Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

5 Si Isagani.

Posted by Paurong sa Biyernes, Marso 16, 2007

Nagulat si Chief sa aking sigaw. Hindi ako nakapaniwala sa aking nakita. Lumingon ako sa likuran upang makitang muli ang dumaang anyo. Wala na.

“Bakit? Ano ‘yun? Para kang nakakita ng multo.”

Naghabol ako ng hininga na animo’y isang manlalarong walang tigil na tumakbo.

“Ayos lang po ako.”

Naroon na pala kami sa bahay nina Chief at ng ate niya. Maganda ang bahay sa labas pa lang. Pagkaparada ng kotse sa garahe, pumasok na kami sa loob ng bahay. Simple lang naman ang hitsura, hindi ganoon kalaki at tama lang para sa kanilang dalawa. Hindi maborloloy ang mga kagamitan, hindi rin naman sobrang tipid sa mga dekorasyon.

Pinaupo ako ni Chief sa malaking sofa sa sala. Napansin naming may tao sa kusina at malamang nga’y iyon ang ate ni Chief.

“Ate Joy, nandito na ‘ko.” Pumasok siya sa kusina para kausapin ang kanyang ate, marahil upang ipaalam na may dala siyang bisita sa bahay.
Napansin ko kaagad ang mga litratong nakalantad sa tabi ng mga upuan. Siguradong ang kasamang lalaki ng ate ni Chief ay ang Koreano nitong asawa. Mukhang mababait sila.

Pagbalik niya sa akin ay sinabi niyang doon na ako maupo sa hapagkainan dahil may hinanda nang pagkain ang ate niya. Sumunod ako habang siya naman ay pumunta muna sa kanyang silid upang makapaghubad ng uniporme at makapagpalit ng damit.

“Good evening po.”

“Hi, kumusta? Ako si Joy. Ate Joy na lang.” Nakipagkamay siya sa akin. Kung titignang mabuti, mas bata siyang tignan kaysa kay Chief. “Joseph diba?”

Tumungo ako at ngumiti. Mabait naman pala, paniguro ko sa aking sarili. Akala ko’y masungit siya sa unang tignan kagaya ni Chief.

“Ikaw siguro yung madalas ikuwento ni Louie sa’min dati,” sabi niya habang inaayos ang ulam sa lamesa.

“Best friend ko po si Louie.”

“Siya nga. Matagal na nga raw kayong hindi nagkikita. You know, close kami ni Louie. Sa lahat siguro ng mga tita’t tito niya, ako na yung pinaka-close sa kanya. Mabait kasi yang batang ‘yan.”

Naiba bigla ang timpla ng kanyang pananalita. Nagpatuloy siya matapos mailapag ang mga baso.

“Hindi ka ba hinahanap sa inyo?”

“A— kasi po. Umalis po ako.”

“Mmmm.. Anong umalis?”

“Medyo naglayas po ako.”

“Naglayas—”

Nakapasok na pala ng kainan si Chief. Agad na nabaling ang tingin ni Ate Joy sa kanyang nakatatandang kapatid.

“Aalis pa ba kayo, Kuya? Anong oras na… Mabuti pa ipagpabukas niyo na ‘yan. Delikado na sa labas ngayon.”

“Mukhang nakakalimutan mong pulis ang kapatid mo… Kelangan pa ba ng ebidensiya?”

“Hindi ba naman kaya hanapin sa’tin si Joseph ng mga magulang niya?”

“Hindi po,” sabad ko. “Ayos lang po. Malamang na hindi rin nila ako hanapin. Alam kasi sa bahay na uuwi’t uuwi rin ako.”

“Mabuti nga sigurong dito ka na muna sa amin, ano, Joseph?”

Ang alok na iyon si Chief ang nagpahinga sa akin ng maluwag. Sumang-ayon ako at doon na nagsimula ang aming hapunan. Naging mapilitin sa kuwento si Ate Joy. Buong tatag kong kinalaban ang kanyang mga katanungan upang huwag kong mabanggit ang mga nangyari sa bahay. Napunta lang ang usapan sa puting anyo sa daan kanina.

“Sino?” tanong ni Chief na tapos nang uminom ng juice.

“Kanina po sa kotse. Nakita ko si Lolo.”

“Huwag kang magbiro ng ganyan,” sabi ni Ate Joy na napintahan ng takot ang mukha.

“Ayoko rin pong matakot pero… ngayon lang po ulit ako nakakita.”

“Nakakita… you mean may third eye ka?”

“Hindi ko po alam, Ate Joy. Pero kung dahil sa nakakakita ako dati pa ng mga ganun e nakabukas nga siguro.”

“Stop it na nga. Baka hindi pa ako makatulog.”

Ding-dong. Ding-ding-ding-dong.

“Si Manang na siguro ‘yan.” Tumayo si Ate Joy upang papasukin ang tao sa labas. Kasama niya ang isang maid pagkapasok. May mga dala itong pinamili galing sa grocery store.

“Manang, pakihusagan na lang po yung mga pinagkainan. Salamat po sa pagbili. Inaantok na talaga ako. O, maiwan ko na kayo. Inaantok na ‘ko. Got work tomorrow.”

“Sige po. Good night po.”

“Kuya, ibigay mo sa kanya ‘yung isang kuwarto sa itaas.”

“Yung katabi ng kuwarto ko?”

“Oo. Siya nga pala, Manang.”

“Yes, Ma’am?”

Naging malungkot ang ngiti ni Ate Joy na para bang nag-aalala.
“Kapag… Pag dumating… Pag dumating, sabihin mo kaagad sa akin.”

“Masusunod po.”

“Salamat.”

Sumunod na rin kami ni Chief maya-maya sa itaas.

“Bakit po Kuya ang tawag sa inyo ng kapatid niyo?”

“Dalawa lang kasi kaming magkapatid. Noon pang bata kami ‘Kuya’ na ang tawag niya sa akin kahit na mas matanda siya sa akin. Wala naman kasing mas matanda sa kanya.”

Pagkabukas ng kuwartong ibibigay sa akin, iniwan niya na ako. Ako na raw ang bahala. Nagbigay-galang ako bago ko tuluyang isinara ang pinto.
Madali akong nabingwit ng antok ngunit madali namang nagising na mga katok sa pinto. Bigla akong kinabahan. Marahan akong bumangon upang makiramdam. Pagkabukas ko ng pinto laking-gulat kong si Ate Joy lang pala iyon.

“Naisip kong wala kang bihisin. Eto, dinalhan kita.”

Pinapasok ko siya.

“Mga damit ito ng anak kong lalaki. Kasya naman siguro sa’yo.”

Iniabot niya sa akin ang ilang damit na pantulog at pambahay.

“May anak po kayo?”

“Naglayas siya. Dalawang buwan na rin siyang wala dito sa bahay. Nagalit kasi siya sa akin. I’m very worried with my son. I can’t help but to blame myself.”

“Anong pong pangalan niya?”

“Gerald.”

“Bakit po siya nagalit?”

“You won’t understand siguro. Pero, at least, you should be aware. He thinks that I have other guy more than his father… which isn’t true. Mahirap para sa akin, as a mom. I looked for him already. Halos mabaliw na ‘ko. My husband went to Seoul for business commitments and so I have to take this problem on my own. Hinanap ko nga si Gerald pero… wala. I tried reaching him from his friends, pero wala. I suppose, gusto talaga niya akong tagúan.”

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Wala akong naitugon. Ni hindi ako nagbigay ng pakikiramay. Nanatili lang ako sa pagkakaupong iyon sa gilid ng kama, nakatinging maigi sa kalungkutang iyon ng isang inang nilayasan ng anak.

Dinurog ng ala-ala ng aking nanay ang aking gunita. Ni minsan ay hindi ko naranasang magkaroon ng isang ina. Namulat ako sa mundong itong walang nanay sa aking tabi. Namatay siya pagkatapos akong ipanganak. Namatay siya matapos akong dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Hindi ko alam ang pakiramdam ng paglalambing ng isang ina. Sa bahay, kinalinga ako ng mapagmahal kong lola na lubus-lubos ang pagmamalasakit sa akin. Gayundin naman ang aking tita na higit pa siguro sa kadugo ang turing sa akin. Siya ang nagpaaral sa akin at ngayo’y siya ang magsasabit sa akin ng medalya sa araw ng pagtatapos ko sa high school.

Hinagkan ako ng aking mga luha: tigib ng pasakit at pangungulila sa tunay na pagmamahal ng magulang. Ang mga luhang iyon ay balót ng pag-aasam na sana’y maramdaman ko ang yakap ng isang ina.

“Pwede ko po ba kayong yakapin?”

Wala nang salitang naging tugon sa pananabik kong maramdaman ang pagyakap ng isang mapagmahal na ina.

Sa tagpong iyon, inisip kong sana’y buhay na lang ang aking nanay at nakakaramay ko siya sa aking mga kalungkutan. Noon sigurong nasa tiyan pa niya ako ay sabik na sabik siya sa akin. Hindi siguro siya nagsasawang mangarap ng aking mga ikabubuti pagkatapos kong maisilang.

Dagli kong naramdaman ang pakikiramay ng bawat isa sa amin. Ang pangungulila ni Ate Joy ay siyang pangungulila ko rin. Naunawaan ko siya.

Ngunit ang isipin tungkol sa aking tatay ang nagpapalabo sa malinis sa salaming aking tinitignan.

“I better leave you now. You need to rest, my dear. Salamat. Maraming salamat.”

Tinukoy niya marahil ang pagtugon ko sa pagpupuyos ng kanyang damdamin. Pagkatapos niyang makalabas ng kuwartong iyon ay bumalik na ako sa aking pagtulog. Niyakap ko ng mahigpit ang unan. Kung puwede lang sana ay huwag na akong magising.

16 Tugon to “5 Si Isagani.”

  1. akala ko mag-iinternet pa siya bago matulog

  2. hehe. tawa ka raw ng tawa nung sinabi ni dianne na gusto kong pangalan ko sa ana ko ay isagani!

    hehe, hi bampira!

  3. paurong said

    Pinoy Writer,
    hindi naman ako si joseph madrigal e. hehehe.

  4. paurong said

    MR. TUESDAY,
    memory gap na talaga yan..

  5. sheLLa said

    ..grabeng haba na naman.. but very poignant naman sa bandang dulo.. kaya sakto lang.. may naisip na naman tuloy ako.. =p

  6. paurong said

    SHELLA,
    poignant. salamat!
    pasensya na kung mahaba. hanggang diyan kasi ang inabot ng utak ko.
    e ano naman yung naisip mo?

  7. sheLLa said

    ..wag na..
    baka magalit ka lng.. =p

  8. paurong said

    SHELLA,
    napag-usapan na naman natin sa ym e. ayos na yun.

  9. bagong blog.. bagong.. ________?

  10. paurong said

    PADRE SALVI,
    ano yung blank?

  11. fill in! hehe. di pa pala pbb. pero aalis na talaga ako.

  12. paurong said

    PADRE SALVI,
    8 letters. ang hirap naman…

  13. jen said

    nice one.

    .you’re really good at this, huh?.

    Ü

  14. paurong said

    JENNIFER SOLA,
    i miss you, mah friend.
    tagal na nating hindi nagkikita.
    hehehe. salamat!

  15. Rainne said

    waaaa… medyo ganun ako wah… gusto kong maglayas! dameng problema dito sa bahay! isa na ako sa pinoproblema nila! huhuhu…. ang ganda…

  16. paurong said

    RAINNE,
    nako.. wag kang maglayas. mag-aalala sila sa’yo.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: