binasa niya na ‘yang diary mo!”
“Hindi kaya! Tignan mo naman naka-lock pa rin.”
Natahimik ako sandali. Pagkatapos ay niyaya ko na siyang bumalik sa aming silid-aralan. Patuloy pa rin siya sa pagkuwento–paulit-ulit–sa lalaking iyon.
“Pwede ba tumigil ka na. Naririndi na ako sa’yo!”
Imbis na magalit siya sa akin ay siya pa ang natigilan. Walang salitang lumabas sa kanyang bibig ngunit mayroon siyang itinurong estudyante. Hindi ko siya pinansin bagkus ay ibinaling lamang ang aking tingin sa binabasa kong libro.
“Siya yung–siya yung nagbalik sa akin nitong diary ko.”
Hindi ko namalayan na nasa harapan na pala namin ang lalaking tinutukoy niya. Napatigil ako sa pagbabasa upang makinig sa pinag-uusapan nilang dalawa nang hindi tumitingin.
“Salamat nga pala ulit,” sabi ni Mariel alinsabay ng pagtaas sa kanyang diary. “Ano nga palang pangalan mo? Ako nga pala si Mariel.”
Napatingin na ako; kasabay nito ang pagsabi niya ng “Ako nga pala si Brixx. Nice meeting you.”
“Siya naman pala ang best friend ko, si Donna.”
“Hi!”
“Hello…” mahina kong sinabi.
“O, sige, mauna na ako. May inutos kasi sa akin yung teacher ko.”
“A, sige. Bye!” sabay ngiti ni Mariel.
Simula noon ay naging kaibigan na ni Brixx si Mariel; kami ring dalawa. Parati na silang magkatelebabad tuwing gabi at madalas nang magkasama sa pamamasyal. Palagi rin nila akong niyayaya ngunit palagi naman akong humihindi at nagdadahilan na mayroong gagawing iba sapagkat alam kong makagagambala lamang ako sa pagiging malapit ng dalawa. Tuwina pa rin ang aking pagkukunwari na hindi ko kilala si Brixx. Hindi ko sinasabi kay Mariel na siya ang dahilan ng bawat pagpunta namin sa mga basketball game. Wala akong balak. Ayokong masira ang magandang samahan ng dalawa lalo na’t malakas ang kutob ko na silang dalawa na. Habang tumatagal ay naiintindihan ko na ang tunay kong kalagayan: unti-unti nang natutunaw ang pagkakaroon ko ng paghanga sa binata bagkus ay lalong umuusbong ang aking nadarama sa kanya. Masaya mang isipin na kaibigan ko na ang minamahal ko ay masakit pa rin sapagkat hindi siya sa akin. Isang bagay pa talaga ang pakiwari ko na mayroon nang namamagitan sa kanilang dalawa ng best friend ko.
Lumipas ang mga araw at nagtapos din ang Graduation Day namin na hindi ko masyadong ikinagalak dahil noong araw na iyon mismo ko nalaman na sina Brixx at Mariel na pala talaga. Mabilis pa sa apoy ang naging pagkalat ng balita. Malaya na kami sa mga paghihirap sa high school ngunit may mas mabigat pang bagay ang nagpapapuyos sa aking damdamin. Iyon ay ang pagkabagabag kina Brixx at Mariel.
Isang Sabado, nang magtungo ako sa mall mag-isa ay nakita kong magkasama sina Brixx at Mariel na kumakain sa food court. Matagal na pala silang hindi nakita simula noong Graduation Day isang buwan na ang nakararaan. Hindi ako nagpakita sa kanila sapagkat nais ko noon na pagmasdan sila. Nabigla talaga ako nang makitang lumapit si Brixx kay Mariel at niyakap siya. Hindi ko na hinayaang makita pa ang maaaring mangyari kaya’t lumayo na ako at umuwing luhaan. Sa kalungkutan ko, naisip kong gumawa ng huling liham para kay Mariel. Itinago ko ang liham na iyon sa bag na araw-araw kong dala sa aking mga lakad at nagbaka-sakaling isang araw ay magkasalubong kami ni Mariel.
Siyang tunay, matapos ang dalawang buwan ng paghihintay, nagkasalubong kami sa tapat ng eskuwelahan ni Mariel. Iniabot ko sa kanya ang aking liham at nagpatuloy sa paglalakad.

Dear Mariel,
Gusto ko lang malaman mo na inggit na inggit ako sa iyo. Naiinggit ako kasi kayo na ni Brixx. Bakit nga naman ako dapat maiingit?
Mahal ko siya. Mahal ko si Brixx. Kaya ako nagkakaganito ngayon… hindi ako makatulog kakaisip sa kanya.
Alam mo ba, siya ang lagi kong dahilan sa tuwing may basketball game. Parati ko siya noong nakikita sa gym…
Ewan ko ba kung bakit nagmahal ng ganito ang best friend mo. Pasensya na talaga kasi nahulog ako kay Brixx lalo na noong tumagal na ang aming pagiging magkaibigan. Kung hindi dahil siguro sa’yo ay hindi kami magkakakilala niyang boyfriend mo.
Congratulations nga pala, girlfriend ka na niya.
Don’t get me wrong. Hindi ako sumulat para sabihin sa’yo na tumututol ako sa inyong dalawa, ang akin lang ay malaman mo yung nararamdaman ko.
Alam mo naman ako, diba? Sa sulat idinadaan ang mga bagay na nasa loob ko. Pagpasensyahan mo na nga pala ako kung naglihim ako sa’yo noon na hindi ko kaagad sinabi na mahal ko si Brixx.
Ito na siguro ang huli kong letter sa’yo at huli na siguro ito para sa ating dalawa. Mahirap kasing magsama pa tayo kung nasasaktan naman ako. Sana maintindihan mo ako.
Paalam na.
Ingatan mo si Brixx, ha!
Hanggang dito na lang, namumugto na ang mga mata ko.
Paalam.
Donna.

Sa parehong oras, dumating kinabukasan si Mariel sa pook na kinasalubungan namin. May dala siyang liham para sa akin. Hindi ko siya matignan sa kanyang mga mata kaya’t hindi ko masabi kung ano ba talaga ang reaksyon niya sa liham ko. Matagal na nakataas ang kanyang kanang kamay hawak ang liham. Hindi ko ito kaagad na inabot ngunit nang manding mapag-isipan ay agarang pinunit sa isang marahas na paraan at itinapon sa kanya.
“Donna… mag-usap tayo.” Maging siya ay hindi makatingin sa akin nang diretso.
“Wala na tayong dapat pag-usapan pa. Tapos na tayo. Kalimutan mo na lang may nakilala kang best friend na kagaya ko. Kalimutan mo na lang na nakilala mo ako.”
Tumakbo ako palayo habang siya ay humahabol sa akin.
“Donna… mag-usap tayo.” Naririnig ko ang pagnginig ng kanyang boses. Hindi ko man siya nakita ay sigurado ako umiyak siya. “Donna!”
Lumiko ako at tumawid sa kabilang kalye nang biglang–


Ang lakas ng ulan…
Wala akong payong…
Halika, nababasa ka, sumilong ka muna sa payong ko… Naku, basang-basa ka na… Anong pangalan mo?
Donna.
Saan ka nakatira?
Doon… doon sa malayo. Anong pangalan mo?
Mariel pangalan ko.
Ang ginaw!
Huwag ka kasing magpapaulan. Sige ka, baka magkasakit ka.

Nangagsigawan. Trapiko. Mga sasakyang nagparadahan. Mga mapang-usisa. Nawawalang nakabundol na truck. Iilang saksi. Mabilis na pangyayari.
“MARIEL!!!”
Dinala siya sa pinakamalapit na ospital. Walang makapanahan sa akin. Kasalanan ko kung bakit nangyari sa kanya. Mabuting sisihin ako sa nangyari. Ambulansya. Pulisya. Mga doktor. Nars. Umabot ba sa ospital? Humihinga pa ba? PAK!
Wala na. Wala na siya. Pinilit ng pamilya na aksidente ang nangyari at hindi nila ako sinisi gayong pilit kong sinabing ako ang may kasalanan. Aksidente lang daw, ngunit kung hindi ako nag-asal utak-ibon ay buhay pa sana siya. Sa unang araw ng lamay, marami na kaagad ang nagsipagpuntahan. Nabigla ang lahat sa naganap sa kanilang kaibigan.
Pumasok ako sa silid niya nang hindi kumakatok. Ayaw niya ng hindi kumakatok kapag papasok sa kuwarto niya pero ngayon wala na. Walang ni isa mang bagay ang nagalaw. Bagyong dumaan na hindi nag-iwan ng ni isang bakas. Umupo ako sa kanyang kama at napansin ang pinakamamahal niyang bagay: ang kanyang diary. Hindi ito naka-lock kaya malaya ko itong nabuksan.

Dear Diary,
Nakuha na rin kita sa wakas. Guwapo yung nakakuha sa’yo. Gentleman pa… Pero hindi ko siya gusto. Alam mo, may sasabihin daw siya sa’kin bukas. Ano kaya ‘yun? Siya nga pala si Brixx….

…bakit kaya parang iba ang kinikilos ni Donna? Siguro, in love, hindi lang sinasabi sa akin. Alam mo, mahal na mahal ko iyang si Donna. Napakabait niya kasi sa akin kahit na mapang-asar kung minsan. Ayokong mawala siya sa buhay ko….

…kung papipiliin ako, si Donna ang pipiliin ko kaysa kay Brixx. Sabi nga pala ni Brixx, gusto niya daw si Donna. Aba! Talaga?….

Dear Diary,
Kasama ko ngayong araw si Brixx. Ang saya-saya ko. Kaso hindi naman siya masaya. Pa’no ba naman, wala yung mahal niya. Sino pa ba? E di, yung pinakamamahal kong best friend. Sabi niya kasi may kakabisaduhin pa siyang speech. Sayang talaga. Sasabihin na sana sa kanya ni Brixx kaya lang wala siya. Di bale, next time, magkakaroon din si Donna ng time….

…Pumunta kami sa mall. Nilibre ako ni Brixx ng merienda. Tapos umiyak siya sa akin. Niyakap ba naman ako. Nagpasalamat siya sa akin kasi nandito ako para sa kanya… Lam mo, nahihirapan na talaga siya kasi parang iniiwasan na siya ni Donna….

Dear Diary,
Hay naku… Baliw na baliw na talaga itong si Brixx kay Donna. Alam na nga niya lahat tungkol kay Donna kasi ba naman sa akin niya tinatanong lahat. Hindi ko naman mapagsinungalingan kasi mabait naman siya and I want him for my best friend….

…Sayang wala ngayon si Donna. May roses pa namang binili si Brixx this Valentine’s day. Hay naku naman….

Dear Diary,
…May kumakalat na tsismis. Pinagkakalat ng nakagalit ni Brixx sa basketball na kami na daw. Ang sama naman. Baka dumating ang tsismis kay Donna. Baka maniwala siya. Kakausapin ko siya mamaya….

…wala siya… ayokong magkagulo.

…ayaw na akong maging kaibigan ni Donna. Akala niya kasi kami talaga ni Brixx pero ang hindi niya alam ginagawa ko ang lahat para mapalapit sila.

…hindi kasi napapansin ni Donna.

…Ayaw kong mawala ang best friend ko. Naiinggit daw siya kasi kami na daw ni Brixx, e hindi naman totoo iyon diba?….

…sana maniwala na sa akin si Donna. Akala niya may gusto ako kay Brixx….

…Mahal na mahal ni Brixx si Donna… hindi ata alam ni Donna. Torpe talaga itong si Brixx…. Bakit ba hindi napapansin ni Donna na mahal na mahal siya ni Brixx noon pa man.

Huminto ako. Hindi ko napigilang umiyak. Mali ako. Nagkamali ako. Hindi ko man lang inisip ang best friend ko. Mahal ako ni Brixx… Pero iba ang pagmamahal sa isang tunay na kaibigan. Unti-unti akong napaluhod sa sakit na nararamdaman ko at pinakawala ko ang lahat sa pamamagitan ng pagsigaw.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: