Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Siyam – Ang Inuman.

Posted by Paurong sa Biyernes, Hunyo 15, 2007

Lílimang gamu-gamo ang naglalaway sa ilalim ng malagintong liwanag na nagmumula sa matayog na troso ng kahoy na pinagkabitan ng bombilyang nagsisilbing ilaw sa madilim na lugar na iyon. Sa unang sulyap mabibigyan ng kahulugan ang salitang “katahimikan” lalo na’t halos hindi madaplisan ng malalakas na ingay tuwing gabi ang daanan. Datapwat ang nangyaring karahasan sa tinatawag na “bahay ng pokpok” noong isang buwan ay lubhang nagpatulog ng maaga sa mga tagaroon.

            Iilan lang ang nanatili sa takbo ng kanilang buhay na animo’y hindi takot na maulit ang napabalitang patayan sa dulo ng Kalye Pulangbakal. Ang mga ito ang pinagmamalasakitan ng mga gamu-gamo. Kung maaabot lang marahil ng mga kaawa-awang kulisap na iyon ang sa kalangita’y nakasabit na buwan, na ngayo’y bilug na bilog, walang kaabuk-abok nila itong sasambahin sa kawalan ng kaalamang huwad ang Haring Buwan. (Hindi baga nila nalalamang ang tunay na pinagmumulan ng matinding liwanag ay ang hugis-bolang araw?) Kung ang bituing Araw naman ang kanilang sisintahin, tiyak na mas masahol pa ang kanilang kahahantungan sa sinapit ng ninuno nilang ikinuwento kay Jose Rizal ng kanyang butihing ina.

Anu’t ano pa man, patuloy lang sa pagpapak ng liwanag ang mga gamu-gamong iyon, animo’y mga taong pumipiyesta sa pamumudmod ng pera ng isang politiko. Gayundin naman, hindi sa kanila naging sagabal ang tatlong lalaking nasa ilalim ng ilaw-dagitab na may mga sinag na kable ng kuryente. Nakapaligid sila sa isang mababang lamesang kinalalapagan ng isang pitsel ng alak, isang platito ng kanilang pulutan, isang lalagyan ng maliliit na piraso ng yelo at mga baso. Pang-ilang ulit nang kain ng sisig ang isa sa kanilang tatlo.

“Ano na bang balita senyo ni Weng?”

Hindi kaagad nakasagot ang tinanong. Walang kamalay-malay si Errol na mapapasok sa masayang usapan nilang magkakaibigan ang tungkol sa gusto niyang babae.

“Si Rowena? Matagal na kaming hindi nagkakausap.”

“Kelan pa?” sabad ng may kaarawang si Paulo.

“Nung ’sang linggo.”

“Ayos ka ha!” sabi ni ng hubad-barong si Redd. “Dapat pinopormahan mo na. Dapat mabilisan!”

“Manahimik ka diyan,” saway ni Errol pagkaubos ng alak sa baso niya.

“O, baka naman yung star player ng volleyball ang interes mo ngayon?”

“Hindi ko ‘yon mahal. Kita niyong ang taba ng hita nun.”

Umusbong ang tawanan.

‘Kita ko nga si Gina kahapon sa palengke, eh. Kasama ermat niya.”

“Ano’ng sabi mo?”

Hi!

“Ganun lang? Wala man lang Rowena, please–please come back to me… Let’s give our love another chance…

Sumabay si Paulo sa pagkanta ng Back 2 Me ng Eraserheads. “Wish you were in my arms and you’re whispering you love me, too…

“Mga sira talaga kayo. Alam niyo namang hindi kami.”

Kapag tiningnan silang tatlo sa mga sandaling iyon, kagaya ng pagtuklas ng mga gamu-gamong nakapaligid pa rin sa bombilyang hindi napapata ang sindi, walang bahid ng pag-aatubiling masasabing mahaba na ang kanilang napagdaanan.

“Ano ulit pangalan nung huli mong girlfriend, Redd?” tanong ni Errol.”

“Wag mo na ngang itanong. Ibinaon ko na sa limot. Teka, teka. Binabaligtad mo! Sa’ting tatlo ikaw lang ang babaero.”

“Wala akong magagawa. Habulin talaga,” buo niyang pagmamalaki bago uminom ng kaunti at nagpatuloy.

“Wag mo kong itulad sa’yo, Errol. Wag!”

“Ang corny mo, Redd! Kelan ka pa naging ganyan? Pero, kung tutuusin, ayos na yon kesa naman ‘tong birthday boy natin.”

“Oo nga, Paulo. Bakit ba wala ka pang gf?”

Hindi umimik si Paulo. Inayos niya lang ang kanyang pampormang salamin, pati na rin ang pagkakaupo niya sa bangko.

“Alam mo namang pihikan yan e!” sabi ni Errol kay Redd. “Ano naman kung never pa siyang nagka-girlfriend?”

“Ayoko pang magkaroon ng girlfriend.” Sa mahinang pahayag na iyon ni Paulo sila napatahimik.

Kung hindi man madalas, palaging ganoon si Paulo. Walang pagkakataon sa isang araw na hindi lalabas ang pagkamalungkutin niya. Kakaiba siya sa dalawang iyon na sa kabubuuan ay makulit at may pagkapilyo ngunit tanggap siya ng mga kabarkada. Iyon ang tunay na kahulugan ng pagkakaibigan sa kanilang tatlo. Walang iwanan.

Muling nabalisa ang may kaarawan. Nabasag lang ang lahat ng malakas na boses ni Errol. “Tubig na lang ‘tong nasa lalagyan.”

“Problema ba? Bumili!” mariing solusyon ni Paulo sabay dukot ng pera sa bulsa. Nag-abot siya ng limang piso kay Errol.

“O, siya. Ako na ang bahala. Nasa diskarte lang ‘yan.”

Waring nabasa ni Redd ang nasa isip ni Errol.  “Bilisan mo.”

At nagmadali ngang tumindig si Errol para maghanap ng mapagkukunan ng yelo. Nanatili lang ang mga gamu-gamo sa kanilang puwesto. Nakaabang. Nakaantabay. Napupunit ang mga sarili dulot ng nakaambang pangamba.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: