Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Isa – Ang Misteryosa.

Posted by Paurong sa Huwebes, Hunyo 7, 2007

Dalawang bagay lang ang palaging sinisigurado ni Kim bago siya lumabas ng bahay: ang mga laman ng kanyang bag at ang kanyang hitsura sa harap ng salamin. Unang araw ng Hulyo kaya siya determinadong makapag-ayos ng mabuti. Para sa kanya, ang bawat unang araw kailanpama’t bawat buwan ay nangangahulugan ng panibagong simula kung saan nararapat na magkaroon ng kahigitan ang anumang aspekto ng buhay.

Kuwaderno para sa Matematikas, Ingles at Agham, isang aklat sa Ekonomiya, at dalawang ballpen ang tanging laman ng kanyang bag. Ang klase niya sa P.E. at Kimika sa araw na ito ay lubos-kasiyahan niyang hindi aalayan ng katiting na pansin, sanhi ng kanyang pagkayamot sa kaaburiduhan ng mga guro ng mga asignaturang nabanggit.

Pagkasara ng siper ay mabilis siyang humarap sa salamin upang masiyasat ang sarili. Nakatayo na ang kanyang mga buhok na nilagyan ng gel. Ang kanyang mga mata ay waring mapag-alang-alang kasama ng kanyang mapupulang labi na kumukurba sa gilid tuwing siya’y sumusuntok ng isang mapanlibak na ngiti. Limang talampaka’t pitong pulgada ang kanyang tangkad—sadyang bumabagay sa maputi niyang balat.

Isang minuto ang ginugol niya sa pag-aayos ng kuwelyo ng kanyang polong datapwat walang gusot ay nahagod pa rin ng kanyang kamay. Pinagpag niya ang kanyang itim na pantalon na wala namang dumi o alikabok at inusisa ang kakintaban ng kanyang pares ng sapatos.

Unang araw nga naman ng buwan.

Dinampot niya mula sa gilid ng kama ang kanyang pampaaralang ID at isinukbit ito sa kanyang leeg. Muli niyang pinagmasdan ang kanyang repleksyon sa salamin at pinalagpas ang halos isang minuto bago isinuot sa likod ang kanyang itim na bag at lumabas ng kuwarto.

“Mommy, aalis na ‘ko,” sigaw niya sa kanyang nanay na kasalukuyang naliligo. Hindi na niya hinintay pa ang tugon nito.

Hindi na rin niya nagawang magpaalam sa alagang asong regalo ng kanyang magulang isang taon na ang nakalipas. Noon ay wala siyang taros kung maibig ang ganoong uri ng hayop, alalaong baga’y wala nang gana ngayon kaya’t ayos lang na huwag itong bigyan ng kaukulang pansin.  Bago niya isara ang pinto, at matapos pag-isipan ng kamatayan ang dating kaibigang aso, dinukot niya sa kanyang bulsa ang kanyang pitaka. Tiniyak niyang may laman itong pera bago siya tuluyang makalabas ng tarangkahan.

Sinalubong siya ng makinang na araw na sumisilip sa silangan at ng isa pang marikit na tanawin sa kanyang mga mata—ang magandang babaeng nakita niyang naglalakad sa kabilang bangketa. Sa unang tingin pa lang ay napagtanto niya nang kaeskuwela niya ang babae dahil sa uniporme nito. Napako ang kanyang mga paa habang sinusundan ng tingin ang babaeng iyon. Bumalik lang siya sa ulirat nang mawala sa paningin ang dalaga.

Kinabukasan, inagahan niya ang paghahanda sa pagpasok. Maaga siyang kumai’t naligo’t lahat. Paglabas niya ng bahay, sumandal siya sa pader at matiyagang naghintay, habang hinahaging ng hangin ang hindi malirip na pag-iisip. Kung malapit lang sa kanilang lugar ang babaeng iyon, isang daan lang ang puwede nitong tahakin papunta sa eskuwelahan. Ilang minuto pa’y natanaw na niya ang dalagang iyon na may mahabang plekilyong maayos ang pagkakabagsak sa noo. Nang makalagpas ito sa tapat niya ay nagsimula na siyang maglakad. Nanatili siya sa pagsunod sa paglalakad ng babaeng iyon sa mga sumunod pang araw. Ibang-iba ang kanyang pakiramdam sa tuwinang nasisilayan ang babae. Gustung-gusto niya itong makilala ngunit ni gahiblang lakas ng loob ay wala siya. Puro paninilay. Puro pag-aasam.  Humahantong sa wala.

4 Tugon to “Isa – Ang Misteryosa.”

  1. emong said

    ahm… what’s dis???? new story??? ang ung copy ko!!! pumunta ka ba ng jun3?

  2. emong said

    ahm.. anu po ito,,,, bagong story?

  3. BRISEIS 27 said

    hayyyy!!
    so, the story is still in process!!!?

  4. paurong said

    BRISEIS
    not anymore pero mahaba na yung natakbo ng kuwento.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: