Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Pito – Sa Simbahan.

Posted by Paurong sa Miyerkules, Hunyo 13, 2007

Sa pagtugtog ng ika-anim ng ikatlong umagang iyon ng malamig na Oktubre sa malaking orasang nakakapit sa pader na malapit sa mga kampana ng simbahan, nakatunghay pa rin ang mga paslit na nangagtataglay ng mga panindang sampagita sa bawat pasukan ng panalanginan, naroon pa rin ang mga aleng nagtitinda ng mga matamis sa gilid ng bangketa, ang iba ay nag-aalok sa mga dumaraan ng mga kung anu-anong agimat, anting-anting, gayuma, pulseras, kuwintas, at iba pang pinaniniwalaan nilang nakapagpapataboy ng kamalasan at sa halip ay nagdudulot ng suwerte sa buhay ng tao. Sa labas ng simbahan ay nangaroon ang iba’t ibang paniniwala, tradisyon at kulturang minana noon pa man, nagpapalipat-lipat sa bawat salinlahi, natitira ang matatag na kaloobang makakamit nila ang anumang hangarin sa buhay kapag suot nila ang mga paniniwalang ito, mga tradisyon, kultura at iba pa, samantalang sa loob ng simbahan ay nangaroon ang magpasahanggang ngayon ay paniniwala pa rin, tradisyon pa rin, at bahagi pa rin ng kultura.

Sa labas ng simbahan ay maraming tao gaya ng dami ng mga nasa loob. Ang karamihan ay naninikluhod sa harap ng mga santong inukit sa bato, pinaghahalikan, pinapahiran ng panyo at pagkuwa’y ipinapahid sa mukha sa paniniwalang magdadala ito ng kasaganahan at pagbuhos ng suwerte. Sa sunud-sunod na hilera ng mga upuan ay nangaroon naman ang maraming deboto ng poong nasa altar, yaong malabuhay na estatwa ng nakaluhod na Kristong may pasang krus sa balikat. Kung buhay lang marahil ang estatwang iyon ay hindi na niya pipiliing manatili sa harapan ng mga tagasugid niyang manunood lalo na’t animo’y isa siyang artista sa pinilakang tabing na hinahangaan sa kanyang pag-arte. Sa gitnang daan sa pagitan ng mga hilera, kung saan dumaraan ang prusisyon ng pari tuwing may misa, ay nangaglalakad ng paluhod mula sa pasukan hanggang sa kagilid-giliran ng altar ang ilang deboto ng poon.

“Aba ginoong maria, napupuno ka ng grasya…” panalangin ng isang matandang babaeng nakasuot ng itim na damit sa harap ng estatwa ng Mapagpalang Birheng Maria. “Anak, ipahawak mo sa bata ang salamin. Bilisan mo,” sabi niya sa kanyang anak na lalaking may kargang apat na taong gulang bata. Dagli nitong ipinahid ang kamay ng bata sa salaming kumakahon sa estatwa ng Birhen. “Aba’y dapat gumaling na ‘yan sa kauubo niyan.”

“Gagaling na ‘to, ‘nay.”

“Diyos ko! I-sign of the cross mo.” At sumunod ang lalaki.

Sa isang panig naman ng simbahan, sa bandang papasok ay nakatindig ang mga kandilang sinisindihan kasabay ang isang mataimtim na panalangin.

Nilapitan ni Kim ang isang lalaking nakaputing damit na sa pakiwari niya ay isang sakristan doon. Iniabot niya ang dala niyang bulaklak at sinabing alay ito ng kanyang nanay. Kinuha ng mabait na sakristan ang pangalan niya at ng Mommy ni Kim.

“Babanggitin ‘yon mamaya sa misa,” sabi niya.

“A, salamat.”

Napuno na ang simbahan bago pa man nagsimula ang misang pinangunahan ng isang paring huli nagsimula. Ang mga hindi nakaupo ay nagtiis sa pagtayo. Ang iba naman ay nakasandal na lang sa pader. Ang mga humabol sa misa ay nangagmadaling dumampi sa agua bendita at nag-antanda. Ang lahat ay gustong makadalo sa sinasabing mapaghimalang pista ng Birhen.

Sa Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan sa mundo, maawa ka sa amin… Bigay na bigay ang korong kumakanta sa tabi ng altar. Kumakanta ang lahat maliban sa mga inaantok pa rin tulad ng lalaking kasama ng matandang babaeng nakasuot ng itim na damit, hanggang sa mapuna siya ng matanda at nakisabay na rin sa pag-awit sa papuri.

Nakaabang ang lahat sa pagtatapos ng misa; maya’t maya ay nagnanakaw ng tingin sa orasang nakasabit sa uluhan ni San Juan de Bautista. Ang isang batang babae ay kumalabit pa sa palda ng kanyang nanay upang ipaalaala rito ang pangakong kakain sila ng spaghetti sa labas pagkatapos ng misa. Nanatiling tikom ang ibang bibig sa pagpapatuloy ng misa, di-gaya ng mga binatilyong lalaking nag-aasaran at nagbabatukan habang bumibigkas ng Salita ng Diyos ang lumpong paring nasa harap nila. Puno nga naman ang simbahan kaya nagmistula itong isang pugong kinalalahukan ng iba’t ibang amoy at pananalitang kumakawala sa bawat sulok ng simbahan.

Matapos ang kumunyon ay lumuwag na ang mga gilid na daan sapagkat lumabas na ng simbahan ang mga kanina pang atat na para bang hinintay lang ang bahaging iyon ng pagkain ng isang piraso ng tinapay na korteng barya.

“Ate, patingin naman niyan.” Ipinakita ng nakatatandang kapatid ang subo niyang ostiya.

“Hindi ka pa pwedeng kumain niyan kasi bata ka pa,” sabad ng isa pang kapatid.

“Bakit naman hindi pwede?”

“Ganon talaga ‘yun.”

Napaisip ang panganay. “Teka lang, ha?” Pumila siya sa isang hanay na pinatutunguhan ng isang matandang lalaking panot ang ulo, na siyang nagbibigay ng ostiya bukod sa pari at dalawa pang tulad niyang ganoon din ang tungkulin. Pagkakuha niya ng ostiya ay bumalik kaagad sa nakababatang kapatid.

“O, sige, gusto mo tikman mo? Pero tikim lang kasi bata ka pa.”

“Ate, ano ‘yan?” usyoso ng isang kapatid.

“Ipatitikim ko sa kanya ‘tong ostiya.”

“Yuko kayo para hindi kayo makita.”

Nang sa wakas ay umabot na sa katapusan ang misa, unti-unti nang lumamig ang loob ng simbahan. Makulimlim na ang langit sa labas at napipinto na pala ang pagbuhos ng ulan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: