Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Waiting Shed pro.

Posted by Paurong sa Biyernes, Pebrero 9, 2007

N O T E :

All characters in this story have no existence outside
the imagination of the author and have no relation whatsoever to anyone
bearing the same name or names. They are not even distantly inspired by
any individual known or unknown to the author, and all incidents are
pure invention.

Unang Yugto.

Nakabukas ang pinto ng CR nang pumasok ako.

Nakakasawang makita ang mga sulat sa pader. Lalo namang kinaiinisan
ko ay kapag hindi ginagamit ang flush ng toilet. Sino ba naman ang
masisiyahang makakita ng maruming toilet na iyong gagamitin—hindi man
lang binuhusan ang ihi, hindi man lang pinanatili ang kalinisan para sa
kapakanan ng susunod na iihi. Katulad ng dati, ginamit ko muna ang
flush bago ako umihi.

Hindi ko masasabing napakalinis ng CR na iyon. Sa buong gusali ng
mga fourth year, iyon lang ang tangin CR na maaaring gamitin ng mga
estudyante at kung ihahambing ito sa ibang CR sa ibang gusali ng
paaralan, tunay ngang mas malinis—mali—pinakamalinis ito kaysa sa huli.
Ang kabuuan ng CR na iyon ay may pinturang asul ang dinding, may puting
sahig, may limang magkakasunod na puwang para sa toilet area (ang
dalawa ay hindi ginagamit dahil sa ginawa itong tambakan ng gamit ng
mga janitor, at ang isa naman ay walang pinto). Sa gawing kaliwa naman,
sa papasok ng lugar na iyon, ay may dalawang magkatabing lababo (na sa
pagmamalaki’y sira ang isa!) at sa likuran naman nito ay isang mahabang
puwang na ihian.

Mabilis na pagkilos lang. Kung hindi makakayanan ng aking sikmura
ang maruming paligid, bakit pa ako magbabagal? Kaya lang, hindi ko
inaasahang makita siyang pumasok sa CR na iyon. Mabilis akong naghugas
ng kamay. Nang matapos siya sa pag-ihi ay hindi pa rin ako tapos sa
lababo. Nakatayo siya sa gawing kanan ko. Walang anu-ano’y tinulak niya
ako sa aking kanang balikat na nagdulot sa aking pagbalikwas.

Sa loob ng isa o dalawang segundo ay inaral ko ang kanyang hitsurang
ngayon ko lang nakitang magliyab. Halos walang pinagbago ang
pagmumukhang iyon ni Vince maliban sa iilang maliliit na tagiyawat na
bunsod marahil ng araw-araw niyang pagpupuyat.

Pinili kong huwag magsalita. Siya man ay batid kong walang balak na
bumulalas ng isa mang hininga. Hindi ko hangad na itulak siya bilang
ganti, sa halip ay hinayaan ko na lang siya sa lababo at lumabas na
lang ng CR. Hindi ko rin hinangad na buweltahan siya sa kanyang
paglabas sa lugar na iyon. Isang bagay lang: ayoko ng gulo.

Marahan akong naglakad palayo, umaasang tatagal ang pagpigil ko ng
galit. Sa tingin ko’y wala ako sa aking sarili nang maynaramdaman akong
pagtulak sa aking likod. Ang lalaking nakaharap ko sa CR? Si Vince na
itinuring kong pinakamatalik kong kaibigan sa nakalipas na mga buwan?
Hindi maaari. Mahinang-mahina ang pagtulak kaya’t sigurado akong hindi
iyon si Vince.

“Nakakunot na naman ang mukha mo. Ano’ng problema?” sabad sa akin ng kahali-halinang tinig ng isang babae.

Sadyang malinaw ang kanyang boses sa aking pandinig. Dagli kong naulinigang siya’y si Louise, ang babaeng aking iniibig.

Ikalawang Yugto.

Kung kilala mo lang siguro si Louise, mambabasa, marahil ay sinabi
mo na sa kanya ang tungkol sa aking pag-ibig. Ngunit kahit
pagbali-baligtarin man ang mundo, hindi mo sa kanya masasabi ang aking
nararamdaman; isa itong malaking lihim na hindi kayang ibulgar sa isang
kisapmata.

Lingid sa kaalaman ni Louise ang lahat. Hindi makikita sa kanyang
mga mata ang pagdududa sa aking kakaibang pagkilos sa tuwinang
magkasama kami. Bakit ako magpapahalata kung ayaw ko namang magbago ang
pagtingin niya sa akin kapag nalaman niya ito. Ang pinakamasaklap na
maaaring mangyari ay ang pagkasira ng maganda naming pagkakaibigan.

Anong ganda ng wangis ni Louise! Ngunit sana’y hindi magkamali ang
sinuman sa pahayag kong ito! Ang kanyang busilak na damdamin ang
nagpalapit ng aking puso sa kanya—iyan ang totoo! Hindi ko na nga
mabilang ang mga beses na inihandog niya ang kanyang sarili upang ako’y
tulungan sa lahat ng bagay. Siya ang naging sandalan ko mulang nabitak
(at tuluyang bumuwal) ang pagkakaibigan namin ni Vince. Siya ang naging
hininga ko nang araw na iyon na dinagit ni Vince ang aking pagkatao
mula sa kaloob-looban niya at iniwang nakahandusay sa isang tabi. Ang
babaeng ito na nasa aking harapan ay ang babaeng nagpakita ng matinding
pagmamalasakit.

“Ayos ka lang ba?” Ginunaw ng kanyang malambing na tinig ang aking mga isipin.

“Alam mo,” sabi ko kasabay ang pagyaya sa kanyang magpatuloy sa paglakad. “Galit pa rin siya sa akin.”

“Si Vince?”

Hinila niya ako sa malapit na pabilog na mesa sa may damuhan. Isinalaysay ko sa kanya ang nangyari sa CR.

“Tatlong buwan na siyang galit. Tatlong buwan ‘yon!”

“Huwag na huwag mo siyang papatulan, Byron. Huwag na huwag.”

“Wala sa isip ko ‘yan,” sabi ko ng buong pagmamalaki.

“Mabuti.” Mas lumapit siya sa akin. “Tandaan mo ito. Kahit magkaiba
tayo ng building o kahit hindi tayo magkaklase, nandito ako lagi para
sa iyo. Ha, Byron?”

“Salamat, Louise.”

Nang malapit nang magsimula ang susunod niyang klase ay inihatid ko
na siya sa kanyang silid-aralan, malayo man ang kanyang gusali. Bumalik
ako sa aking classroom bitbit ang kanyang mga katagang hindi mawala sa
aking isipan, tinatakan ng nagliliyab na tingin sa akin ni Vince kanina
sa CR.

Ikatlong Yugto.

Dalawampung dipa mula sa classroom ay animong lintik na kumaripas ng
pagsuong sa aking bumbunan ang isipin tungkol sa oras. Gaano na ba ako
katagal na wala sa classroom, tanong ko sa aking sarili. Anu-ano ba ang
ginawa ko sa loob ng nakalipas na tatlumpu, apatnapung minuto? Hindi
ako sigurado sa oras! Ang alam ko ay pagkatapos kong mananghalian ay
nag-CR ako. Si Vince. Si Louise.

Tatlo. Dalawa. Isa.

Ibinaling ng lahat ang biglaang tingin sa akin—akong naghahabol ng
hininga at nawawalan ng sasabihin. Lahat ng mga mata ay nakatutok sa
aking mukhang tila humihingi ng awa. Sa loob ng hinating sandali ay
itinuon ko ang aking tingin kay Vince, na nahiwatigan kong luminga sa
akin ng kaybilis upang sa huli’y hayaan ang aking kapahiyaan. Nakatayo
ako sa pintuan, batid na walang ibang babasag ng katahimikan kundi ang
payat na babaeng nasa harapan.

“Are you going to say something or are you going to stand there for the rest of your life?”

Daig pa ng sa pulis na tumatanong sa maysala ang kanyang mukha.
Kaakbay ng suot niyang pulang blouse na nag-aapoy sa kinang at ng itim
na skirt at ng suot niyang sandals, ang paggunaw ng aking kalooban.
Karagdagan pa ang suot niyang salamin na nagdudulot sa akin ng
matinding hintakot. Ang mapuputi niyang buhok ang nag-uudyok, siguro,
sa marami upang siya’y lubusang igalang—tugmang tunay na magbitbit ng
pangalang Mrs. Lydia Galang.

“I’m talking to you, Mr. San Diego.”

“A… a… I’m sorry… I’m really sorry, Ma’am… I was unable to… to watch my time… and… a… a…”

“Will you please stop stammering!”

Halos kumapit ang lahat sa kanilang mga silya matapos marinig ang
isang nakabubulahaw na tinig: matinis at puno ng galit. Alam na ng
lahat ang susunod na mangyayari. Maging ako’y alam ko na.

“I hope you know my strict policies, Mr. San Diego. Look at the
time.” Lahat ng mga tingin ay napunta sa orasang nakasabit sa likurang
dinding. “You are awfully late and so, would you mind if you stay in
that corner until my class ends?”

Tama ang hinala ng lahat. Mabilis akong pumunta sa sulok na kanyang
itinuro at, doon, ako ay tumayo hanggang sa mag-alas dos ng hapon,
umaasang hindi na lang naging mabilis ang oras.

Ika-apat na Yugto.

Balot na balot ng karimlan ang napakalawak na himpapawid.
Napakalamlam ng ipinahihiwatig na kapusyawan ng maharlikang mukha ng
buwan na nakasabit sa kalangitan, umiinog katulad ng mundo ngunit hindi
napapansin ng mga taong nagsisipaglakad sa ganitong disoras ng gabi.
Iilang maningning na mga bituin ang masisilayan mula sa malayo, na kung
mamamasdang malapitan ay mapatutulala ang kahit sinong hamak dahil sa
likha nitong kabigha-bighaning liwanag. Tahimik ang paligid maliban sa
panaka-nakang pagharurot ng mangilan-ngilang sasakyan sa lansangan,
karamihan ay mga traysikel na pinaaandar ng masisipag na tsuper para sa
ikaaahon ng kani-kaniyang pamilya, pandagdag kita upang pantustos sa
kani-kaniyang naghihikahos na anak. Ngunit kaunti na lamang ang mga
nilalang sa lansangan—isa o dalawang palaboy na gusgusin, mga
pagala-galang aso at pusa, atbp.

Pumasok tayo sa isang eskinita na natatanglawan ng isang nakabiting
parol ng ilaw-dagitab. Tulad ng inyong nalaman, tahimik ang paligid at
walang kung anu-anong alingasngas. Iyan ay dulot ng pagkagat ng isang
mapayapang gabi. Luminga-linga tayo sa ating paligid at makatatagpo
tayo ng mga simpleng bahay na ang ilan ay gawa sa kahoy, ang iba’y sa
semento at bato. Magkakadikit ang mga bahay. Hindi makipot ang ating
dinaraanan; gayong maaari ngang makalusot ang isang traysikel sa landas
na iyon. Pansinin natin ang isa sa mga bahay sa lugar na iyon: may
pundasyon ng kahoy at semento, yero ang bubong, may dalawang palapag,
nakadikit sa dalawang magkalapit na kapitbahay, mataas ang unang
palapag kaysa sa lupang ating kinatatapakan. Walang tarangkahan ang
bahay na ito. Nakapinid ang dalawang bintanang nasa kaliwang bahagi ng
pintuan. Kung ating bubuksan ang pinto, makatatagpo tayo ng pangalawang
pinto na paloob, ang una ay palabas. Pumanhik tayo ng isang maingat na
hakbang at huwag na munang suriin ang sala na ating madadaanan bagkus
ay panhikin—sa kabila ng kadiliman na batid natin—ang gawa sa kahoy na
hagdan, may sasampung hakbangin patungo sa itaas.

Maririnig natin ang isang ungol. Nanggagaling ito sa loob ng isang
silid. Ang paghungos ay hindi tiyak na pagkabagabag, takot,
pagkasuklam, paninilakbo ng damdamin o sadyang karaniwan. Sa loob ng
isang silid ay natutulog ang isang lalaki, binata sa kaniyang hitsura.
Hindi siya mapakali sa kaniyang higaan. Iilang butil ng pawis ang
namumuo mula sa kaniyang bumbunan. Maya-maya’y naihulog niya sa sahig
ang isang malambot na unang kanina’y kaniyang sinasandalan. Bumibilis
ang tibok ng kaniyang puso kaalikbay ng sunod-sunod na buntong-hininga
at paghabol dito. Kumunot ang kaniyang noo, hindi siya mapakali—siya ay
nananaginip. Hindi ito isang bangungot sapagkat kapagdaka ay namulat
ang kaniyang bilugang mata at nasabi sa sarili na “Panaginip lamang.”

Siyang tunay. Umayos sa pagkakaupo ang binata. Halatang nagmumuni
sapagkat nakatutula ito sa isang dako. Nawala ang pagkakapako ng
kaniyang tingin at minarapat na alalahanin ang kaniyang napanaginipan.
Manapa’y hindi pa rin maliwanag sa kaniya ang panaginip ngunit ito ang
kaniyang napagtanto:

Siya ay nagbibisikleta sa isang pamilyar na pook, ngunit hindi niya
alam kung saan ito. Datapwat, bigla siyang nagtaka. Hindi siya marunong
nito pero patuloy pa rin siya sa pagbibisikleta, waring walang iniisip.
Siya lamang mag-isa, tumatahak sa isang hindi batid na patutunguhan.
Patuloy pa rin siya sa pagpadyak sa pedal, hindi alam kung saan patungo
ngunit unti-unting bumagal ang takbo.

Tumigil ang binata at sa isang iglap ay unti-unting dumilim ang
paligid. Naaninag niya ang pumapalibot sa kanya. Napagtanto niyang siya
ay nasa isang liblib na pook, marahil ay isang probinsya. Maraming puno
sa kanyang paligid at mga kung anu-anong baging sa nagmumula sa itaas,
gumagapang sa daan o dili kaya’y bumabalot sa mga sanga. Sinubukan
niyang maglakad nang bigla siyang mapatid ng isang bato at mabilis na
hinablot ng isang malakas at nakapangingilabot na hanging bumaybay sa
kaniya. Pagkuwan, napagmasdan niya ang isang maliit na kubo. Madamo ang
kagilid-giliran ng daan hanggang sa makalapit siya sa kubong iyon. Sa
katahimikan ay kumanlong ang mga nagsipag-ingayang kuliglig. Hindi na
maalala ng binata kung naroon pa ba siya ng matanaw mula sa isang hindi
gaanong bukas na dungawan ang pangyayari sa loob.

“Handa ka na ba?” tanong ng isang matandang babae.

Sa kanyang harapan ay naroon, nakahiga sa papag, ang isang dalaga na
malamang ay dalawampung taong gulang na. Pinagmasdan ng dalaga ang
kabuuang ng kubo at namalas ang kung anu-anong uri ng bagay na
karaniwang ginagamit ng isang albularyo. Sa isang mesita nakalapag ang
isang lamparang napalooban ng nagngangalit na apoy, na nagkataong
matiwasay sa gabing iyon (para siguro sa dalaga). Hindi siya nagtungo
upang humanap ng lunas para sa isang di-maipaliwanag na
karamdaman—sanhi man ito ng pagkakaapak sa mga dwende o ang
pagkakatawag sa mga espiritung ligaw. Disin sana’y kung albularyo ang
matandang babae—gayong nakagayak siya ng mas malala pa sa isang
apotekaryo, maituturing nang hukluban dahil sa katandaan, at sa isang
kisapmata ay maaaring himatayin sa lawa habang bitbit ang isang bakol
na paglalagyan ng mga kinuhang sari-saring halamang-gamot, damo, at
bulaklak sa parang—ay makaaasa tayong mabalitaan ang kaniyang
kagila-gilalas na mga ritwal at huni, sa ikaaayos ng kalusugan ng isang
nilalang. Napasigaw nang bahagya ang dalaga. Maling pakiwari tungkol sa
matanda! Bakit nga ba siya naroon at ano ang kinalaman ng kaniyang
pag-iyak sa kabila ng mga daing at pag-iri na atin nang naririnig?

“Handa ka na ba talaga?” muling naitanong ng matandang babae para
lamang mabasag ang kawalan ng boses sa paligid. “Huwag kang mag-alala.
Matagal ko nang ginagawa ito. Hindi ka dapat matakot dahil sanay na
ako. Maging matapang ka nga! Ano’t umiiyak ka pa samantalang ninais mo
namang mangyari ito.” Hindi nagawang patapangin ng matanda ang dalaga
kaya’t naitanong niyang “Gusto mo bang umatras?” sa isang mababang tono.

Animo’y nakadikit sa isa’t isa ang mga labi ng dalaga kaya’t hindi siya nakatugon, sa halip ay umiling na lamang.

“Mabuti naman dahil handa na ako, ineng.”

Hindi maikaila ng matanda ang nadamang kaba mula sa dalaga. Dahil sa
hindi man lamang bumubulalas ng kahit anong pantig ang dalaga ay
ikinasiya ng matanda na usisain ito.

“Ayaw ba ng mga magulang mo? O baka naman hindi kayo kasal ng
nakabuntis sa iyo? Hindi ka naman siguro ginahasa sapagkat alam ko ang
anyo ng—eh—ehem—kaselanan ng isang babae kapag ito ay halos lumuwa na
sa pagkakawarat…”

Hindi na nakapagtimpi ang dalaga—hindi siya nagsalita hanggang sa umagaw-aw na ang katinisan ng kaniyang boses.

Wala nang maalala ang binata.

Yumanig sa kaniya ang malamig na hangin gayong nakasarado ang mga
bintana sa kaniyang silid. Nakatingin pa rin siya sa kalaliman ng
karimlan, humihingal sa kaniyang kaloob-looban at pilit na kinalma ang
sarili. Batid niya ang isang paulit-ulit na pakiramdam ng takot at
hinagpis na kinahantungan ng gabing iyon. Hinayaan niyang lambungin
siya ng hihip ng nakanginginig na hanging patuloy ang pagyao’t parito
sa loob ng isa o dalawang minuto. Kung may sapat lamang na ilaw ay
matutunghayan ninyo sana, mga mambabasa, ang nakaaawang mukha ng
binata. Maya-maya, mula sa dalawang butas ng kaniyang ilong ay umagos
dahan-dahan ang hindi sukat malabnaw o malapot na dugo. Napakagat-labi
ang binata matapos damhin ang likidong mula sa kaniyang ilong. Kinapa
niya ang isang bimpo sa paligid at marahang dinampian ang dugo. Ilang
minuto pa ang lumipas bago siya matauhan sa pangyayari ngunit nilamon
ng pagkakahimbing ang inakalang bangungot. Ilang sandali lamang ang
lumipas at bumagsak siya sa kaniyang higaan at natulog muli.

Ikalimang Yugto.

Sa mismong gabing iyon, habang hinahayaan nating matulog ang
binatang ating natunghayan, dumako tayo sa isang hindi kalayuan pook.
Sa taglay nitong kariktan, sa kaayusan ng mga kalat sa paligid, sa mga
kabigha-bighaning halaman, bulaklak na gaya ng santan at gumamela,
matatayog na punong mangga, niyog, santol, at banaba, mga
salungpuwetang parihaba, at sa pagiging angkop nito bilang isang
pasyalan, madaling maunawang isa itong parke, na sadyang pinarulan ng
iilang mga matitingkad na ilawan. Walang isa mang mamang sorbetero sa
paligid, ni walang tindero ng lobo sa kahit saang sulok. Sa mismong
tapat ng pook-pasyalan ang isang lumang pook-dasalan na kalimitang
tinatawag na Malaking Simbahan dahil sa pagiging malaki nito at sa dami
ng taong nagsisimba. Kapansin-pansin ang malalaking kampana sa tore ng
simbahan, na aakalaing kinaroroonan pa rin ng batang si Crispin, at,
marahil, ng sakristan mayor na umapi at pumaslang sa kaniya. Malapit sa
dakong ibaba ng mga kampanang bumabatingaw sa kalaliman ng gabi ay ang
isang malaking orasan na may mga tila ginintuang kamay at numero:
alas-dos na ng umaga.

Buhay na buhay pa rin ang paligid. Tila isang karaniwang eksena
tuwing umaga ang nabubuhay: ang pagkakaiba lamang ay wala sa kaniyang
trono ang Haring Araw.

Sa pusod ng parke, o sa isang lugar na hindi masyadong naiilawan,
naroon ang isang lalaki. Nakatayo siya sa may bangketa, animo’y may
hinihintay ngunit ang katotohona’y mayroong inaabangan. Maayos ang
kaniyang gayak: tamo ang magandang hubog ng mukha, katangkarang bagay
sa kaniyang alindog, at di-maikakailang karisma. Hindi siya isang menor
de edad upang palayasin sa kaniyang kinatatayuan at pauwiin sa kaniyang
tirahan. Marahil ay labinsiyam na taong gulang na. Maya’t maya ang
kaniyang paglinga-linga sa paligid. Sa kaniyang kaliwa, siyam o sampung
metro mula sa kaniya, ay nakaabang din ang isang naninigarilyong lalaki
na pakikiwariang mas matanda kaysa sa binata.

Ilang minuto pang nakatindig ang binata; napangiti siya nang dumatal
na ang kaniyang kanina pang inaabangan. Sa lansangan ay tumakbo ang
isang itim na kotse at habang humaharurot ito ay siya namang pag-aayos
ng T-shirt ng binata, na ginaya ng naninigarilyong lalaki. Nang gumawi
ang kotse doon sa naninigarilyong lalaki ay bumagal ang pagmamaneho.
Napatingin ang naninigarilyong lalaki sa binata, bumuga ng usok at
ipinamalas ang isang ngiti at pagkunot ng kilay na hindi pinansin ng
huli. Umandar ang sasakyan at huminto sa tapat ng binata. Humigit ang
pagkunot ng kilay ng naninigarilyong lalaki na dagling dumistansya.
Bumukas nang bahagya ang maitim na salamin ng pinto ng kotse.

“Pwede ka ba?” mabilis na tanong ng maykotse.

Hindi na sumagot pa ang binata. Luminga siya sa kaliwa’t kanan bago
maingat na pumasok sa sasakyan. Matapos magkakilanlan at magkakilatisan
ng anyo at katawan, walang ano-anong nagsiliparan sa iba’t ibang dako
ang mga saplot ng dalawang binata.

Ika-anim na Yugto.

Tatlong libong pisong kita. Ayos na. Pinakamalaki sa loob ng isang
linggo. Hindi na baleng mapagalitan pag-uwi sa bahay, ang mahalaga ay
kumita ng malaki at nagkaroon ng buong pagmamalaking pagharap sa
papasikat na araw dahil sa pinanghahawakang pera. Ganyan si Ariel,
labimpitong gulang.

Simula ng masira ang kanilang pamilya dahil sa pag-alis ng kanyang
tatay ay naging pursigido na siyang kumayod, anumang paraan, basta
magkaroon lang ng pera, at huwag umasa sa kanyang nanay. Naging suki na
siya ng iba’t ibang fastfood sa mga mall pero panandalian lang ang
nagiging papel niya. Malaki nga naman ang pagkakaiba sa ginagawa niya
ngayon. Kung sino ang naka-impluwensiya sa kanya ay walang nakaaalam
kundi siya.

Alas kuwatro ng madaling-araw nang dahan-dahan niyang binuksan ang
gate ng kanilang bahay. Ang bawat galaw niya ay hindi
makabasag-pinggan. Iyon ang akala niya.

“Sa’n ka galing?” tanong ng kanyang nanay na nasa may hapag-kainan. “Anong oras na?”

“Pagod ako.”

“Ano ba ang mga pinagkakaabalahan mo, ha? Bakit palagi ka na lang
ganitong oras kung umuwi?” Lumapit siya sa kanyang anak at nagpatuloy.
“Hindi mo man lang ba naiisip na nag-aalala ako sa’yo. Paano kung
napa’no ka na sa daan? Paano kung hindi ka na makauwi? Naiisip mo ba
‘yon?”

“Pwede ba? Pagod ako.”

Nag-akmang papanhik na si Ariel nang hinarang siya ng kanyang nanay.

“Mag-usap nga tayong dalawa, anak—”

“Anak? Tumigil ka nga sa mga sinasabi mo! Kung hindi dahil sa’yo,
kung hindi dahil sa panlalalaki mo, hindi mawawala ang tatay ko dito sa
bahay. Kaya huwag kang parang magaling dito.”

Napilitang lumayo sa hagdan ang binata samantalang naiwang estatwa ang kanyang nanay.

“Wala kang pakialam sa mga ginagawa ko. At ayokong may sinumang mangingialam sa akin. Kahit sino.”

Walang nagawa ang kanyang nanay kundi ang manahimik at hayaang
umakyat na ang kanyang anak. Mabilis na naging mahimbing ang tulog ni
Ariel dahil sa matinding pagod.

Ikapitong Yugto.

Nasa akin pa rin ang bisikleta ni Vince na ibinigay niya sa akin
noon. Noong bata pa lang kami, palagi niya na akong tinutukso. Kung may
panahon lang sana si Daddy ay siya na mismo ang magtuturo sa aking
magbisikleta.

Pagkabangon ko sa kama nang umagang iyon ay una kong napansin ang
mga alaalang naiwan. Naalala kong hindi na pala natuloy ang balak
niyang pagtuturo sa akin na magbisikleta. Hindi na rin natuloy ang
maraming bagay na pinagplanuhan naming dalawa.

Naglaho na palang parang bula ang lahat.

Isang shorts niya ang hindi ko magalaw-galaw sa aking closet. Ang
shorts na iyon ay inilagay niya lang sa aking bag nang minsang naglaro
siya ng basketball sa gym. Ang sabi niya’y sa akin na lang daw ang
shorts na iyon dahil meron pa naman daw siyang isa pa. Bukod dito, ang
walang-grado niyang salamin ay nakalapag pa rin sa lugar na pinaglagyan
ko noong araw na naiwan iyon sa akin at hindi ko na naibalik pa.

A! Makakalimutan ko ba naman ang mga holen na inipon namin sa loob
ng tatlong taon? Oo, mahilig kaming maglaro ng holen noong bata pa kami
ngunit hindi naman nangangahulugang ganoon pa rin ang antas ng aming
pag-iisip; napag-isipan lang namin na mangulekta ng mga holen noong
isang beses na may nakita kaming pangkat ng mga naglalarong bata na
nagpapatagisan ng mga dala nilang holen sa kalsada. Ang kalahati ng
kabuuan ng mga holen na naipon namin ay nasa kanya habang ang mga
natira naman ay nasa akin.

Sinapo ng aking mga kamay ang mga holen na iyon at kinamanghaan ang
kulay sa loob ng mga ito. Isang holen ang nagpumiglas palabas sa aking
mga kamay. Mabilis itong nakagulong sa sahig. Ibinaba ko muna ang mga
holen sa aking mga kamay at pinuntahan ang nakatakas na holen.

Huminto ang holen. Nang dadamputin ko na ito ay napansin ko ang
kanyang kapaligiran at naagaw ng isang kakaibang bahagi ng pader sa
bingit ng sahig ang aking pansin. Ginamit ko ang aking hintuturo upang
tapik-tapikin ang kahoy na iyon. Wala naman sigurong daga sa likod ng
kahoy, naisip ko. Pursigidong malaman ang nasa likod ng kahoy na iyon,
ginawa ko ang lahat upang mabuksan ito, at presto, ipinasok ko ang
aking hintuturo at gitnang daliri upang kapain ang kung anumang
maaaring naroon.

Isang papel, hindi. Isang litrato. Tumayo ako sa may bintana upang
makitang maigi ang litratong iyon. Luma na ito. Ang aking ama noong
tinedyer pa siya kasama ang isang babaeng kuntodo ang ngiti sa litrato.

Sa likod nito ay isang pirma ng isang nagngangalang Emma.

Ikawalong Yugto.

Pagkababa ko sa kainan ay natagpuan ko si Mommy na nagluluto ng agahan. Anong sarap damhin ang isang maaliwalas na Sabado.

“Ang aga niyo naman, Mommy.”

“Byron. Ginulat mo naman ako.”

Nilapitan ko siya at niyakap. “I love you, Mommy.” Hindi ko alam
kung bakit ko nasabi iyon. Para bang kusa na lang lumabas sa akin
bibig. “Tulungan ko na po kayo.”

“Dalawang pinggan lang.”

Napahinto ako. “Wala naman si Daddy?” tanong ko sa isang mababang tono.

“Marami raw siyang meeting today.”

Tahimik akong naupo sa hapagkainan.

“Ah. Siya nga pala, anak, ibinigay mo na ba kay Yaya Ising ang mga hinubad mo? Maaga raw siyang maglalaba ngayon.”

“Mamaya na lang.” Nawala na ang gana sa boses ko. Napansin ‘yon ni Mommy.

“O, kumain na tayo.”

Tinitigan ko lang ang tinapay sa pinggan ko habang nagsisimula na sa pagkain si Mommy.

Hinarangan ng boses niya ang napipintong pagkatulala ko.

“Pakiabot nga yung juice.”

“May itatanong nga po pala ako.”

“O, ano ‘yun?” tanong niya habang nagsasalin ng juice sa baso.

“Marami bang kaibigang babae si Daddy noong high school pa kayo?”

“Bakit mo naman naitanong?”

“A, mommy… may kilala ba kayong Emma?”

Napatigil sa pag-inom si Mommy. Napansin ko ang malaking pagkabigla sa kanyang mukha.

“Emma?”

“Opo.”

“Bilisan mo na ang pagkain mo.”

“Pero, mommy, sagutin mo muna ‘ko. Sino ba ‘yung Emma?”

“Tumigil ka, Byron.”

“Bakit? Sino ba si Emma, mommy?”

Nagpunas ng bibig si Mommy at mabilis na tumayo, at tumalikod.

“May nakita akong lumang picture ni Daddy sa kuwarto ko. Nakatagong
picture ni Daddy noong high school pa siya. May pirma sa likod ng Emma
kaya sigurado akong Emma ang pangalan ng babaeng kasama ni Daddy doon
sa picture—”

Hindi na ako nagsalita pa. Lumuluha na si Mommy. Nilapitan ko siya upang patahanin ngunit hindi na yata mapipigilan ang oras.

“Ano ang apelyido ng Emmang iyon, Mommy? Sabihin niyo sa akin.”

Isang malalim na buntung-hininga. “Villaflor.”

Animo’y nahimatay ang aking sistema nang mapagtantong tama ang aking iniisip.

“Emma Villaflor? Ang nanay ni Vince?”

“Hindi ka nagkakamali.”

Ikasiyam na Yugto.

“May ibang babae si Daddy?”

“Hindi!” Humarap siya sa akin at mabilis akong nilapitan. “Bakit ganyan ka makapagsalita tungkol sa Daddy mo?”

Mahigpit ang kanyang kapit sa akin kaya hindi ako nakapagsalita
kaagad. “Pero bakit ka ganyan maka-react? Sabihin niyo na sa akin ang
totoo.”

“Wala akong dapat sabihin sa iyo. Kakilala lang ng Daddy mo si Emma. Sinasabi ko sa’yo ang totoo.”

“Pero bakit ka nga ganyan. Mommy, halata namang nagsisinungaling ka!
Bakit ba ayaw mong sabihin sa akin ang totoo. Sino ba si Emma sa buhay
ni Daddy.”

“Magkaibigan lang sila noon,” sabi niya nang hindi makuhang tumingin sa akin. “Iyon lang ang alam ko.”

“Hindi, Mommy. Nagsisinungaling ka!”

Iniwan ko si Mommy na nakatindig sa gitna ng aking mga tanong. Alam
ko sa aking sariling may kailangan akong malaman. Hindi ako nagpaawat
sa kanya sa paglabas ko ng bahay. Hindi ko alam kung saan ako papunta.
Ang alam ko lang ay kailangan kong malaman ang tungkol sa Emma na iyon.

Pero, sa pagkakatanda ko ay patay na ang nanay ni Vince. Namatay ang
nanay ni Vince sa isang aksidente sa bus na sinakyan niya noon. Nandoon
ako noong libing ng nanay ni Vince. Alam ko kung gaano kamahal ni Vince
ang nanay niya. Alam ko rin kung paano nagluksa si Vince noon.

Masaklap para kay Mommy na hindi niya naitago sa harap ko ang lihim
na matagal niya marahal kinikimkim. May kailangan akong malaman tungkol
dito. At sa palagay ko ay may kinalaman ito sa pagkagalit sa akin ni
Vince sa kasalukuyan.

Kumaripas ako ng takbo at inuunahan ang bugso ng hangin. Papasikat na ang araw ngunit kay lamlam ng aking damdamin.

Ikasampung Yugto.

Kung maayos pa sana kami ni Vince ay sa kanila ako tutuloy. Pero
hindi na ganoon. Iba na. Bakit ba hindi ko matanggap sa sarili ko na
hindi ko na maibabalik ang dati? Kahit anong pilit ko kay Vince, malabo
nang mabalik pa ang kahapong madalas kong gunitain. Alam ko sa sarili
kong wala akong ginawang mali sa kanya. Wala akong ibang hinangad kundi
ang maging isang mabuti, tapat at tunay na kaibigan sa kanya. Wala nang
iba. Hindi ko inasam ang kahit anong makasasama sa kanya. Minsan
iniisip ko kung nasa kanya lang ba ang diperensya. Pero hindi.
Nararamdamdaman kong may mali sa mga pangyayaring ito. Nararamdaman
kong may bumabagabag sa dati kong kaibigan kaya siya nagkakaganito.

At iyon nga ang nais kong malaman. Kailangan. Hindi ko gagawing
sinungaling ang aking sarili sa pagpapahayag sa buong sanlibutan na
ayoko na siyang maging kaibigan muli. Hindi ako hunghang. Gusto kong
maituwid ang baluktot at maplantsa ang gusot.

Ito ang mga gusto kong mga mangyari pero hindi matupad-tupad.

Ano ba ang mali sa akin? Ano ba ang pagkukulang ko? Sa buong buhay
ko para bang puro na lang paghihirap sa kalooban ang nararanasan ko. Oo
nga, nakukuha ko ang mga gusto ko sa buhay. Isang sabi ko lang sa aking
mga magulang, ibibigay na nila. Isang kalabit ko lang sa paghingi ng
pabor, gagawin nila. Pero ang hindi ko kailanman nakuha ay ang oras.
Ang oras na nakapulupot sa kanilang mga liig, mga braso, baywang at mga
binti. Kailangan ko ang kanilang oras. Kailangan nila akong mapansin.
Pero hindi iyon nangyari kahit kailan. Minsan, iniisip kong mas mabuti
pa sigurong sa iba na lang ako napuntang pamilya. O hindi na lang sila
ang naging mga magulang ko. Wala silang naidulot na mabuti sa akin.
Pinagpakasasa nila ako sa pera nila pero ano ang naging resulta nito?
Panay na lang ako sa pagkulong sa aking kuwarto, madalas umiiyak sa
isiping hindi ako mahal ng aking mga magulang.

At ngayong hindi kami maayos ng best friend ko. Ang best friend ko
na pinagkatiwalaan ko sa loob ng mahabang panahon. Ang taong nagturo sa
aking maging matatag sa kabila ng problema ko sa aking pamilya. Palagi
niya akong pinaaalalahanan na magulang ko pa rin sila at dapat ko
silang mahalin.

Bakit, hindi ko ba naipakita sa aking mga magulang ang pagmamahal ko
sa kanila? Hindi ko ba naiharap sa kanilang paningin ang pagpapahalaga
ko sa lahat ng bagay na ibinibigay nila sa akin? Hindi ko ba nagawang
ipadama sa kanila ang pag-ibig ng isang anak sa magulang?

Tuwing kaarawan ni Daddy, mula pa noong ako ay lima o anim na taong
gulang, palagi ko na siyang ginagawan ng card. Pinaghihirapan kong
maglagay ng kung anu-anong abubot sa isang simpleng papel. Sa gitna ay
inilalagay ko ang isang HAPPY BIRTHDAY DADDY na hindi maayos ang
pagkakasulat palibhasa’y hindi pa ako marunong magsulat ng tuwid. Nang
matuklasan kong itinatapon niya lang ang mga ginagawa kong card na
inilalagay ko sa kanyang higaan ay itinigil ko na lang ang aking
kahibangan.

Pinahihirap lang ako ng Diyos—kung may Diyos nga! Paano ko
paniniwalaan ang isang Diyos na hindi mapagmahal sa isang kagaya ko?
Paano? Sino ang makapagsasabi sa akin? Wala. Wala sapagkat walang nais
makinig sa isang walang binatnat na Byron. Wala ni isa.

Ano pa ang silbi ng buhay kong ito? Ano pa ang saysay ng paulit-ulit
na pagkadurog ng aking sugatang kalooban. Sa bawat araw na ginawa ng
Diyos ay pabigat ng pabigat ang kapighatian, disin sana’y magaan na ang
aking pakiramdam.

Ngunit hindi.

Sapagkat walang Diyos na nakikinig sa bawat pagtawag ko. Walang Diyos.

Ikalabing-isang Yugto.

Sa pagtugtog ng ikawalo ng gabing iyon sa malaking orasang nakakapit
sa mga kampana ng simbahan na malapit sa plaza, nakatunghay pa rin ang
mga paslit na nangagtataglay ng mga panindang sampagita sa bawat
pasukan ng panalanginan, naroon pa rin ang mga aleng nagtitinda ng mga
matamis sa gilid ng bangketa, ang iba ay nag-aalok sa mga dumaraan ng
mga kung anu-anong agimat, anting-anting, gayuma, pulseras, kuwintas,
at iba pang pinaniniwalaan nilang nakapagpapataboy ng kamalasan at sa
halip ay nagdudulot ng suwerte sa buhay ng tao.

Sa labas ng simbahan ay nangaroon ang iba’t ibang paniniwala,
tradisyon at kulturang minana noon pa man, nagpapalipat-lipat sa bawat
salinlahi, natitira ang matatag na kaloobang makakamit nila ang anumang
hangarin sa buhay kapag suot nila ang mga paniniwalang ito, mga
tradisyon, kultura at iba pa, samantalang sa loob ng simbahan ay
nangaroon ang magpasahanggang ngayon ay paniniwala pa rin, tradisyon pa
rin, at bahagi pa rin ng kultura. Sa labas ng simbahan ay maraming tao
gaya ng dami ng mga nasa loob.

Ang karamihan ay naninikluhod sa harap ng mga santong inukit sa
bato, pinaghahalikan, pinapahiran ng panyo at pagkuwa’y ipinapahid sa
mukha sa paniniwalang magdadala ito ng kasaganahan at pagbuhos ng
suwerte. Sa sunud-sunod na hilera ng mga upuan ay nangaroon naman ang
maraming deboto ng poong nasa altar, yaong malabuhay na estatwa ng
nakaluhod na Kristong may pasang krus sa balikat. Kung buhay lang
marahil ang estatwang iyon ay hindi na niya pipiliing manatili sa
harapan ng mga tagasugid niyang manunood lalo na’t animo’y isa siyang
artista sa pinilakang tabing na hinahangaan sa kanyang pag-arte. Sa
gitnang daan sa pagitan ng mga hilera, kung saan dumaraan ang prusisyon
ng pari tuwing may misa, ay nangaglalakad ng paluhod mula sa pasukan
hanggang sa kagilid-giliran ng altar ang ilang deboto ng poon.

Aba ginoong maria, napupuno ka ng grasya…” panalangin ng
isang matandang babaeng nakasuot ng itim na damit sa harap ng estatwa
ng Mapagpalang Birheng Maria. “Anak, ipahawak mo sa bata ang salamin.
Bilisan mo,” sabi niya sa kanyang anak na lalaking may kargang apat na
taong gulang bata. Dagli nitong ipinahid ang kamay ng bata sa salaming
kumakahon sa estatwa ng Mapagpalang Birheng Maria.

“Aba’y dapat gumaling na ‘yan sa kauubo niyan.”

“Gagaling na ‘to, ‘nay.”

“Santisima! I-sign of the cross mo.” At sumunod ang lalaki.

Sa isang panig naman ng simbahan, sa bandang papasok ay nakatindig
doon ang mga kandilang sinisindihan kasabay ang isang mataimtim na
panalangin.

Malapit nang mapuno ang simbahan bago pa man nagsimula ang misang
pinangunahan ng isang paring nagsimula ng huli. Ang mga hindi nakaupo
ay nagtiis sa pagtayo. Ang iba naman ay nakasandal na lang sa pader.
Ang mga humabol sa misa ay nangagmadaling dumampi sa agua bendita at
nag-antanda.

Sa Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan sa mundo, maawa ka sa amin…

Bigay na bigay ang korong kumakanta sa tabi ng altar. Kumakanta ang
lahat maliban sa mga inaantok pa rin tulad ng lalaking kasama ng
matandang babaeng nakasuot ng itim na damit, hanggang sa mapuna siya ng
matanda at nakisabay na rin sa pag-awit sa papuri.

Nakaabang ang lahat sa pagtatapos ng misa; maya’t maya ay nagnanakaw
ng tingin sa orasang nakasabit sa uluhan ni San Juan de Bautista. Ang
isang batang babae ay kumalabit pa sa palda ng kanyang nanay upang
ipaalaala rito ang pangakong kakain sila ng spaghetti sa labas
pagkatapos ng misa. Nanatiling tikom ang ibang bibig sa pagpapatuloy ng
misa, di-gaya ng mga binatilyong lalaking nag-aasaran at nagbabatukan
habang bumibigkas ng Salita ng Diyos ang lumpong paring nasa harap
nila. Puno nga naman ang simbahan kaya nagmistula itong isang pugong
kinalalahukan ng iba’t ibang amoy at pananalitang kumakawala sa bawat
sulok ng simbahan.

Matapos ang kumunyon ay lumuwag na ang mga gilid na daan sapagkat
lumabas na ng simbahan ang mga kanina pang atat na para bang hinintay
lang ang bahaging iyon ng pagkain ng isang piraso ng tinapay na korteng
barya.

“Ate, patingin naman niyan.” Ipinakita ng nakatatandang kapatid ang subo niyang ostiya.

“Hindi ka pa pwedeng kumain niyan kasi bata ka pa,” sabat ng isa pang kapatid.

“Bakit naman hindi pwede?”

“Ganon talaga ‘yun.”

Napaisip ang panganay. “Teka lang, ha?” Pumila siya sa isang hanay
na pinatutunguhan ng isang matandang lalaking panot ang ulo, na siyang
nagbibigay ng ostiya bukod sa pari at dalawa pang tulad niyang ganoon
din ang tungkulin. Pagkakuha niya ng ostiya ay bumalik kaagad sa
nakababatang kapatid.

“O, sige, gusto mo tikman mo? Pero tikim lang kasi bata ka pa.”

“Ate, ano ‘yan?” usyoso ng isang kapatid.

“Ipatitikim ko sa kanya ‘tong ostiya.”

“Yuko kayo para hindi kayo makita.”

Nang sa wakas ay umabot na sa katapusan ang misa, makulimlim na ang
langit sa labas at napipinto na pala ang pagbuhos ng ulan. Sa plaza ay
nakatanaw ang isang binata, tumingin sa kalangitan at nabanaag ang
unos, naramdaman ang gutom at uhaw, nag-isip ng pupuntahan, naisip ang
simbahan ngunit nagkibit-balikat na lang.

Ikalabindalawang Yugto.

Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hindi sa simbahan dahil wala na
akong lakas ng loob na harapin ang Diyos. Naramdaman ko ang pagkulo ng
aking sikmura. Maging ang aking bunganga ay tuyo. Pinagmasdan ko ang
aking paligid at hindi ko namalas ang anumang tulong. Ang tanging laman
ng wallet ko ay dalawandaang piso. Mula kaninang umaga ay hindi pa ako
nakakakain ng maayos.

Hindi ko na kinayang tiisin pa ang gutom ko. Ayokong mamatay sa gutom.

Maraming fast food malapit sa simbahan. Pumunta ako sa isa at
umorder ng pagkain. Eksakto ang aking pagpasok sa lugar na iyon bago pa
man bumuhos ang matinding ulan. Malamig ang panahon kaya pinili kong
humigop ng mainit-init na noodle pero laking dismaya ko ng may nakita
akong isang lumulutang na pulang langgam sa inorder ko.

“Excuse me, nasa’n ang manager niyo?” tawag ko sa isang unipormadong crew.

“Bakit po, sir, may problema po ba?”

“Gusto ko sanang makausap ang manager, kung puwede.”

Agad niyang hinanap ang manager at iniharap sa akin.

“Sir, ano po’ng problema?”

Kasabay ng pagbuntung-hininga ko ang dahan-dahan kong pagtayo. Napatda ang manager sa pag-apoy ng aking paningin.

“Tignan niyo ‘to, sir.” Itinuro ko sa kanya ang inorder ko. Inabot
siya ng tatlong segundo sa pagpansin sa lumulutang na insekto. “Bakit
naman po meron niyan?”

Napalitan ang pagod niyang mukha ng isang maaliwalas na ngiti. “I am
so sorry, sir. James, alisin mo ‘to,” tawag niya sa kaninang
unipormadong crew. “Sir, let us have it this way: papalitan po namin
ang inorder niyo at ibabalik po namin sa inyo ang bayad niyo. Pasensya
na po talaga.”

“Pakibilisan,” umupo na ako. “Gutom na gutom na ko.”

“Ah… yes, sir. Ah… sir, baka gusto niyo pa pong umorder ulit… Ah… libre po… kahit ano po…”

Damang-dama ko ang takot sa likod ng kanyang masiglang mukha. Kung
nagsisigaw siguro ako ay pahiyang-pahiya na ang lugar nila pero pinili
ko pa ring magtimpi at naakit na rin ng mga alok niya.

“Sabi niyo po iyan.” Kaya nga sa gabing iyon ay nakakain ako ng
sapat at napawi naman ang matindi kong gutom. Laking pasalamat ko sa
insektong iyon na lumangoy sa pagkain ko.

Nilasap ko ang masarap kong hapunan habang nakatitig sa kabila ng
salamin sa aking kaliwa. Tinunghay ko ang kawalang pinapatakan ng ulan.
Malakas pa rin ang pagbuhos. Kaunti na lang ang mga tao sa labas.
Nakatunghay lang ako, mistulang nakatunganga.

Sa gitna ng pagbuhos ng ulan ay isang itim na kotse ang sumulpot sa
aking paningin. Bumaba mula rito ang isang babaeng nakasilong sa hawak
niyang payong. Siya ay biglang pumalapit sa kinatatayuan ko at bumalik
ako sa aking ulirat. Pagkuwa’y nakatingin ang babae sa akin. Narinig ko
ang pagbigkas ng

“Byron.”

“Anak, umuwi ka na!” Nakapasok na ang babae sa kainang iyon nang isigaw niya ito. “Umuwi ka na, Byron!”

Eskandalo. Malinaw na malinaw. Nakatutok ang lahat ng mga mata sa
aming dalawa: sa inang nilayasan at sa anak na lumayas. Pinilit niya
akong sumakay sa kotse. Kinaladkad niya ako palabas. Gayong ayaw ko ay
nahirapan siya pero sa huli’y nagawa niya akong palabasin sanhi ng
hiyang naramdaman ko. Nakaabang pa rin ang lahat sa eksenang iyon.
Isinukob niya sa ako sa payong at isinakay sa kotse.

“Ba’t niyo pa ako hinanap?” agad kong sumbat kay Mommy na nag-ayos ng seatbelt.

“Pilyo kang bata ka. Hindi ka namin pinalaki ng Daddy mo para maging suwail.”

“Suwail pala. Sige, simula ngayon paninindigan ko ‘yang sinabi niyo.”

Umandar ang sasakyan at nilukob ito ng katahimikan sa ilang sandali.

“Pasalamat ka hindi ko ito sinabi sa Daddy mo.” Diretso, kumaliwa.
“Tama ba namang umalis ng basta-basta. Ano’ng akala mo sa sarili mo,
kaya mo nang tumayo mag-isa? Ano bang nangyayari sa’yo…”

“Sana hindi niyo na lang ako hinanap.” Hininaan ko ang boses ko. “Nag-aaksaya ng oras.”

“Ano’ng sabi mo?”

“Wala.”

“Pagdating sa bahay, pumanhik ka kaagad sa kuwarto mo because from now on you’re grounded. Every weekend.”

“What?”

“What do you mean what? You’re grounded.”

Wala akong ginawang pagtutol bagaman labag sa loob ko. Naisip ko na
ring mas mabuti pang magkulong na lang ako palagi sa kuwarto kaysa
maramdamang may mga magulang ako. Ganoon na nga lang siguro.
Hating-gabi na ako nakatulog kayakap ang isang panaginip na gumimbal
sa aking pagkakaidlip. Naging pawisan ang aking katawan at napabalikwas
na lang ako sa aking kama.

Sorry, the comment form is closed at this time.

 
%d bloggers like this: