Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Labindalawa – Ang Resibo.

Posted by Paurong sa Lunes, Hunyo 18, 2007

Naging palagay ang loob ni Kimmy kay Kim. Para bang sa isang kisapmata lang ay nagbago na ang takbo ng mundo ng binata. Maigi niya itong nakilala, pati na rin ang pamilya nito. Naging sobrang lapit nila sa isa’t isa kahit na hindi sila magkaklase. Kapag puwedeng magkasabay sa lunch ay nagsasabay sila. Minsan kasama nila si Errol. Kapag wala siyang gagawin tuwing Sabado, lumalabas silang dalawa para manood ng sine (kapag merong magandang palabas, siyempre). Mahilig si Kimmy sa comedy pero ang huli nilang napanood ay ‘yung The Reaping kung saan sobra silang natakot. Kapag exams naman, hindi sila pwedeng magkanya-kanya. Pumupunta si Kim sa bahay ni Kimberly at doon sila nag-aaral. Natutuksu-tukso sila ng mga nakababatang kapatid ni Kimmy. Ang nanay nito ay sobrang bait sa kanya. Komportable si Mrs. Roces na makitang kasama ng kanyang pangalan ang isang Kim Tiopez. Isang OFW naman ang tatay ni Kimmy. Madalang itong umuwi dahil sa hirap ng paghingi ng bakasyon sa amo.

Noong panahon na malapit nang mag-Pasko, araw-araw siyang nasa bahay ng mga Roces. Tinuruan siyang maglaro ng computer games ng bunsong kapatid ni Kimmy na si Jerry. Masaya palang maglaro ng Battle Realms, paulit-ulit na sabi ni Kim. Kaya lang daw palagi siyang namamatayan at natatalo, at palagi rin siyang pinagtatawanan ng kanyang best friend. Solitaire lang ang alam niyang laro sa computer noon at hindi ang tungkol sa Counter Strike, Gunbound, Flyff, Rose… andami palang magagandang computer game, ika nga ng walong taong gulang na si Jerry. Nag-iisang anak si Kim kaya nawalan ng mapaglalagyan ang nakamit niyang kagalakan nang maranasan niyang maramdaman ang pagkakaroon ng mga kapatid sa katauhan nina Jerry at Kian.

Kung tutuusin, halos magdadalawang buwan pa lang silang magkakilala, pero ibang-iba talaga ang pakikitungo nila sa isa’t isa. Maraming nagbago kay Kim mula nang nakilala niya si Kimmy. Hindi niya inasahang malayo ang mararating ng samahan nilang dalawa.

Dahil sa masyado silang naging abala sa pag-aaral noong mga nakaraang araw ng Disyembre, hindi sila nagkaroon ng pagkakataong makalabas upang manood ng sine. Kinabukasan ng Araw ng Pasko, nagpasiya silang panoorin ang isang pelikula sa isang mall.

Bumili muna sila ng isang kahon ng popcorn at dalawang malaking baso ng cola. Pagkaabot sa kanya ng ilang baryang sukli at resibo, isinilid niya ito sa kanang bulsa ng kanyang pantalon. Nagmadali na silang makapasok dahil baka mahuli sila.

Doon sila naupo sa kanang sulok ng tuktok dahil mas kaunti ang tao sa bandang iyon. Sa kaliwa naupo si Kim at sa pinakasulok naman si Kimmy. Malaking bagay para sa kanila ang salitang Ingles na privacy.

Naging tahimik ang dalaga matapos maubos ang popcorn, samantalang galaw ng galaw ang kamay ni Kim habang ipinaliliwanag kung paano naging Kim ang pangalan niya.

“Tapos ayon. O nakinig ka ba?”

“Hindi ko na naiintindihan!” ani Kimmy kasabay ng pagkamot sa ulo. “Bakit ba ang ingay mo?”

Nagitla at napatahimik si Kim.

Kinuha ni Kimmy ang malilikot na mga kamay ni Kim, tumingin ng diretso sa mga mata nito at mabilis na nagsalita.

“Kim ang pangalan mo kasi ang unang sinabi ng doktor sa Mommy mo e babae ang magiging anak niya. Kim ang gusto niyang ipangalan sa magiging anak niya—ikaw nga ‘yon. After ilang months, lalaki pala. Kim na lang ang pinangalan.”

“Pa’no mo nalaman ‘yon, ha?” laking pagtataka ng binata.

“Nakuwento mo na dati.”

“Weh?”

“Oo nga.”

“Nakuwento ko na ba ‘yon?”

“Oo sabi, eh!”

“Hindi nga?”

“Oo!”

“Hindi nga?”

“Oo—”

Doon lang sila natauhang magkahawak sila ng mga kamay. Ramdam na ramdam ni Kim ang kalambutan ng mga daliri ng kanyang kaibigan. Napatitig siya ng maigi sa magandang mukha ni Kimmy at sa mahabang bangs nito. Napabitiw sila ng hawak. Nilamon si Kim ng pagkatahimik, hanggang sa ibinalik siya ni Kimmy sa realidad.

“Punta muna akong C.R.”

“Teka, teka. Sandali lang.”

“Bakit?”

Dinukot ni Kim ang resibo sa kanang bulsa ng kanyang pantalon.

“May ballpen ka?”

Kumunot ang noo ni Kimmy sabay kuha ng ballpen sa kanyang bag. Iniabot niya ito at pilit inusisa ang sinusulat ng kaibigan.

Pagkatupi ng tatlong ulit sa resibo ibinigay niya ito kay Kimmy.

“Ano’ng gagawin ko dito?”

“Hindi mo ‘yan mababasa hangga’t hindi mo tinatapat sa salamin,” parang gurong paliwanag ni Kim. “Punta ka na sa C.R. Bilisan mo, ha? Takot ako.”

“Duwag ka talaga.”

Ngumiti lang si Kim.

Nagtataka man, tumindig si Kimmy at pumunta sa C.R. Ihinatid siya ng tingin ni Kim kahit hanggang sa makalabas lang ng sinehan.

Ibinulsa niya muna ang resibo bago pumasok sa isang cubicle. Matapos makapagparaos sa pag-ihi, lumapit siya sa hanay ng mga gripo para maghugas ng kamay. Nag-ayos siya ng buhok at pinagmasdan kung maganda pa rin ang kanyang pagngiti. Kinuha niya ang resibo at binuksan ito. Nakasulat ang ilang letrang pabaligtad na isinulat kaya hindi niya maintindihan. Naalala niya ang tagubilin ni Kim, itinapat niya ang piraso ng papel sa salamin.

Kimberly, I love you. Kim.

Sa pagbabalik ni Kimmy sa kanyang upuan, napansin niyang hindi siya pinansin ni Kim kahit na dumaan pa siya sa harapan nito. Nang maayos na ang kanyang pagkakaupo, dahan-dahan niyang kinuha ang kanang kamay ng binata at waring ikinabit ang kanilang mga braso.

Nagulat si Kim. Para bang sa tagpong iyon niya lang nalamang nakabalik na si Kimmy. Hindi siya umiimik sapagkat hindi niya alam kung ano ang maaaring maging reaksyon ng minamahal na kaibigan. Nahiya siya sa pagkakakapit ng braso ni Kimmy kaya tinanggal niya ito. Nagpatuloy siya sa panonood ng palabas sa malaking screen bagaman wala na siyang maintindihan dahil sa nangyayari.

Nagkaroon siya ng tapang na akbayan ang dalaga. Hindi siya makapagsalita. Ang tanging naririnig niya ay ang sumasalas na tibok ng kanyang puso. Hindi niya magawang magkuwento kagaya kanina. Hindi niya alam kung sasampalin siya ni Kimmy. Matagal niya na itong gustong mayakap. Gusto niyang maramdaman ang pagkakakabit ng kanyang mga braso paikot sa katawan ni Kimmy. Maakbayan niya lang ito ay masaya na siya, paano pa kayang mahagkan ang babaeng pinakasisinta niya?

Naisip niyang kung puwedeng gawin ay bakit hindi gawin, kung puwedeng ngayon ay bakit hindi ngayon. Isinakatuparan niya ang kanyang pangarap. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kanang brasong nakaakbay lang kanina, hanggang sa umabot ito sa gitna ng likod. Ikinapit niya sa kanang braso ni Kimmy ang kanyang kanang kamay at sinimulang humarap pakanan upang maabot ng kanyang kaliwang kamay ang kanan. Sa wakas ay nagawa niyang yakapin ang dalagang mahal na mahal niya. Hindi niya halos mapaniwalaang nagawa niya iyon. Matapos ang ilang sandali ng walang humpay na katahimikan, ibinaling niya ang kanyang ulo sa kaliwang balikat ni Kimmy. Sa ganoon ay nagawa niyang mabulong na mahal na mahal niya ang kaibigan sa isang tonong hindi mapagkakailang may tunay na damdamin.

Masabi mang sobra-sobra siyang mangarap, nais niya talagang marinig na mahal din siya ng dalaga.

Imbis na mga salita ang maging tugon, inilagay ni Kimmy ang kanyang kanang kamay paikot sa katawan ni Kim. Sa kaunting pag-aayos ng posisyon ay nagawa niyang mayakap ang binata. Lubha itong ikinabigla ni Kim. Inilapat niya ang paningin sa mga mata ni Kimmy upang humanap ng kasagutan.

Iniwasan ni Kimmy ang mga mata ni Kim; sa halip ay inilapag ang mukha sa kaliwa nitong braso. Ang kadiliman ng lugar na iyon ang lumambong sa kanila habang yakap ang isa’t isa at habang magkadikit ang kanilang mga mukha.

Nawalan sila ng pakialam kung may nakatingin man sa kanilang pagyayakapan. Ang mahalaga para kay Kim ay maiparamdam sa paraang iyon man lang ang pag-ibig niya kay Kimmy. Ayaw niyang matuldukan ang mga sandaling iyon lalo na’t ramdam na ramdam niya ang pagkatakot na baka biglang may magbago sa pagkakaibigan nila. Pinalala ang takot niyang ito ng pagbasag ni Kimmy sa mahabang katahimikang lumipas.

“Hindi ba tayo masyadong nagmamadali?”

Hindi kaagad nakasagot si Kim.

“Alam ko, alam mo, sandali pa lang tayo magkakilala pero noong una pa lang kitang makita, iba na talaga.” Bigla na lang iyong namutawi sa bibig ni Kim; wala siyang pag-aalala sa kung anuman ang ipakli ng dalaga.

“’Yon nga, eh. Sandali pa lang.”

“Hindi mo ba ‘ko mahal?”

Kasabay ng pagrolyo ng Credits ang isa-isang pagbukas ng mga ilaw. Nagsitayuan na ang mga manonood na nasiyahan sa palabas. Bumitiw sa pagkakakapit si Kimmy at inayos na ang sarili. Tapos na ang palabas. Tumayo siya at hinila ang tulirong kaibigan upang makalabas na ng sinehan at makauwi na.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: