Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Tatlo – Si Errol.

Posted by Paurong sa Sabado, Hunyo 9, 2007

Dahil sa kalahating oras lang ang lunch break, kailangang magmadali ng sinumang nasa ikaapat na taon para maabutan ang susunod na klase. Sa kaso ni Kim, kailangan niyang maunahan ang guro niya sa Estadistika upang hindi mamarkahan ng huli sa talaan nito—yaon ay kung may isang guro ngang magpapakita.

Pagkaupo ni Kim sa kanyang silyon, walang panghihinawa niyang pinagmasdan ang mga kaklase na patuloy pa rin sa pag-iingay hangga’t walang gurong pumupuna sa kakulitan ng buong klase. Naroong nangakaupo sa sahig ang mga babae at nangaglalaro ng karta sa kabila ng pagkakabukaka ng kanilang mga binti na sa kabutihang-palad ay natatakpan ng luntian nilang palda, habang ang ibang lalaki ay nasa pintuan at nangagkakantahan sa saliw ng musikang likha ng gitarang dala ng isang nagngangalang Errol.

“Huwag mong daganan ang bag ko,” daing ng isang babaeng maliit ang pangangatawan at may kaliitan din ang boses sa naggigitara. Pilit niyang hinila ang bag at inayos sa kanyang sariling silyon.

“Sorry! Nagkakatuwaan lang dito,” sabi ni Errol at tuloy ang pagtugtog.

Kung sisipatin ay matuturing na layawan ang lunggang iyon na inilaan upang pagtipunan ng mga kabataang ang edad ay naglalaro sa labinlima at labing-anim. Kung hindi man masipat ay kabana-banaag naman na ang mala-kuwebang silid-aralang iyon ay pinaglalagakan ng kawalang-disiplinahan. Ang mga estudiyante ay nangakasuot ng maskarang ipinanlilingap sa pagkakataong may gurong nakakikita at nakapupuna sa kanila.

Kung sa ibang mga asignatura ay nasa kalagitnaan na sila ng liksyon, kagaya ng sa Pisika kung saan pinag-aaralan na nila ang tungkol sa mga salamin at mga lente), sa Estadistika’y dalawang beses pa lang silang nagkaklase. Hindi pa nagbibigay ng kahit anong liksyon ang guro. Isang bagay pang kayamut-yamot ay ang minsanang pagsulpot ng gurong iyon sa harap ng apatnapuing estudiyante. Hindi pa kasi maayos ang listahan ng mga guro sa kanilang klase. Gayunman, ang pinakamalalang bagay ay ang pagiging huli ng gurong iyon sa pagdating kung may balak man siyang magparamdam sa mga tinuturuan niya.

Malas na lang ng mga estudiyanteng inaaksaya ang oras sa paggawa ng kung anu-anong bagay imbis na manahimik sa kinauupuan kung hindi sasabihin ng babaeng si Gina, ang naatasang tagapagmatiyag, ang pagkatanaw sa pagdating ng guro.

“Alert!” mariin niyang sigaw habang tinatantiya ang layo ng parating na guro ng Estadistika. Ang apatnapuing estudiyante ay mabilis pa sa las kuwatro sa pagliligpit ng mga kalat, mainam na paghahanay ng mga silyon at pagpupunas ng panggurong lamesa sa harapan. Dahil sa sa tabi ng bintana nakaupo si Errol, isinandal niya na lang sa katapat na silyon ang dalang gitara. Ang mga karta ay naitago na ng mga kadalagahang kanina’y nagtatawanan sa paglalaro ng Pusoy Dos. Si Gina naman ay mabilis na pumunta sa pisara upang ito ay linisin.

Ang isang may pangalang Ramon ay nagkumahog na makabalik sa kanyang silyon matapos maitapon ang mga nakakalat na basura sa paligid.

Kaipala’y dumagundong ang katangi-tanging katahimikan kasabay ng pagpasok ng guro sa Estadistika. Ang luntian niyang damit ang nagpakulay sa kanyang morenang balat, may bahid ng kagintuang dulot ng araw. Wala siyang ibang dala kundi ang kanyang talaan. Sa pagkakalapag niyon ay tumindi ang pagkakatigil ng mga estudiyante.

Malumanay siyang umubo nang hindi binubuksan ang bibig bago nagsalita.

“I’m sorry, I’m late,” aniya pagkaalam sa kanyang relo na ala-una na ng hapon. “Good afternoon, class.”

Sabay-sabay ang mga babae sa pagtayo habang ang mga lalaki naman ay tatamad-tamad. “Good afternoon, Ms. Moneda. Mabuhay!”

“Hep, hep. Did I told you to sit down?”

Muling tumindig ang mga estudiyanteng mahinang natawa sa maling balarila.

“Wrong grammar na naman siya,” bulong ni Errol sa katabi.

“Hindi. Sinadya niya ‘yon,” sabi ng may-ari ng bag na dinaganan ni Errol kanina (ang pangalan niya ay Elsa).

 “Any problem over there? At the corner?”

Walang tumugon. Nangakatayo lang sila habang inuusisa ang payat na katawan ni Ms. Moneda.

Lumapit ang guro sa lugar nina Errol. Ang ilang lalaki ay nagtawa nang mapansin may isang langaw na pumapapak sa bandang puwitan ng luntiang damit ni Ms. Moneda. Nilinga niya ang mga ito nang marinig ang pagtatawa.

“Bakit?”

“Wala po, Ma’am,” sagot ng isa.

Dahil sa kakarusan ni Errol ay nasagi niya ang nakatayong gitara at hindi niya ito nagawang isalba sa pagkakabagsak. Yumukod siya upang isaayos muli ang instrumento.

“Bakit may gitara?”

Hindi makasagot si Errol.

“What’s your name?”

“E-Errol po. Errol Cuevas.”

“Cuevas,” ulit ng guro sa isang tonong animo’y kilala niya ang binata. “Cuevas.” Bumalik siya sa harap ng panggurong lamesa.

“Ikaw kasi, eh,” galit na bulong ni Errol kay Elsa.

“Maupo na kayo.”

Unti-unting nakulayan ng paanas na usapan ang klase habang umuupo. Kapagdaka ay nawala rin naman nang magsalita nang muli si Ms. Moneda.

“Let me remind you of my name. I am Ms. Clarissa Moneda, your Statistics teacher.”

Alam ng buong klase na kapatid ni Ms. Moneda si Elsa, ngunit hindi ito malaking asunto, mas mahalaga pa sa kanilang malaman kung paano makasisipsip sa batang guro.

“Cuevas, I hope you know the rules of our school.” Walang pikitang nakatingin ang guro sa binanggit. “No guitars.”

Pumatlang ang sandaling pagkatahimik ng guro. Tumingin ito sa kisame.

“And where are your ID’s?”

Nagmadaling gumalaw ang mga kamay, pumaloob sa kanya-kanyang bag at nagsipaghanap. Isinukbit ng sasampung estudiyante ang kani-kanilang ID; kakaunti lang ang may suot nang ID kasama sina Gina at Elsa.

“How about the others?” Nakatingin pa rin siya sa kisame. Isa siyang Juang hintay ng hintay sa pagkahulog ng bayabas. Nang mabaling ang tingin sa mga kabataan, napabuntung-hininga siya at naglakad-lakad ng kaunti sa harapán.

“As your teacher, I should see to it,” may kabagalan niyang sabi na para bang  ninanamnam ang bawat salitang Ingles na namumutawi sa bibig. “That I am responsible on implenting the rules and regulations of our school, with respect to this class.”

“And so,” pagpapatuloy niya. “I should see to it that you are all following the rules and regulations of our school.”

“Sirang plaka yata ‘yan, eh!” pasaring ni Errol.

“Come again, Mr. Cuevas?”

“Ma’am?” inosente niyang pagtataka habang niluluglog ng bahagya ang ulo.

“Ang walang dala—suot na ID sa Biyernes, which is our next meeting… Walang grade sa subject ko. Blangko. Maliwanag? If you do not want to follow the rules and regulations of our school…”

“Nakasusulasok ka,” bulong ni Ramon sa sarili.

“…huwag na kayong mag-aral dito. Entender?”

Sukat na ang kasasatsat, naisip ni Ms. Moneda. “Now, get a fourth piece of paper.”

“Quiz?”

“Bakit may quiz?”

“Tungkol saan?”

“Bakit?”

“Ha?”

“May naturo na ba?”

Walang naging tugon ang mga katanungang nagngitngitan.

Tumingin si Ms. Moneda sa orasang nakasabit sa dingding.

“I have a—a—a meeting afterwards, so let’s make this quick. This quiz is not worth any points. This is a special quiz. Paunahan. I will giving out special quizzes everytime we start a grading period. Put your name now. All you have to do is answer this very simple question.” Hinintay niyang tumutok sa kanya ang lahat ng tingin. “What is Statistics?

Napangisi ang guro habang nakikitang walang maisagot ang mga estudiyante. Ang karamihan sa mga lalaki ay nagkukunwari lang na may isinusulat upang hindi mapahiya sa katabing babae. Walang mapaghugutan ang sinuman ng maisusulat sa papel maliban sa isang nagsisimula na sa pagsulat.

“The first one to hand me a correct answer…”

Nakatingin ang lahat sa kanya.

“…will be exempted on my First Periodic Test.”

Natuwa ang lahat pero nagkagulo sa pag-iisíp.

Nang makita ng lahat ang paglapit ng isa sa guro, namangha sila sa kanyang lakas ng loob. Pangiti-ngiti si Ms. Moneda habang binabasa ang sagot ng mag-aaral.

“Statistics—the branch of Mathematics that deals with the interpretation and analysis of numeric data in terms of populations and samples. Very good.”

Abot-tainga ang ngiti ng guro samantalang napabuka na lang ang lahat ng bibig sa pagkagitla. Humupa ang anasan nang makaupo na ang mag-aaral.

Inilakip ng ngayo’y humihikab na guro ang piraso ng papel sa kanyang talaan.

“Alright, I think that’s it for today. I’ll see you on Friday.”

At hindi niya kinalimutan ang pangako bago tuluyang makalabas ng pintuan.

“And, take note that Mr. Kim Tiopez is exempted on the exam next month.”

2 Tugon to “Tatlo – Si Errol.”

  1. dave said

    naks, stat. hehe, math major ako pero limot ko na ang definition nyan. actually, pasang-awa ako dun sa college stat ko, hehehe.. isa pa naman ‘to sa mga useful na math subjects.

  2. paurong said

    DAVE
    tagal na nga pala nitong comment mo.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: