Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

august 12 – huling araw ng first periodic test

Posted by Paurong sa Sabado, Agosto 12, 2006

[saturday itinerary]

first periodic test in physics
first periodic test in values education
7-11
study net

[diary]

maayos naman. kahit na mahirap ang test sa science at mahaba ang test sa values. ok lang. naisip ko talaga na hindi na nararapat isama sa high school curricula ang pagtuturo sa edukasyon sa pagpapahalaga. bakit? tignan mo ito: kapag tinanong ang isang tao tungkol sa isang bagay, halimbawa, “ano ang gagawin mo kapag nakita mo ang iyong kaklase na nangongopya?”… maraming maaaring sagot, karaniwan na ang samu’t saring pananaw ng mga tao ayon sa isang sitwasyon. hindi natin pwedeng diktahan ang nais ng isang tao ayon sa isang bagay. masyado bang makitid ang utak natin para malaman ang tama at malaman ang mali?

[poetry]

sigarilyo

niliyaban ko ang upos na aking nakita
na mula sa sigarilyong hinithit ng binata
hindi ko ginawang sunugin ang alaala
bagkus ay itinapon ang pangarap na dakila

kahit kailan hindi ako maninigarilyo
tulad ng mga binatang waring nadeliryo
ng bawat hiningang inalay sa sigarilyo.

[prose]

my first kiss

Ang mga bagong dating na biyahero ng eroplano ay nangagmamadali sa iba’t ibang direksyon upang malapitan ang mga taong naghihintay sa kanilang pagdating. Ang iba naman ay mangiyak-ngiyak sa pagpapaalam sa kanilang mga mahal na magtutungo sa ibang bansa. Isa ako sa mga taong tumatangis–tumatangis dahil aalis na siya. Hinatid ko siya dito. Ang pagkakaiba lang ay hindi niya dapat ako makita. Ganoon pa rin ang hitsura ni Bryan–makisig ang matangkad na pangangatawan na sinaluhan ng maamong mukha at kapansin-pansing tindig. “Passengers for flight 812 bound to California, USA…” Ikinabingi ko ang mga katagang aking narinig. Oras na ng kanyang pag-alis. Aalis na siya dito sa Davao. Oras na…

Nagsimula ang lahat nang magkaroon kami ng class party isang linggo pagkatapos ng graduation ni Bryan. Lahat ay dapat na magkaroon ng kanya-kanyang date. Isa ako sa walang date kaya tinulungan ako ng ilan kong kaibigan sa pagkilala sa ilang posibleng date. Pero wala akong nagustuhan. Iminungkahi ng aking nanay na si Bryan na lang ang aking isama, tutal dalawang taon lang naman ang agwat niya sa akin at kampante naman ang loob niya sa binata. Umangal ako nang umangal hanggang sa napunta ang lahat sa aming pagtatalo.

“Kung hindi si Bryan, wala na lang party. Hindi ka na lang pupunta! Second year ka pa lang, Jen. Fourteen ka pa lang. You’re too young to have a date, unless you pick Bryan.”

Kumaripas ako sa pagtawag kay Bryan sa telepono at sinabi ko sa kanyang pinapupunta siya dito ng aking nanay. Ilang minuto lamang ay dumating na si Bryan kaya dagling nakiusap ang aking nanay kung maaari bang samahan niya ako sa gaganaping party.

Nang gabing iyon, maaga akong sinundo ni Bryan kaya’t maaga din kaming nakarating sa resort na pagdadausan ng unang party na aking dadaluhan.

“Unang party mo ‘to kaya dapat i-enjoy mo,” sabi niya.

“Bakit ka pumayag na maging date ko?”

Nahalata ko sa kanyang pagngisi ang pagkabigla sa aking tinuran. Gayunman, sinagot niya pa rin ang aking tanong.

“Hindi ako makahindi sa Mommy mo. Alam ko hindi mo ako gustong maging date kaya sana i-treat mo na lang akong isang chaperone. Enjoy the party, Jen.”

Pabulong akong nagmura. Isang chaperone?

Maraming tao sa lugar na iyon pero hindi ako natatakot dahil nasa tabi ko naman si Bryan. Humantong ang party sa isang sayawan. Love song ang pinatugtog kaya’t unti-unting nangagsipagkuha ng kapareho ang mga lalaki upang maisayaw. Sino ba naman ang kukuha sa akin, inisip ko.

“Pwede ba tayong sumayaw?” tanong ni Bryan sa akin. Ako ay lubos na natigilan. Tumayo ako at pumunta kami sa gitna upang magsayaw. “Isipin mo na lang na mahiwaga ang gabing ito. May magic kunwari. Isipin mo na ako ang prince charming mo.” Napangiti ako.

“At isipin mo naman na ako ang girlfriend mo.”

Ngumiti siya at nagwikang wala pa raw siya no’n.

Ramdam na ramdan ko ang init ng kanyang katawan lalo pa noong inilagay niya ang kanyang kamay sa palibot ng aking baywang na nagpalapit sa akin sa kanya. Dama ko ang hindi maipaliwanag na pag-ibig sa kanya.

“Halika, pumunta tayo sa tabing-dagat,” yaya niya. Kumaripas siya ng takbo hila-hila ako pababa sa tabing-dagat. Sa kanyang pagkahila sa akin ay hindi ko na namalayan na natanggal na pala sa aking paa ang aking tsinelas. Ang sarap damhin ang pagkakahawak niya sa aking kamay kahalo ang lamig ng hanging bumaybay sa aming dalawa.

Naglakad kami sa kahabaan ng tabing-dagat. Nakapaa kami sa ibabaw ng malamig na buhangin at minsan ay huminto upang pumulot ng kabibe. Hindi ko alintana ang kakulangan ng liwanag ng gabing iyon bagkus ay nagalak ako sapagkat kasama ko siya. Huminto kami sa paglalakad at umupo sa buhangin. Sabay naming pinakinggan ang tila musikang hambalos ng bawat alon sa aming mga paa at hindi alintana ang mga tao sa itaas na kapatagan. Ngumiti ako ngunit hindi siya gumanti ng ngiti. Ano’ng nangyayari sa kanya, sa loob-loob ko. Binaling ko na lang ulit ang tingin ko sa dagat. Napatingin ako ulit sa kanya; nakatingin pa rin siya sa akin.

“Baka naman matunaw ako sa ginagawa mo?” pawaksi kong tanong.

Sa wakas ay ngumiti na siya at nabatid ko ang lalim ng kanyang angking biloy.

“Wala ka ba talagang gusto kay Mark, ‘yung kaklase mo?” tanong niya sa akin.

“Wala kaya,” tugon ko. “Ikaw sino ba gusto mo?”

Napatigil siya. Sa tagpong iyon ay alam ko nang ikasasakit ng aking puso ang kanyang napipintong pagsagot. Kung sasabihin niya man ay pihadong ikasusugat iyon ng aking damdamin. Tinitigan ko siya at marahang itinaas ang aking mga kilay hudyat ng aking paghihintay sa kanyang sagot. Tumingin siya sa akin nang maigi.

Nang mapatingin ako sa kanya napansin kong kanina pa pala siya nakatitig sa akin.

“Isang tao lang naman ang nagpatibok ng puso ko, e,” sabi niya. “Kaso nahihiya ako sa family niya. Napakabait niya. Maganda na, matalino pa.”

Kasabay ng aking pagkasabik na malaman kung sino ang babaeng tinutukoy niya ang hindi ko maiwasang pagpuyos ng aking damdamin. Nagpatuloy siya.

“Mahal na mahal ko siya kaso nahihiya akong ipagtapat ang nararamdaman ko sa kanya kasi alam kong hindi pwede.”

“Pa’nong hindi pwede–“

“Ikaw!” sumbat niya. “I love you, Jennifer. I really love you.”

Waring tinamaan ako ng sampung lintik sa aking narinig. Hindi ko mapagtanto ang aking isasagot o sasabihin man lang. Talaga bang mahal niya ako, tanong ko sa aking sarili.

“I–I love you, too, Bryan…” naisagot ko na pala ang matagal ko nang inililihim sa kanya. Hindi ko nasisi ang aking sarili sa ibinuka ng aking bibig.

Gumulantang sa aking loob ang karamihan ng iba’t ibang tanong. Paano nangyaring minahal ng isang kagaya ni Bryan ang tulad ko na isang simpleng babae lamang? Paano na niya ako magugustuhan samantalang napakatahimik ko? Paano niya ako magugustuhan kung ganito ang aking hitsura–simple lang ako hindi tulad ng iba? Bakit ako minahal ni Bryan? Mahal niya nga ba talaga ako?

Hindi ko halos namalayan ang sumunod na naganap. Inilapit niya ang kanyang mga labi sa akin at hinalikan ako. Para bang tumigil ang pag-ikot ng mundo sa mga sandaling iyon. Ang pagdampi ng kanyang mga labi ay maituturing kong isang halik na nag-uumapaw sa pagmamahal. Ilang saglit ang dumaan bago niya tinapos ang mainit niyang halik. Niyakap niya ako nang mahigpit at tumalbog sa akin ang kalaliman ng kanyang pag-irog.

Sa puntong iyon ay natauhan ako. Iniwas ko ang aking sarili paatras.

“Hindi ito tama, Bryan…”

Lumapit siya muli sa akin at akmang hahagkan ako ulit ngunit lumayo ako. Tumindig ako ngunit nahabol niya pa rin ako ng akap.

“Pwede ba, Bryan, tigilan mo ‘ko!” sigaw ko.

Nagulat ako sa aking nakita. Ang makisig na si Bryan ay kinalingiran ng mga luha na unti-unti kong napagmasdang tumulo sa kanyang pisngi at tuluyang pumatak sa buhangin.

“Hayaan mo namang yakapin kita… kahit sa huling sandali.”

Niyapos niya ako habang ako ay napatunganga sa kanyang sinabi.

“Anong ibig mong sabihin?”

Umiiyak siya sa likod ng sobrang higpit niyang yakap sa akin. Tumahan siya sandali upang makapagwika.

“I need to leave, Jen… malala ang kalagayan ni Daddy sa States kaya kailangan kong pumunta. He needs me. I miss him. Ayoko mang umalis pero kailangan. Ayoko mang iwanan ka pero wala akong magawa. Ayaw kitang iwan, Jen. Mahal na mahal kita.”

“Magkikita pa rin naman tayo, ha? Ilang araw ka lang naman do’n tapos babalik–“

“Jen.” Napatigil ako at lalo kong natignan ang kanyang pagluha. “Jen, doon na ako magpapatuloy ng pag-aaral. Kasama ko si Mommy pagpunta do’n… siya na rin ang magpapatuloy ng business kaya kailangan doon na rin ako. Ayaw man kitang iwan…”

Niyakap ko siya nang napakahigpit. Tangayin man kami ng ipu-ipo ng isipin ng kanyang paglisan ay wala akong pakialam.

“Tandaan mo, Jen, mahal na mahal kita. At kailanman, hindi ko pinagsisihang nakilala kita… I will treasure the times we were together forever. Remember, Jen, I love you.”

Hindi ko kailanmang makakalimutan si Bryan. Siya ang aking first dance: ang taong hindi ko ikinahiyang makasayaw kahit na hindi ako marunong. Siya ang aking first kiss: na kung kailan naganap ay hindi ko na maipaliwanag ang aking naramdaman, ang nasa isip ko lang ay ang kaganapan ng pagsinta sa halik na iyon.

Siya ang aking first dance sa aking unang party na dinaluhan. Siya ang aking first kiss. Siya ang aking first love. Pero siya ay aking first cousin.

COMMENTATORS: Earlmond, Mikmik, Nagi, Chino-zizou, Pauline, Psyche, Moreapoljuice, Anje, Aya, Bleue, Pam, UK, UK, Elle, Rowjie, Rina, Jheanne, Jheanne, Celena.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: