Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Spelling bee.

Posted by Paurong sa Linggo, Hulyo 15, 2007

Hindi naglaon, nakitaan ako ng mga guro sa Kindergarten ng talino, liksi at talas ng pag-iisip. Sa kabila ng mga pagkilala sa akin bilang isang matalinong bata, hindi ko nagawang magkaroon ng kaibigan buhat sa klaseng iyon ng mga batang kasinggulang ko. Hirap akong makisalamuha sa kanilang lahat lalo na sa mga lalaki. Para bang ayaw nila sa akin. Para bang hindi ako nababagay sa kanila. Kahit ang mga babae, nilalayuan din ako. Ang tanging umalalay sa akin ay ang babaeng gurong palaging nakapula. Si Mrs. Sanchez.

Nang muntik na akong mapadumi sa aking salawal, naroon sa aking tabi si Mrs. Sanchez upang linisin ang aking puwet. Sobrang bait niya sa akin. Hindi man lang siya nandiri sa akin gaya ng mga kaklase ko. Nang ikatlong beses, naroon pa rin siya upang saklolohan ako. Minsan, sinabi niya sa akin ng ilang ulit sa loob ng isa o dalawang minuto na matalino akong bata at mayroon akong mararating balang araw. Hindi ko naunawaan ang sinabi niyang iyon ngunit alam kong nagsabi siya ng totoo sa akin. Kuhang-kuha niya ang tiwala ko. Magaan ang pakiramdam ko sa tuwing nariyan siyang nakaalalay sa akin. Naniwala ako sa kanya. Matalino nga raw ako. Isang matalinong bata.

Isinali ako ng mga guro sa isang quiz bee nang pumasok ang buwan ng Oktubre. Dalawang linggo nila akong inensayo sa pamamagitan ng pagpapakita sa akin ng mga payak na salitang Ingles na nakasulat sa maliliit na piraso ng papel. Tuwing pagkatapos ng klase ko sa umaga, pinababalik nila ako kinatanghalian upang hasain ako sa nalalapit na Spelling Bee. Mabilis akong ipinagmalaki ni Tatay, kasimbilis ng pagkawala ng hangin sa loob ng isang lobo, samantalang ganoon pa rin si Nanay, walang imik, walang pakialam. Sabi ni Tatay, masaya naman daw si Nanay para sa akin, ayaw lang nitong ngumiti dahil marami itong problema. Itinanong ko kay Tatay kung anu-ano ba ang problema ni Nanay. Ang tanging isinagot sa akin ni Tatay ay ‘Bata ka pa.’ Hindi ko na ginawang magpumilit pa. Hinayaan ko na lang na walang imik at walang pakialam si Nanay.

Nang dumating ang araw ng Spelling Bee, kinabahan ako. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari. Iyon ang una kong beses ng pagsali sa isang patimpalak. Kailangan mong manalo, paulit-ulit na sinabi sa akin ni Mrs. Sanchez. Tumutungo lang ako sa tuwing pinalalakas nila ang loob ko. Lalong lumakas ang loob ko nang kuhaan ako ng litrato ni Tatay habang tahimik akong nakaupo sa maliit na silyang nakalaan para sa akin. Sayang wala roon si Nanay para bigyang-suporta ang kanyang panganay. Hindi ako pinanghinaan ng loob; nanatili akong payapa.

Nasa dalawampu marahil ang bilang naming mga maliliit na batang sinasabihan ng pang-uring ‘matalino’ pero hindi ko tiyak kung kabilang ako sa mga batang iyon. Pinagmasdan ko ang bawat batang nangaroon sa loob ng malaking bulwagan, habang hinihintay ang pagsisimula ng Spelling Bee. Namuo ang hiya ko. Alam kong lahat kami ay mapagsasabihan ng salitang ‘matalino’ maliban sa akin. Hindi ko napigilang yumuko at isiping hindi ko kakayanin ang mga salitang babanggitin. Paano kung hindi ko talaga alam ang salita? Ano ang dapat kong gawin? Hindi ako maaaring magkamali ng sagot! sigaw ng aking kaloob-looban.

Hanggang sa nagsimula ang Spelling Bee at nagsimulang sabihin ang unang salitang kailangan kong baybayin ng wasto. Una, ikalawa… ikalabindalawa… ikadalawampu’t walo, ikadalawampu’t siyam.

“No. 30. Spell broom.”

Nagulo ang pag-iisip ko. Hindi ko alam ang salitang iyon. Wala akong ideya kung anu-anong titik ang bumubuo sa salitang iyon. B-r-u? Bahala na, sabi ko sa aking sarili.

Kabana-banaag ang hindi mapigilang pagngiti nina Mrs. Sanchez at ng ilang gurong kasama niya pagkatayo ko. Kinumusta nila ako. Walang salitang namutawi sa aking bibig. Alam kong may pagkakamali ako sa pagbaybay ng mga salitang ibinigay lalo na ang huli. Hindi ko sigurado. Hindi ko na alam.

Kinapitan ko si Mrs. Sanchez at binulungan siya. “Paano po ‘yung broom?”

Nagkamali nga ako. Imbis na tama ang isulat ko ay b-r-u-m ang inilagay ko. Mali. Mali.

Ilang minuto ang lumipas bago naitala ang mga nagwagi. Ang nakakuha ng ikatlong puwesto ay isang babaeng nag-aaral malapit sa eskuwelahan na pinapasukan ko. Dalawampu’t isa ang puntos niya. Ang nagkamit ng ikalawang puwesto ay babae rin. Dalawampu’t dalawang tamang baybay ng salita ang naisagot niya.

“And the first place goes to Contestant #10: Miko.”

Walang kasinsarap ang tunog ng palakpakan ng sandaang taong nangaroon sa bulwagang iyon. Iba’t ibang mukha mula sa magkakaibang eskuwelahan, iisa ang nanalo.

“Umakyat ka na!”

“Go, Miko!”

“Sige na, Miko, kaya mo yan!”

“Dalawa lang po ang mali niya. 28 points out of 30.”

Dinama ko ang dahan-dahang pagpanhik sa mataas na bahagi ng entablado. Nakatingin sa akin ang lahat ng mga tao. Pumalakpak sila, hindi ako nakapaniwala. Sa pagpanhik kong iyon ay tinawag ako sa gitna upang sabitan ng isang parang kuwintas na may kumikinang na bilog sa dulo. Medalya pala ang tawag doon. Una kong pagkakataong makakuha ng ganoong uri ng kuwintas.

Kumain kami ni Tatay sa labas bago umuwi sa bahay. Kumain ako ng lahat ng gusto kong kainin. Hindi umalma si Tatay sa halip ay nagbigay pa ng mungkahi at hinayaan lang akong kumain hangga’t gusto ko. Sa kalagitnaan, binasag ako ng makapigil-hininga niyang pahayag.

“I’m so proud of you. Ang galing mo, anak.”

Binasag akong muli, paulit-ulit at walang mintis, ng huling salita ni Tatay. Anak, oo, anak. At magulang ko siya. Isang mabuting magulang.

10 Tugon to “Spelling bee.”

  1. stick said

    saan galing yung picture.

    nakapagtataka. bakit di ko maalala kung san galing yun.

    may deperensya na ba ko sa utak o di ko lang talaga alam yang picture na yan!

  2. paurong said

    KRISTINE BERNADETTE N. PONCIANO
    aling picture ang sinasabi mo? ang weird.

  3. nako. kwento na naman. haha.

  4. paurong said

    CARL JOY DAVID DAYANDANTE
    kwento ka jan.

  5. jodesz said

    hi! ask ko lang po. how much ung The Lost Boy? thanks po..😀

  6. dianne said

    jonell.

  7. paurong said

    JODESZ ALYSA GAVILAN
    nasa 300-400 siya. nakalimutan ko yung price. makikita mo sa powerbooks at national bookstore.

  8. paurong said

    DIANNE VILLAPANDO
    anong problema?

  9. khonz said

    galing nmn! congrats! sagay mhirap nga i-spell ung “broom”. whew!

  10. paurong said

    KHONZ
    magaling nga yata talaga si miko.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: