Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Missteryosa Chapter 1.

Posted by Paurong sa Huwebes, Nobyembre 1, 2007

Kung baguhan kang papasok sa pasikut-sikot at makikipot na daan ng pampublikong palengkeng iyon, aabutin ka ng siyam-siyam sa pagtukoy ng tunay mong patutunguhan. Kung hindi mo pa naranasang maputikan ang iyong mga paa sa paglalakad at hindi sanay ang iyong pandinig sa ingay na dulot ng sabay-sabay na paghimok ng mga tindero sa panay ang pagtawad na mga mamimili, tiyak na hindi ka tatagal sa loob ng pamilihan.

Makalat at basa ang paligid, hubad ang sari-saring amoy at higit sa lahat, magulo. Hindi na ito bago sa mga taong madalas sa palengke. Kagaya na lang ng mga tindero. Sila mismong hindi pa man nagdidigma sa kalangitan ang dilim at ang liwanag ng bukang-liwayway ay nakapuwesto na kalakip ang pag-asang kikita sila kinahapunan at may ipantatawid sila ng gutom sa pamilyang kumakalam ang tiyan.

Isa sa kanila si Nato, labimpitong taong gulang, kargador ng mga ibinibentang baboy. Subalit ang tungkol sa kanya ay hindi bahagi ng umpisa ng kuwentong ito. Ang lahat ng pangyayari sa buhay ng tao at sa takbo ng mundo ay may takdang oras ng kaganapan. Kung gayon, si Nato, mahalagang tauhan man sa kuwentong mababasa ninyo, ay papasok sa tamang panahong nakaliskisan na ang patutunguhan ng istorya. Nakaligtaan niyo yatang malaman na ang daloy ng kahit na anong bagay ay maaaring mapag-ibahan ng direksyon. Kaya nga papasok siya sa eksena sa pagsisimula ng pag-init ng mga ulo ng dalawang lalaking parehong may malaking katawan.

“Humarap ka kasi sa’kin kapag kinakausap ka!”

“Ang angas ng asta mo, gago, alam mo ba yon, ha?”

“Putang ina! Ano ba’ng gusto mo?”

Alam na ng lahat ang susunod na mangyayari. Nagmistulang eksena sa isang shooting ng pelikula ang away ng dalawang siga. Sunud-sunod na pasaring ang binato ng magkabilang kampo. Ilan lang sa mga mamimili ang umiwas sa shooting habang ang karamihan ay nakapaikot at sabik na sabik sa pag-antabay sa susunod na shot.

“Kung makapagsalita, akala mo kung sino ka. Pare-pareho kayo ng lahi mo! Mga kamag-anak mo, mga akala nakaangat na sa buhay mahirap. Mga baduy naman manamit.”

Pinaglakhan ng mata ng mas matangkad na siga ang isa na nakahubad-baro. “Wag mong idamay ang lahi ko. Tignan mo nga ‘yang lahi mo, mga hindi nagsusuot ng brief at panty.”

Binasag ng maliliit at palihim na halakhakan ang nabuong tensyon. Sa kabila nito, naging ganap na action film na ang kinukunan. Unang umatake ang mas matangkad na siga kasunod ng paghambos sa kanya niyong nakahubad-baro.

Ang kanginang nakamasid lang na si Nato ay nakapag-isip na ng gagawin. Pagkakataon iyon para sa kanya lalo na’t nakatuon ang pansin ng lahat sa pagsusuntukang pinanonood lang ng madla. Lumipad-lipad ang tingin niya sa tumpok ng mga taong gustong maging saksi sa kaguluhan. Napako ang tingin niya sa babaeng nasa pinakalikuran ng mga nanonood.

Mula sa malayo ay dinig ng lahat ang malakas at gasgas na boses ng asawa ng nakahubad-barong siga. Nagmamadali itong lumapit sa dalawang nag-aaway.

“Hinde na naman kayo titigil ba? Tumigil ka na, oy.” At hinila niya sa kaliwang tainga ang hindi makaimik na asawa. “Para kang bata. Diyos ko!”

Nahinto na rin ang pagkulo ng dugo ng naiwang siga. “Takot ka pala sa asawa mo! Duwag!” sigaw niya kasunod ang pagtawa.

Sinubukan ng papalayong sigang makabato pa ng linya ngunit ipinasara na ng direktor ang kanyang bibig sa pamamagitan ng pagdiin pa sa kanyang tainga. Bumalik sa normal ang paligid makalipas ang ilang sandali.

At saka lang natuklasan ng babaeng nasa pinakalikuran kangina ang pagkawala ng kanyang pitaka.

16 Tugon to “Missteryosa Chapter 1.”

  1. where is the story?

  2. speechless ako!

  3. ‘no ba yan Jonell. magpopost ka ng ad (pati sa friendster) tapos wala pa naman. hay nako Jonell. Jonell hay nako.

  4. naexcite aq bshn…wla p pla lmn…hihi..
    ge…God Bless…

  5. ui gusot…
    nice one..
    hehe!

  6. Joanne Galang said

    bakit nagkaroon na ng surname? hehe. ui kelan ‘yung kasunod?

  7. ila said

    uyz…tlgang adik sa kwento…cnu nman yung nsa pic??familiar cla..pede ba malamn kung cno???…hehehe..kip it up..ingats

  8. Rainne Villena said

    nabitin ako. hahaha. ^____^ nice.

  9. rhapsody said

    nice one! how many installments??😉

  10. Binitin mo naman kami Jonell, eh. obviously me kasunod pa yan… kelan ba yung part 2? i’ll be back.

  11. Altea Gutierrez said

    tapos na ang 1…ang 2 naman^^

  12. nice. maaksyon ang unang eksena ng Missteryosa Pilot 001.

  13. Mary Grace said

    Nakaligtaan niyo yatang malaman na ang daloy ng kahit na anong bagay ay maaaring mapag-ibahan ng direksyon.

    Baka sabihin hindi ako nagbabasa e. Correction: NINYO.

  14. ghreizze said

    sige… isulat ang buong nobela… nang buong tiyaga… nawa’y kayanin mo…. mabasa nga….

  15. yung unang eksena sa palengke, para akong nanunuod ng short film… yung mga cinema verite’ na nagkausuhan nuon (Nick Deocampo, et al)… ‘down-to-earth’, spontaneous at detalyado. akala ko parte ng kwento… shooting lang pala? nadale mo ko dun.😆

  16. jjampong said

    haha, talaga lng ha. Palagi naman kasing ganyan ang mga nangyayari!!!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: