Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Sampu – Si Gina.

Posted by Paurong sa Sabado, Hunyo 16, 2007

Nakarating sa dalawang magkasunod na tindahan si Errol ngunit nabigo siya sa pagbili ng yelo. Ang unang tindahang napuntahan niya ay nasiraan ng refrigerator. Ang ikalawa naman ay sarado na. Sa kanyang paligid ay wala na siyang mabakas na mapagbibilhan. Oo, gabi na, naisip niya. Ngunit nang makita niya ang isang pamilyar na bahay, nagkaroon siya ng lakas ng loob na makamintis ng suwerte.

Sumulong siya sa isang may kalakihang bahay at kumatok, hindi man tiyak kung tama ang kanyang hinala. Di kaginsa-ginsa, tumambad sa kanya ang maamong mukha ng isang labing-anim na taong gulang na dalaga. Tumpak!

“Gina!”

“O, Errol, gabi na, ha? Bakit?”

Hindi nakalusot sa paningin ng binata ang maikling damit ni Gina. Kaipala’y hindi niya ito pinansin.

“Istorbo ba ‘ko?”

Lumingon si Gina sa loob ng bahay bago wikaing “Hindi naman.” Hindi siya halos makatingin ng tuwid.

“Ang bilis mo namang buksan ang pinto.”

“Nandito lang kasi ako sa sala. Wala kasi akong kasama. Ay! Tuloy ka muna.”

Pagkapasok ni Errol sa loob ay pinaupo siya sa maliit na sofa Napansin niyang tanging si Gina ang tao sa bahay nito. Ngayon lang siya ulit nakapasok sa malinis na tahanang iyon. Ang huli, sa pakiwari niya, ay noong gumawa sila ng isang panggrupong proyekto.

“Anong sadya mo?” diretsong tanong ni Gina.

“Ah.. e, hihingi sana ako ng yelo. Kasisimula lang kasi namin ng session, ubos na kaagad.”

Kasinungalingan. Mahigit isang oras na silang nakatambay sa labas ng bahay ni Paulo dahil sa kayabangang kaya nilang manatili sa labas ng bahay sa kabila ng pinakahuling krimen.

“Birthday?”

Tumango si Errol. Naisip niyang maiging agad nitong naunawaan ang ibig sabihin sa pariralang kasisimula lang. “Inuman kami ng kabarkada ko.”

“Meron pa sigurong yelo dito,” wika ni Gina; halatang walang interes malaman ang detalye o sadyang nahihiya lang.

“Teka.” Binuksan niya ang maliit nilang ref at inilabas ang isang tray ng ice cubes. Iniabot niya iyon sa nanlalamig na kamay ni Errol.

Ang maputi nitong balat at ang may kasingkitang mga mata ang nagpapayabong sa salitang “maganda” para kay Errol. Napatitig ng malagkit si Errol sa kariktan ng dalaga.

“Pwede na ba ‘to?”

“Ah… Salamat.”

Dahan-dahang tumayo si Errol, umakmang hahakbang sa pintuan, ngunit nakuha pang magtanong sa kaklase.

“Bakit kasi mag-isa ka lang?” may halong pag-aalala niyang tanong.

“Palaging night shift si Papa. Si Mama at yung isa kong kapatid naman, nasa bahay ng tita ko. Bukas pa ng tanghali ang balik ng mga ‘yon. Solo ko ang bahay.”

“Ba’t hindi ka sa kuwarto mo?”

“Baka kasi may kumatok. Malay ko, diba?”

“E, ba’t di ka sumama?”

Napangisi si Gina. “Ayokong makita yung mga pangit kong pinsan do’n.”

Napangiti naman si Errol. “Palibhasa maganda ka,” sambit niya sa isang napakalambing na tinig.

Bahagyang namula si Gina. Isinara niyang maigi ang pinto nang makalabas si Errol. Binuksan niya ng kaunti ang isang bintana upang masilip ang paglalakad ng kaibigang matagal niya nang lihim na iniibig.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: