Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Dalawa – Daplis.

Posted by Paurong sa Biyernes, Hunyo 8, 2007

Pagdating sa silid-aralan, isinubsob ni Kim ang sarili sa pagbabaliktanaw sa mga nakalipas na liksyon dahil sa nalalapit nilang pagsusulit. Pagkalipas ng ilang oras ng mga klase, tanghalian na kaagad ang nasa kukote ng binata. Sino ba naman ang hindi magugutom sa ganoong kalagayan?

Sa tinagal-tagal ni Kim sa paaralan, hindi niya kailanman naranasang magbaon ng pananghalian. Hindi naman sa tamad magluto ang Mommy niya. Sa totoo nga, mas nauuna pa itong gumising kaysa sa kanya kapag may pasok para makapaghanda ng kanyang almusal.  Nang minsang matanong ni Kim kung bakit hindi siya ipinagluluto ng baon, ang tanging sinagot sa kanya ay “lalamig lang ang kanin at ulam”. Oo nga naman, naisip ni Kim, para saan pang magbaon siya ng lutong pagkain kung hindi rin naman siya masisiyahang kumain ng malamig na tanghalian. Tuloy, tuwing lunch break, sa main canteen ang bagsak niya. Maaayos naman ang mga luto. Sa sobrang dalas nga niya roon, saulo niya na ang bawat putaheng ilalabas nila sa bawat araw. Sa ganitong araw ganyan, sa ganoong araw ganoon. Paulit-ulit lang. Kapag nagsawa siya sa canteen na iyon ay pumupunta siya sa kabilang kantina upang mapaiba.

Kaya nga sa araw na iyon ng Miyerkules, naisipan niyang hindi kumain sa main canteen. Nang pumatak na ang ikalabindalawa ng tanghali, agad siyang pumunta sa kantinang nasa tapat ng Laboratory Building, lalo na’t gutum na gutom na siya. Hindi masyadong mahaba ang pilang inungusan niya. Pipila; kakausapin ang kung sinumang nagbebenta sa araw na iyon para kunin ang bibilhin; iaabot ang isang tray na pinaglalagyan ng isang plato ng kanin, isang platito ng ulam, isang basong mango juice o kaya’y iced tea, at isang piraso ng saging; kukuha ng kutsara’t tinidor na ibinabad sa mainit na tubig; maglalabas ng kulang-kulang singkwenta pesos at hihintayin ang sukli kung mayroon man; maghahanap ng bakanteng lamesa, at magsisimulang kumain—ganoon ang takbo.

Habang kumakain ay patuloy pa rin sa pagtakbo sa kanyang isip ang babaeng kasabay niya sa pagpasok sa kabila ng isang kalsadang pagitan. Nais niyang malaman ang pangalan nito, ang edad nito, ang lahat-lahat ng tungkol sa dalaga.

Hindi siya kaagad tumayo pagkatapos kumain. Pinagmasdan niya muna ang ibang estudiyanteng kumakain sa bandang harapan at nagbasakaling isa roon ang babaeng nakadikit sa kanyang isip. Ihinakbang niya pakanan ang kanan niyang paa upang makatayong maigi at sa pag-ikot ng kanyang ulo’t buong katawan ay bigla siyang may nasaging kung ano. Nataranta siya bago malaman ang lahat. Ang babaeng kanina niya pa iniisip! Dumaplis pala ang kanyang kamay sa hawak nitong baso ng mango juice.

“I’m sorry, Miss.”

Nanggaling si Ms. X sa bandáng likuran kaya hindi siya napansin kanina ni Kim.

“It’s okay” ang sinabi ng dalaga bagaman halatang hindi niya nagustuhan ang pagkabasâ ng kanyang kamay.

Ganoon man ang nangyari, ikinatuwa ito ni Kim dahil sa nagawa niya nang makita ng hárapan ang babaeng iyon. Nakakahiya man, kontente na siya. Hindi niya malimut-limot ang magandang hitsura ni Ms. X hanggang sa pagbalik niya sa kanyang silid-aralan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: