Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Apat – Si Me-Ann.

Posted by Paurong sa Linggo, Hunyo 10, 2007

Ang nakasabit na orasan sa dingding ng maliit nilang bahay na gawa sa pinagdikit-dikit na mga plywood at pinagbigkisan ng ilang patapong kahoy galing sa malapit na pabrika ang nagpapasakit sa mga mata ni Me-ann. Ang pagsayaw ng pulang kamay ng bago nilang orasan sa bawat segundong lumilipas ang isa pang dahilan ng kanyang pagkabagot. Naghihintay siyang sumapit ang ikawalo ng gabi sa pag-aasam na mapunan na ng pagkain ang kanyang tiyan. Kanina pa niya tinitiis ang gutom. Wala siyang perang maipambili ng maski anumang sitsirya o tinapay man lang. Wala siyang ibang tangan kundi ang walang-pasubaling pag-aasam na magdadala ng pagkain ang kanyang nanay pagkagaling sa trabaho.

Nakahilata naman sa malamig na semento ang kanyang bunsong kapatid na si Emil na inapoy ng lagnat kaninang umaga; sa awa ng Diyos, mabuti-buti na ang kalagayan niya sa ngayon. Nakipagtalo pa ito sa kanyang kapatid kung sino ang mauunang umuwi ng bahay kinagabihan, ang kanilang nanay o ang kanilang ama-amahan. Ang huli ay palaging nakikipag-inuman sa kabilang looban, kung minsan ay umuuwing wala sa tamang katinuan at kung ano-ano ang inuusal, minsan naman ay pinagmamalupitan ang dalawang kawawang bata kapag nalango na sa sobrang alkohol. Alam nilang mauuna ang kanilang nanay. Oo, tama iyon.

Tumanaw siya sa labas. Pinagmasdan niya ang mga tambay sa paghitit ng marijuana. Hindi man alam ang ginagawa ng mga binatang iyon, batid niya ang matinding kasarapang nadarama nila. Hitit-buga, hitit-buga.

            Kung tutuusin, sa unang tingin sa mga tambay na kanyang pinagmamasdan, masasapintaha ng sinuman na ang mga taong iyon ay hindi nakatapos ng pag-aaral, nabatô, at nahatak ng kapaligiran sa pagsapi sa lipunan ng mga walang modo. Hitit-buga, hitit-buga. Di-kawatas-watas sa lipunang ito ang kahalagahan ng edukasyon o kung hindi magkagayon ay nagapos ng kasalatan sa buhay. Walang pagkukunan kung walang trabaho—isang batas sa lipunang tinanikala ng kahirapan. Kung ang edukasyon ang makasasalba sa kinabukasan ng bagong salinlahi, aywan mo. Kung ang edukasyon ang makapagpapaunlad sa isang bansa at makapagbabangon sa mga kagipitan nito, aywan mo. Kung ang edukasyon lang ang tanging susi sa pagbura ng pangingimbulo sa lipunan, aywan mo.

Nagsasama ang magkakatulad at nagkakahidwa ang magkakasalungat—itaas ang kamay ng kokontra. Ang lipunang ito ay ihinagis sa maburak na ilog na mistulang isang bulkang bumubulwak ng samu’t saring basura, na linisin man ay babalik at babalik din sa kanyang tirahan, sa kanyang pinanggalingan, gaya ng mga kalapating walang patumanggang lumilipad ng buong laya. Ang lipunang ito ay isang nagkakandarapang paslit sa isang mahalagang limos na makahihilom sa malalim niyang sugat na pinagdadanakan ng malapot na dugo. Wala sa kanyang sasaklolo kundi ang kanyang sarili; kung gipitin man sa hininga ay mawawalan ng pag-asa at pikit-matang ikakabisa ang kahulugan ng kamatayan.

Karaniwang eksena na sa tinutukoy na lipunan ang mga sumusunod: pagkagalit, pagkapoot… dapat pa bang magdagdag? Hamo, ikaw na ang magdadgad sa tala at makatutulong ka sa pagpapahiya sa lipunang ito. Sa lipunan mo! Huwag kang hangal! Sa lipunang hawak ang pigil ng pandaraya at kawalan ng respeto sa isa’t isa, kawalan ng disiplina at kawalan ng taos-pusong paglilingkod. Itaga mo sa pinakamatatag na bato, sa kalipunan mo!

Patuloy na umasa si Me-ann sa pagdating ng kanyang nanay hanggang sa matanaw niya mula sa malayo ang payat na katawan ng isang babae. Sukbit sa balikat ang isang pulang bag, kumekending-kendeng sa paglalakad ang nanay ng dalawang paslit. Alam na alam ng buong loobang iyon ang trabaho ni Ditas. Madali lang mapagtanto sa kanyang hitsura na isa siyang bayaran. Alam ba ng kanyang mga anak? Oo, alam na alam. Sa murang edad nina Me-ann at Emil, patunay sila sa kadisgrasyahan ng kanilang nanay. Si Me-ann, ang panganay, ay nabuo mula sa isang madilim na gabi limang taon na ang nakalipas. Hindi inaasahang nabuntis si Ditas sa ikalawang pagkakataon ng ibang lalaki at ibinunga ang ngayo’y limang taong gulang na Emil. Sapul noon ay naging maingat na ang pokpok sa pagkirengkeng. Limang taon na niyang itinataguyod ang kanyang pamilyang walang haligi. Walang pakialam si Ditas sapagkat ang mahalaga sa kanya ay mabuhay niya ang kanyang mga anak sa kabila ng kahirapan. Gayunman, kinasama niya ang isang basagulerong tambay sa kanto na tinatawag na amain ng dalawa niyang anak.

Pinabangon ni Me-ann ang kapatid para tukuyin sa pamamagitan ng pagtanaw kung may bitbit bang pagkain ang kanilang nanay. Hindi sila nagkamali sa pagpangarap na may dalang pansit si Ditas. Pagpasok pa lamang sa pintuan ng barumbarong ay hinablot na ng gutum na gutom na si Me-ann ang puting plastik na hawak ng kanyang nanay at dagling inilapag sa munting mesa. Waring sa walang habas na leon ang inásal ni Me-ann. Gayon na rin ang ginawa ni Emil na hindi mapagkakailang malakas na ang pagkalam ng tiyan. Ni isa man sa kanilang dalawa ay walang nakapansin sa suot na takot ni Ditas. Kung natanghuran man lamang sana nila ang mukhang iyon ni Ditas…

Kunsabagay, ngayon lang ulit nakakain ang dalawang bata ng pansit. Hindi sardinas, hindi tuyo, hindi asin, kundi pansit. Para bagang ginto sa kanilang paningin ang pansit lalo na kapag uwi-uwi ito ni Ditas. Halos manikluhod ang mga bilugang mata ni Me-ann sa pagsumamong huwag kaagad maubos ang pansit. Kung maaari lang sana’y parating napapasukan ng pagkain ang kanyang bibig. Kung puwede lang sana ay walang pagkaubos ang pansit na iyon. Ngunit hindi. Ilang minuto lang ay natapos din. Natapos din ang palabas. Natapos ang panaginip at kinailangan nang gumising.

At kasabay ng paggising ang pagtulog.

Maaga dapat matulog ang mga bata, ‘yan ang parating paalala ni Ditas. Pagkatapos ng araw na iyon ay panibagong umagang kailangang harapin. Nariyan na ang pagpasok sa eskuwela ni Me-ann at ang pakikibaka ni Ditas sa pagdelihensya ng pera. Araw-araw. Parang gulong sa pag-ikot. Kailangang magamot ang bawat hapding sumusugat sa kanilang kalamnan at mapawi ang pagkagutom.

Hindi ba’t malalim na ang gabi? Isinara na ni Ditas ang mga pinto ng kanilang maliit na kublihang tinatawag na bahay. Nailatag na ni Me-ann ang banig na paghihigan. Hanggang sa marinig nila ang sigaw ng kanilang ama-amahan mula sa malayo.

“Putang inang Ditas ‘yan. Tang ina nga naman. Putang ina!” Paulit-ulit na mura ang pumukol kay Ditas.

Animo’y isang batalyon ang lumusob sa kanilang barumbarong. Ang kanilang ama-amahan—ang lasenggerong ama-amahang malupit sa kanila.

Ang mga mata ni Me-ann ay hindi nagsinungaling!

Ang pagkakita niya sa paghugot ng patalim ng kanyang ama-amahan ay hindi kasinungalingan. Maging ang sunud-sunod na pagbaon ng patalim na iyon sa katawan ng kanyang nanay ay hindi kabulaanan. Lahat ay katotohanan. Binalot sila ng matinding hintakot. Hindi malaman ni Me-ann ang gagawin.

Hanggang sa itutok sa kanyang liig ang patalim at wala nang sigaw na kumawala pa sa kanyang kalooban.

4 Tugon to “Apat – Si Me-Ann.”

  1. Tyrjekkk said

    Greetings!..
    breast augmentation new york city breast augmentation new jersey

  2. Xoxqakkk said

    interesting thank you…
    big brunette pizza sausage big darby daryn pizza sausage

  3. Nehjqpop said

    big pizza sara sausage
    big pizza sara sausage

  4. Nuwqjxox said

    gizelle big sausage pizza
    gizelle big sausage pizza

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: