Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Replica.

Posted by Paurong sa Linggo, Abril 29, 2007

The following is just a subsequent episode of the Patlang series. The whole story will be published on May 31.

“Mukhang wala na siyang balak.” Walang emosyong nakatanghod si Clarissa sa malamig na katawang nakasilid sa ilalim ng salamin ng isang mumurahing kabaong. “Ano sa tingin mo?”

“Nanay niya si Inay, Ate. Hindi pwedeng hindi siya pumunta.”

Hindi nakatulong kay Clarissa ang malulumanay na mga salitang nanggaling kay Elsa. Tanging sa matandang babaeng nakahiga sa kanyang harapan natuon ang kanyang pansin habang binabalot siya ng kalamigan ng gabing iyon. Ang malapilak na mga buhok ng kanyang ina ay isa sa mga palatandaan ng malinaw na paglipas ng kabataan nito. Ang kulubot na mukha naman ay pumara sa kanilang mga napagdaanan.

Malaking kaltas sa naipon ni Clarissa ang isinabak para sa kamatayan ng kanyang nanay. Hangga’t maaari ay nais niyang mabigyan ng mabuti-buti man lang na libing ang sisenta anyos niyang nanay. Hangga’t kaya ng bulsa ay gagawin niya ang makapapanatag sa kanyang budhi. Kung mayroon lang sana siyang mas malaking salapi, wala siyang dahilan para hindi gawing payak ang burol at libing.

Isa siyang hamak na guro sa primarya. Pangarap niyang maging isang doktor noong nasa elementarya siya. Sa pag-usad ng panahon, ipinamukha ng pamumuhay na kanyang kinalakhan ang pagkatunaw na parang yelo ng kanyang mithiin paglaki.

Noon, hindi siya umiyak nang malaman niyang mahal mag-aral ng medisina.

Ngayon, hindi rin siya umiyak.

Wala mang luhang dumaan sa kanyang mga pisngi, hinagkan niya ang salamin ng kabaong mayakap lang ang kanyang Inay.

Heto siya ngayon, tandang-tanda pa ang buhay nila noong bata pa siya. Nakatira sila noon sa luma nilang bahay sa Bulacan na minana pa sa mga magulang ni Lucia. Kung tutuusin, naging maginhawa ang buhay nila noong buhay pa ang kanilang amang si Eduardo. Magkatuwang ang mag-asawa sa pagtataguyod ng isang masayang pamilyang tinalalan ng wagas na pagmamahalan.

Higit sa tatlong beses sila kung kumain sa isang araw kahit na plantsadora lang ang ilaw ng tahanan at ang haligi nama’y nagtatrabaho sa isang mayamang pamilya sa San Jose del Monte. Si Clarissa at ang kanyang kuya ang naging buhay nina Eduardo at Lucia. Maigi silang naghanapbuhay upang maitayo sa isang matibay na bato ang kanilang pamilya.

Ngunit hindi nagtagal ang lahat. Dahil sa sipag na ipinakita ng tatay ni Clarissa sa kanyang amo, nainggit ang kanyang mga kasamahan at pinagkaisahan ang paninira sa kanya. Noong una’y naging matibay ang loob ni Eduardo, pero sa bandang huli ay napatalsik siya, at hindi lang iyon, dahil sa matinding galit ng mga kasamahan, nagawa pa nilang sunugin ang maliit na bahay ng mag-anak na nauwi sa pagkatupok ng mga naipundar ng pamilya Mendez. Nailigtas niya mula sa nagngangalit na apoy ang kanyang mag-iina. Sa kinagandang palad ay nasalba ang buong pamilya—ang pamilyang para kay Eduardo ay sanlibong beses na mas mahalaga kaysa kahit anong kayamanang nandirito sa lupa.

Bumalik sa wala. Pinag-isipan nilang subukin ang pakikipagsapalaran sa lungsod sa pag-aasam na hindi buhangin ang lupa sa Maynila. Nasa isip ng mag-asawa ang kinabukasan ng dalawa nilang anak. Takot na silang manatili pa sa Bulacan.

Biyayang mula sa langit ang naging pagdating ng di-inasahang tulong. Isang kumpare ni Eduardo ang nagbigay sa kanya ng isang malaki-laking halaga upang makapagsimula sila nang mahusay sa Maynila. Hustong pera ang ipinagkaloob sa kanya bilang pamasahe. Utang na loob ng kumpare niyang iyon ang pagsagip niya sa buhay nito mula sa pagpapakamatay dahil sa problema sa asawa. Kundi dahil kay Eduardo disin sana’y hindi na nabuong muli ang pamilya ng kanyang kaibigan at ang mas malala ay hindi na nagkaroon ng pagbubuklud-buklod ang mga anak nito.

Bago umalis ang mag-anak, tiniyak ng tumulong sa kanila na maaari silang tumuloy sa bahay nito sa Maynila. Malaking tulong iyon kahit na pansamantala lang, ayon kay Lucia. Hindi sila nagdalawang-isip. Ibinigay sa kanila ang numero ng tirahan at inilarawan sa kanila ang hitsura niyon. Ipinagkaloob din ang susi ng pagsisilungan nila habang sila’y nag-uumpisa ng panibagong buhay. Tangan ng mag-anak ang pangakong aalis sila sa bahay na iyon pagdating ng panahon na kailanganin na ng may-ari ang lugar o kung mas mapaaga’y magkaroon na sila ng malilipatan.

“Di ko maisip ang kalungkutan ni Itay kung buhay pa siya.” Napintahan ng kalahating ngiti ang mga labi ni Clarissa habang inaalala ang mapagmahal niyang tatay. Gayunman, nangibabaw pa rin ang matinding panghihinayang sa pagkawala ng kanyang mga magulang.

“Pagod ka na, Ate. Gusto mo bang ipagtimpla kita ng kape?”

Umayon si Clarissa sa alok ng kapatid. Alam na alam ng huli ang kailangan ng una. Matapos makapaghanda ng dalawang tasa ng kape, inaya ni Elsa si Clarissang maupo.

“Mahilig si Inay sa kape, diba? Naaalala ko pa no’ng muntik mo siyang matapunan ng tubig. Grabe makasigaw si Inay. Akala niya kasi kape ang ibibigay mo sa kanya.”

“Sampung taong gulang pa lang yata ako no’n, Ate. Tignan mo naman ako ngayon, dalaga na.”

Dalaga na nga si Elsa. May pag-iisip na siya at may sariling pananaw sa buhay.

Napabuntung-hininga si Clarissa. Naisin man niyang makahigop ng kape, ang kainitan nito ang siya pa ring pumigil sa kanya. Gusto niyang palamigin muna ang kape at ang isipin tungkol sa hindi pagdating ng kanilang kuya sa ikatlong araw ng burol.

“Limang taon na ‘kong titser, Elsa. Sa nakalipas na limang taon, mabagal ang pagtaas ng suweldo ko. Alam mo naman ang buhay ko. Minsan nga umaabot ng tatlong buwan bago maibigay ang buong suweldo.” Sa seryosong pintura ng mukha ni Clarissa nabatid ni Elsa ang patutunguhan ng kanilang pag-uusap: ang kanyang pag-aaral.

“Kung dumating ang kuya mo, hihingi tayo ng tulong,” sabi ni Clarissa pagkatapos maabot ang malalambot na mga kamay ng kapatid. “Kelangang makapag-aral ka. Matalino ka. Hindi dapat masayang ang talino mo.”

Ikinabigla ni Elsa ang kakaibang tatas ng pananalita ng kanyang ate. Sa loob ng nakalipas na labing-anim na taon, sa pakiwari niya’y hindi pa niya namalas ang ganoong sulok ng pagkatao ng dalawampu’t siyam na taong gulang niyang kapatid.

“Kung buhay lang sina Inay at Itay,” pagpapatuloy niya. “Sigurado akong ipagmamalaki ka nila ng higit sa pagmamalaki ko sa’yo.”

“Bakit ka ganyan magsalita, Ate?” Lumabas ang hindi dapat lumabas. “I mean, may problema ba?”

Napabitiw sa mahigpit na hawak si Clarissa. Dumaplis sa unti-unting lumalamig na kape ang kanyang tingin at dumako sa simpleng kabaong na pinaglalagyan ng namatay niyang nanay.

“Kelangang mapag-aral kita—namin.” Bumalik ang tingin niya sa maamong mukha ng kapatid. “Kahit wala na sila, kakayanin natin ‘to.”

Halos dalawampung taon na ang nakalipas, ang pagkamatay na iyon ni Eduardo Mendez ang gumuho sa mga pangarap ng iniwan niyang mga anak at ng butihin niyang maybahay.

Kakatas-katas ng luha ang mga mata ni Clarissa. “‘Buti na lang nakita kang grumadweyt ni Inay bago niya tayo iniwan.”

Walang pakling namutawi sa bibig ni Elsa. Oo nga naman, naisip niya. Iginapang siya ng kanyang nanay hanggang sa huli nitong hininga.

Araw-araw maagang gumigising si Lucia upang makapagluto ng mga almusal na itinitinda niya sa silong ng kanilang bahay. Suki siya ng maraming kapitbahay sa mga lutong kanin, pansit, ginataan, lugaw at sopas, na pulos masasarap. Sa kalagitnaan ng pag-aagawan ng dilim at liwanag, kapag nakakain at nakaligo na ang anak, pinatutunayan niyang handa na ito sa isa na namang araw ng pagpasok.

Malaking bagay na para kay Elsa ang maabutan ng tatlong sampumpisong barya. Kapag maraming kita, nabibigyan siya ng limampumpiso, at kung sosobra iyon bilang baon niya sa maghapon sa eskuwelahan, ibabalik niya iyon sa tampipi ng kanyang Inay imbis na ipunin para sa pansariling kapakinabangan. Pagkatapos itago sa kanyang lumang bag ang baon niyang pananghalian, mamano siya, yayakap at hahalik kay Lucia. Pagkalabas niya ng bahay ay nakangiting sisilip sa pintuan ang kanyang nanay at magpapasalamat na isa na namang madaling-araw ang lumipas. Magpapasalamat siya dahil isa na namang araw ng pagsugo niya kay Elsa sa paaralan ang dumatal at mananalangin siyang gabayan ng Panginoon ang anak sa sampung oras nito sa lugar na lingid sa kanyang paningin.

“Makainom na nga ng kape.”

Kung nakasusugat lang sana ang paso ng likidong iyon, di’ sana’y maaaring dumugo ang lalamunan ni Clarissa, at sa pagsuka ng buu-buong dugo ay matauhan siya sa kahirapang sinapit nilang mag-iina matapos mamatay si Eduardo.

Hindi nga naman naging ganoon kadali, at hindi rin naman mahirap ang naging buhay nila sa Maynila. Noong una lang naman iyon. Sampung taong gulang na noon si Clarissa at nakapagtapos na ng high school ang kanyang kuya. Hindi man lamang nalaman ni Eduardo bago siya namatay ang pagkabuntis ni Lucia kay Elsa.

“Pasensya ka na, wala man lang akong litrato ng kuya mo.”

“Ayaw niya ba sa’kin?”

Hindi kaagad napunan ng sagot ang utak ni Clarissa. Napaisip siya. “Ano ba namang klaseng tanong ‘yan?”

“Wala lang,” mahinang usal ni Elsa.

“Sa totoo lang, hindi ko alam. Buhat nang mamatay si Itay, sobrang nagmumukmok ang kuya mo. Hindi mo lang alam kung gaano niya dinamdam ang pagkamatay ni Itay. At isa pa, wala na siya ng nagsimulang lumaki ang tiyan ni Inay.”

“Kikilalanin niya pa kaya ako?”

Sapul na sapol ang pagkabato ng linya kay Clarissa. Hindi niya alam kung tama bang sumagot ng ‘oo’ o manahimik na lang at magkunwang hindi narinig ang kapatid.

Naunawaan kaagad ni Elsa ang pahayag ng mukha ni Clarissa. Hindi niya ginalaw ang tasa ng kape sa kanyang tabi. Humusto sa kanya ang pag-antabay ng bawat salitang lumalabas sa bibig ng kanyang ate at ang masusing pagtitig sa maganda nitong mukha.

“Sabi mo sa’kin no’n, naglayas siya,” pagbubukas niya sa bagay na halos nakalimutan na ng kapatid.

“Lumayas? Oo.” Kumidlat kay Clarissa ang katotohanan. “Mula no’n, hindi na siya nagpakita. Hindi na namin nalaman kung ano’ng nangyari sa kanya.”

“Bakit siya naglayas?” Dahan-dahan lang sa pagtatanong si Elsa lalo na’t alam niyang sensitibong bagay ang inuusisa niya. Ni minsan ay hindi siya nagtanong ng anumang tungkol sa kanyang kuya. Hindi niya kinulit ang kanyang Inay at ang kanyang Ate sa pagpapalawig ng nag-iisang katotohanang niyakap niya (ang pagkakaroon niya ng isang lalaking kapatid na limang taon ang tanda sa kanyang ate).

“Dahil siguro sa pagkabagot.”

“Pagkabagot?”

Lumitaw ang pagkainis sa noo ni Clarissa. “Sa totoo niyan e di ko talaga alam.” Tumindig siya at lumapit sa kabaong at muling nagmuni sa harapan ng kanyang Inay. “Bata pa lang ako no’n. Pero may isip naman. Iba lang talaga siguro ang gawi ng pag-iisip ni Kuya. Palibhasa lalaki.”

“Aasa pa rin ba tayo sa pagpunta niya dito?”

Hindi inimikan ni Clarissa ang walang kabuluhang tanong ng kapatid; bagkus ay minarapat niyang utusan na itong matulog.

Nanatili siya sa kanyang kinatatayuan at makalipas ang isa o dalawang minuto ng pansariling katahimikan ay naisip niyang lumabas ng bahay upang matunghayan ang mga bisitang nakikiramay.

Kung pakikiramay lang naman ang pag-uusapan, kataka-takang nangaroon ang mga kapitbahay na hindi naman naging malapit sa patay. Nangaroon sila upang makangatngat ng mani o di kaya’y upang makapagtong-its at lucky nine kasama ang ibang taga-Pulangbakal. Bilang na bilang ang naparoon upang makidalamhati sa mga naiwan ng patay at sa isang banda’y makapanatag kahit papaano sa kanila.

Rinig na rinig ni Clarissa ang tila langitngit na tunog ng pagbabalasa ng baraha sa kaliwa’t kanan. Bago siya tuluyang makahakbang sa makapasok ng pintuan, luminga siya sa kinalalagyan ng orasan upang malamang ika-labing-isa na ng gabi. Biglang nagbago ang kanyang isip. Wala ni isa sa mga bisita ang maaaring makausap sa sandaling iyon lalo na’t ang lahat ay abala sa mga idinaos na sugal ng mga tambay at iilang mga paslit ang gising pa at ginawang palaruan ang silong ng bahay.

Paano nga naman pupunta ang kanyang kuya kung hindi nito alam ang nangyari sa kanilang Inay? Napaisip ng malalim si Clarissa. Hindi pinalagpas ng isang minuto ang paglalapat niya ng isiping imposibleng makapunta ang kanyang kuya. Naupo siya sa isang bakanteng upuan malayo sa paningin ng maiingay na sugarol at madadayang manlalaro.

Umusbong sa kanyang isipan ang pananabik na muling makita ang nawalay na kapatid. Sa kanyang pagmamasid sa paligid, hindi siya nawalan ng pag-asang maaninagan ang kanyang Kuya, kahit na sa kaunting pananampalataya ay mamatahan ang anino nito.

Ang kagat ng mga pangil ng gabing iyon ang humulma ng madilim na bangungot sa imahinasyon ni Clarissa. Kulang na lang ang maniwala siya sa kuwentong-bayan tungkol sa isang aswang na pumapaslang sa mga binata pagsapit ng hatinggabi. Kung hindi man siya mapagbigyan ng takot at kaba, paniniwalaan niyang ang paglaho ng kanyang kuya ay bunsod ng kahirapan nito sa pagtulog kapag gabi. O baka nga naman mayroong isang uhuging kapreng nanabako sa itaas ng isang kalapit na puno ng bayabas at sa sobrang bigat nito ay nahulog at nagpagulung-gulong sa basang lupa at napag-interesang isama sa bisyo nito ang kanyang kuya.

Lubog na ang kanyang mga mata sa katititig sa kawalan. Gusto niyang sumpain ang langit dahil sa mga dagok na patuloy na dumarating sa kanyang pamilya. Parang walang paghinto. Parang walang pagbabago.

Bumalik siya sa loob ng bahay at sa pang-ilang ulit na pagkakataon ay nilapitan ang kanyang Inay. Ang larawan nito sa ibabaw ng salamin ang nagpabuhay ng kanyang kalooban. Maaari niyang gayahin ang ngiti sa litrato ng kanyang Inay, ngunit kasintigas siya ng bato.

Sising-sisi siya sapagkat hindi man lang niya nasabing mahal niya ito. Walang puwang sa kanyang puso ang pagpapatawad sa sarili.

Hinablot niya ang larawan ni Lucia at nagtungo sa palikuran. Agad niyang isinara ang pinto. Yakap-yakap ang larawan, pumikit siya at nagsimulang dumaloy ang mga luhang kanina pa nagbadya.

6 Tugon to “Replica.”

  1. toniwoni said

    grabe..
    you’re like a rabid storyteller…
    hindi ko pa nga nababasa yung ni kapirasong langit mo eh, may bago ka na namang kwento…
    hay, iba talaga kapag talented…
    kapag off the hook na ako sa atsay roles ko, babasahin ko sila pareho…

    daan-daan lang… 😀

  2. marj said

    wui, mixu na, paramdam ka nman.hehe
    musta ka na pu?
    dami q kwento sau, hehe..
    wula ka pa fone?
    850 pla ung sa HIGH SCHOOL MUSICAL LIVE ON STAGE!
    libre mu aq ha, comment kns sa frenster q, hehe..
    mixu, mwuah mwuah..🙂
    go sam!!🙂
    God Bless!!!
    mwuah..

  3. ang haba jonell borbon estillore! haha.

    miss ka na ni dianne jane lazo villapando.

  4. emong said

    hi jonell,

    ano po ito, bagong story na naman.. nakanaks naman..

    natapos na ba ung ni kapirasong langit?

    pde bang makakuha po ng kopya ng “dairy ni mariel” ???

    thank you po…

  5. emong said

    eis.. pls.. penie po ako ng nakabaon ng “diary ni mariel..” pls…

    thank you po…

  6. emong said

    nga pala, thank you dun sa patlang copy ko sa mail ko ha..

    tnx talaga.. asan ka na daw sab ni marj..

    lagi kang hanap sakin…

    pls.. diary ni mariel!!!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: