Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Walo – Ang Payong.

Posted by Paurong sa Huwebes, Hunyo 14, 2007

Paglabas niya ng simbahan, dumiretso si Kim sa paglalakad papuntang paaralan. Hanggang sa pumatak ang paunti-unting tubig mula sa langit. Binuksan niya ang kanyang payong. Sa mismong pagkakataong iyon ay nakita niya si Ms. X sa kabilang bangketa. Inilabas nito ang kanyang payong para may masilungan ngunit sa kasamaang-palad ay nahirapan siyang buksan iyon. Ang pag-ambon ay dahan-dahang lumakas.

Si Kim ay inulanan ng langit ng tibay ng loob upang tumawid ng kalsada at lumapit sa dalaga. Isinilong niya ito sa kanyang payong.

Halos hindi niya nagawang ibuka ang kanyang bibig para makapagsalita. Nakatingin lang sila sa isa’t isa habang patuloy na nagiging malakas ang ulan.

“Lakad na tayo sa school.”

Hindi man lang tumanggi ang dalaga sa alok niya. Ang tiwalang ibinigay sa kanya ay kayamanang maituturing.

“Salamat,” ang nasabi ni Ms. X.

Ang kanyang boses. Matagal inasam ni Kim na marinig ang kanyang boses.

Kung puwede lang maging superhero, naisip niya, gusto niyang magkaroon ng kapangyarihang pabagalin ang takbo ng oras o kaya’y palayuin ang kanilang patutunguhan. Pero hindi. Sa mga kuwento lang merong superhero at hindi sa totoong buhay.

Nang makapasok na sila sa gate, agad nilang ipinakita kay Manong Bong, ang masungit na security guard, ang kanilang mga ID.

“Saan ang room mo, miss?” pautal-utal na tanong ni Kim.

“Sa likod ng Lab.”

“Halika na.”

Ayos, naisip niya. Mahaba-haba pang lakaran. Nabingi sila sa ingay ng ulan. Gusto niyang siya lang ang marinig ng dalaga kaya hindi siya nag-alangang kausapin pa ito.

“Fourth year ka rin pala. Alam mo, mukha kang third year.”

“Ganun ba?”

Ngumiti siya. Hindi sukat akalain ni Kim na ingingiti niya lang ang narinig. Mabuti na lang. Mabait pala talaga siya. Naalala niya tuloy ang eksena sa kantina.

“Saan ba ang room mo dito sa building na ‘to,” tanong ni Kim.

“Sige, dito na lang ako. Salamat, ha?”

Teka, teka, teka, hindi puwedeng ganon-ganon lang, pilit na sigaw ng utak ng Kim.

“Miss, ako nga pala si Kim.”

Ayun. Ngumiti na naman ang dalaga. “Kim? As in K-i-m?”

Nagtaka siya bigla sa pagbaybay nito. “Oo.”

“Magkapangalan pala tayo. Kim ang name ko.”

“Nakakatuwa naman ‘yon.”

“Mmm… mabuti pa Kimmy na lang para magkaiba. Nakakalito, eh.”

“Kim, Kim. Oo, tama. Oo.”

Nang mapansin ni Kim na may tumatawag kay Kimmy mula sa likuran, agad na siyang nagpaalam dahil baka mahuli pa siya sa kanyang klase. Ayaw niyang isiping panaginip lang ang lahat. Hindi naman pala fairy tale ang lahat ng love stories.

Anong gandang pagmasdan ang ngiti sa mukha ng isa’t isa. Ang malambing na boses ni Kimmy ay nadikit na rin sa isip ni Kim. Masarap pala siyang kasama, sabi niya sa kanyang sarili. Para bang walang problema sa buhay niya tuwing kasama niya ang dalaga. Noon niya lang nalamang marunong palang mag-iba ng hihip ang hangin.

Agad niyang hinanap si Errol nang makarating sa unang palapag ng kanilang gusali. Nakita niya itong naglalapag ng payong sa may pasilyo.

“Kanina pa kita hinahanap.”

“O, ba’t ngiting-ngiti ka?”

“Guess what?”

“Nanalo ka sa lotto?”

“Hindi.”

“Uhmm… alam ko na. Nakita mo na naman siya.”

“Hindi lang nakita…”

Nag-usap sila sa kanilang mga paningin. Nakuha kaagad ni Errol ang ibig sabihin ng kaibigan. Ikinuwento niya rito ang nangyari nang makapasok na sila sa silid-aralan.

“Ayos, tol!”

“Sinabi mo pa.”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: