Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Labintatlo – Hawing Ulap.

Posted by Paurong sa Martes, Hunyo 19, 2007

Sariwang-sariwa pa kay Kim ang mga pangyayari sa sinehan. Anumang pilit ang gawin niya sa pagtulog ng las-nueve ng gabing iyon ay hindi niya magawa. Nakatunganga lang siya; hindi alam ang dapat maging takbo ng lahat. Sa pagkakahiga niyang iyon sa kanyang kama, bumalik sa kanya ang araw kung kailan niya unang nasilayan ang ngayong best friend niya, hanggang sa may namuo nang pagtingin, hanggang sa minahal niya na ito ng higit sa isang kaibigan. Ngayon niya lang naramdaman ang ganoong pakiramdam. Ngayon lang din siya hindi makatulog ng maayos kaiisip, kaiisip, kaiisip.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata, ngunit sa halip na makatulog ay mukha lang ni Kimmy ang kanyang naaalala. Napakaganda.

Hanggang sa narinig niyang kumakatok sa pinto ang kanyang Mommy.

“Kim, telepono.”

Mabilis siyang lumukso palabas ng kanyang kama at nagmadaling hinablot ang telepono sa kanyang Mommy.

“Hello?”

 “Magbabagong-taon kami sa Cavite. Gusto ko, kasama ka. Gusto rin nina Mama. Pinagpaalam na kita. 4:30 am bukas.”

Tapos. Inabutan pa ni Kim sa kanyang pandinig ang mahaba’t maingay na tunog kapag naibaba na ng nasa kabilang linya ang telepono.

Tumakbo siya papunta sa kuwarto ng kanyang Mommy at bago pa man siya makapagtanong kung ano ang napag-usapan ay sinabihan siyang matulog na dahil maaga pa pala siya bukas.

“Ayos lang talaga sa’yo, Mommy?”

“Hindi ako makakapag-New Year dito, anak.” Gusto raw nitong sumama, kaya lang, marami itong tatapusing trabaho sa opisina habang bakasyon.

Habang bumabalik sa kanyang kuwarto, tila walang maliw na gumuhit sa kanyang isip ang tungkol sa kanyang pamilya. Ang kanyang Mommy ay palaging walang oras para sa kanya dahil sa dami ng ginagawa, dahil sa dami ng tinatrabaho. Naisip niyang hindi siya dapat magalit dahil ang lahat naman ng iyon ay pinaghihirapan ni Mrs. Tiopez. Sa puntong iyon ay nawalan siya ng ganang tawaging Mommy ang kanyang nanay.

Pumukol sa kanyang diwa ang tungkol sa kanyang Daddy nang makahiga na siyang muli sa kanyang kama. Kasuka-sukang tawaging Daddy para sa kanya ang isang tatay na tatay lang dahil sa ito ang nakasiping ng kanyang nanay at nakapagbunga ng isang Kim Tiopez. Sa pagkakaalam niya ay namatay sa isang aksidente ang kanyang Daddy. Oo, dapat siyang maniwala sa sinabing iyon ng kanyang Mommy, ngunit hindi siya isa’t kalahating tangang ganon-ganon na lang maniwala. Ilang pelikula na ang nabasa niya tungkol sa ganoong sitwasyon kung saan pilit na inililihim ng naiwang magulang ang tungkol sa kamatayan ng isa. Gusto niyang malaman ang katotohanan, ngunit wala siyang pagkakataon.

Ngunit ang paghaya sa katotohanan ay masidhing pagtatakip ng mga mata at pagbubusal ng bibig lamang. Ang paghaya sa katotohanan ay gaya ng pagtanggi sa sariling kayamanang ipinamana, ibinigay ngunit mas piniling ihagis sa karagatan kasama ang paglimot sa isang madilim na nakaraan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: