Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Lima – Si Ramon.

Posted by Paurong sa Lunes, Hunyo 11, 2007

Lagpas las seis y media na nang magising si Errol matapos ang pagpupuyat para makapag-aral para sa pagsusulit. Nang mabarandal sa trapiko ang jeep na nasakyan ay napilitan siyang lakarin manding takbuhin ang papunta sa paaralan.

Nagkakanggagahol si Errol habang tahimik na tumatahak sa mahabang pasilyo. Hindi kinaya ng kanyang kaselangan ang pagmamadali.

“You’re late.” Nangunyapit ang boses ni Ms. Clarissa Moneda nang makitang sumusuling-suling si Errol sa pintuan.

“Sige, pagbibigyan kita. Pumasok ka na. August na, Errol, magbago ka na.”

“Sorry po.”

Dahil sa siya ang pinakahuling dumating sa araw ng pagsusulit, wala nang napagpiliang silyong mauupuan si Errol. Napadpad siya sa pangalawa sa pinakadulong upuan sa bandang kaliwang sulok ng silid-aralan. Sa kanyang harapán ay nakaupo si Kim at sa likuran naman ay si Ramon, na may kung anong binubulong sa katabi. Ang dulong hilera ng mga silyon ay napunan ng mga magbabarkadang lalaki. Sa bandang harapán naman ay nakaupo sa kanyang permanente upuan si Gina.

“Pasalamat ka, wala pang test papers na nakalatag sa table niya,” bati sa kanya ni Ramon habang winawasiwas nito ang hawak na asul na ballpen.

Luminga kay Errol ang nasa harapáng kaibigan. “Ba’t ka late?”

“Late ng gising,” maikling paliwanag ni Errol na nagpupunas ng kaunting pawis sa tabi ng tainga.

“Tatlo lang ang tests ngayon.”

Noo’y sa-lalapit ang isang lalaking guro na may katangkaran. Bumati ang mga estudiyante; tumanggi ang guro. Dala-dala niya ang test papers na gagamitin sa Unang Markahang Pagsusulit. Kinilig si Gina nang natingnan siya ng lalaking guro. Napagiwang pa ito sa kanyang kinauupuan.

Nang makalabas na ang guro, nagsimula na si Ms. Monedang magbigay ng mga papel. Hindi pa rin mapakali sa silyon si Errol, mahina ang kanyang paghangos na hindi naman nakabubulahaw sa paligid.

Makalipas ang isa’t kalahating oras, nasa ikalawang pagsusulit na si Errol. Mabuti ang ginawa niyang pagsusunog ng kilay kinagabihan upang may masagot sa mahirap na pagsusulit sa Matematikas. Nang matapos niya naman ang ikalawa ay sumuong siya sa ikatlo. Naunahan niya pa sa pagsagot si Kim.

Habang pinaghihirapang maigi ang pagsagot sa pagsusulit sa Kimika, napalingon siya sa hilera ng mga magbabarkadang lalaki sa kanyang likuran. Habang may kausap na guro sa labas ng pinto si Ms. Moneda, dahan-dahan niyang pinagmasdan ang kataka-takang gawain. Pabalik-balik ang tingin sa guro at sa mga kaklase, nakita niyang ang asul na ballpen ni Ramon ay ginagamit ng mga lalaking nasa hulihan upang makapandaya sa pagsusulit. Sa ballpen na iyon ay nakarolyo ang isang maliit na piraso ng papel na nakadikit ang dulo sa puno ng panulat. Kapag hinila ang isang gilid ng papel ay matutunghay ang sagot ni Ramon sa Matematikas, na itinuturing ng mga kabarkada nito na pinakamatinding kalaban pagdating sa pagsusulit. Sa ganoong paraan sila nagtutulungan, alam iyon ni Errol, ngunit hinayaan niya na lang ang mga dating kasa-kasama.

“Gusto mong kumopya?” marahas na bulong sa kanya ni Ramon.

“Ha? Ayos lang ako,” aniya habang nakatingin pa rin sa pagsipi ng mga kabarkada ni Ramon.

“Ikaw na tinutulungan. Parang di tayo magkaibigan…”

Budhi ang nagtulak kay Errol upang tumanggi sa alok. Nang matapos siya sa pagsasagot, mababang-loob niyang isinuko kay Ms. Moneda ang test papers at nagpaalam sa pagpunta sa C.R. upang makaihi.

Pagkalabas ni Errol, naging gising ang diwa ng guro. Naging mapagmatyag siya sa kasaliwaang nagaganap sa duluhan ng silid-aralan. Kampanteng-kampante sa pagsusulat ng sagot para sa Kimika si Ramon nang gambalahin siya ng malakas na tinig ni Ms. Moneda.

“Ramon?”

Lahat ng balisa sa pagsagot na mga estudiyante ay napatingin sa di-mapintang mukha ng guro, hinawi ang biglang-tingin at ipinukol sa tinawag.

Pumukaw sa isip ni Ramon na mas mabuti pang tumanggap ng pag-alimura o paghamon kaysa mapanindigan ang ginagawang pandaraya. Huli na ang lahat.

“Ano ‘yang nilagay mo sa bulsa mo?”

“Wala po.”

“Gasgas na ‘yang ganyang excuse,” seryosong sabi ni Ms. Moneda. “Let me see that.”

Napatigil ang lahat sa pagsagot, para silang nanonood ng isang pagtatanghal sa entablado dahil sa mala-aktres na pahayag ng mukha ng kanilang guro.

Pagkalapit ni Ms. Moneda kay Ramon, ginamit niya ang buo niyang lakas upang matalo ang estudiyante. Sa kabila ng makailang ulit na pag-iwas ni Ramon ay nakuha pa rin mula sa kanya ang mahiwagang ballpen.

“Obvious namang kodigo. Wala ka bang ibang style?” Nakuha pang mang-asar ng guro.

Habang nangyayari ito, daig pa ng mga kabarkada ni Ramon ang walang-salang hinabla ng kung sino—sa isang kindat ay matanggi sila sa sinaluhang kasalanan.

Hinablot ni Ms. Moneda ang test papers ni Ramon at kinapitang maigi ang ebidensiya sa malakrimeng kaganapan. Pinakiusapan niya ang kaninang kausap na guro na ito muna ang magbantay sa klase habang dinadala niya sa suplungan ang tarantadong kriminal.

Isang Tugon to “Lima – Si Ramon.”

  1. lokimikoj said

    Hi

    Looks good! Keep up the great work. It very impressive. Thanks!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: