Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Missteryosa Chapter 3.

Posted by Paurong sa Sabado, Nobyembre 3, 2007

“Ang alam ng mga anak ko, ako ang may kasalanan kung bakit nawala ang tatay nila. Ako na’ng pumasan ng lahat.”

Nailahad na ni Thelma kay Mela ang tungkol sa trahedyang naganap siyam na taon na ang nakalipas bago niya pa man nagawang tanungin kung lalaki ba ang panganay nito. Sa-papasok si Kim na nakakunot ang noo at iyon na ang sumagot ng oo kay Mela. Bitbit niya sa kanyang likod ang isang itim na backpack. Nakasuot na siya ng uniporme at handa nang pumasok sa paaralan. Napatingin sa kanya sina Thelma at Mela. Nakatayo lang siya malapit sa kanila. Hindi niya alam kung dapat ba siyang magbitiw ng salita.

“K–Kim…”

“Magkukuwento ka na naman?” Galit ang nanaig sa damdamin niya habang humahalo sa kanyang paningin ang umaapoy na mga mata ni Thelma noong gabing nangyari ang para sa kanya ay malagim na kamatayan ng isang mabuting tao. “Ipamumukha mo na naman na hindi ikaw ang may kasalanan? Sige nga, sabihin mo sa kanya, Nay, kung ano’ng nangyari no’ng gabing ‘yon. Hindi ‘yon aksidente. Hindi ‘yon aksidente!”

Ang pagluha ni Thelma ang nagpasariwa kay Kim sa kaganapang tinutukoy niya. Nagmistulang balot ng itim na usok ang paligid niya nang mabilis na tumakbo sa kanyang isip ang lahat.

Ang gabing iyon. Bisperas ng Pasko. Masaya silang magkakapamilya. Siya, ang mga magulang niya, at si Ivan na noon ay nasa sinapupunan pa lang ni Thelma. Tandang-tanda pa niya ang matamis na amoy ng hamon sa kanilang hapag at ang kariktan ng makikislap na palamuti sa loob ng kanilang bahay. Pati ang himig ng mga awiting pampaskong palaging pinatutugtog ni Gabby. Malapit na noong mag-alas-dose. Sabik na sabik na siyang mabuksan ang pulang kahong nakalagay sa ilalim ng Christmas tree. Alam niyang iyon na ang laruang computer na gusto niyang mairegalo sa kanya ng kanyang tatay. Nang makita siya nitong nakaupo sa harap ng Christmas tree, tinawag na siya sa hapagkainan.

“Noche buena na! O, ayan, anak, lahat ‘yan paborito mo,” ang musikang hatid ni Gabby sa pandinig ni Kim. Hinding-hindi siya napabayaan buhat ng ipinanganak siya. Ang lahat ng gusto niya ay nakukuha niya. Ang lahat ng hilingin niya sa tatay niya, natutupad. Isang perpektong buhay, kung maituturing.

Pagkatapos nilang magdasal, napatingin sa gawing likuran ng bahay si Thelma. Isang kakaibang kaluskos ang narinig niya.

“Gabby, ano yun?”

“Ha?” Takang-taka si Gabby sa ekpresyon ng mukha ni Thelma.

“Sabi ko ano yun?”

Tumindig si Gabby. Para bang inutusan siya ng asawang tumayo at alamin kung ano ang nasa labas nang hindi nagsasalita. Bumalik siya pagkalipas ng isang minuto.

“Walang tao sa likod. Kung tao man,” ani Gabby pagkatapos ay ginulat ang anak at naupo na.

“Si Tatay naman, o. Tapos na Halloween.” nakangiting sabi ni Kim.

“Kung anu-ano na naman pumapasok sa isip mo, Thelma.”

“Baka kako sila–“

Binagsak ni Gabby ang hawak-hawak na tinidor sa pinggan. “Hindi sila ‘yon. Kumain na tayo.”

“Pero–“

“Kumain ka na, anak,” pagbaling ni Gabby upang maiwasan ang usaping inuudyok ng kanyang kabiyak.

Pagkatapos nilang kumain, nagkaroon ng katotohanan ang sapintaha ni Kim tungkol sa regalo sa ilalim ng Christmas tree. Mahigpit ang ginawa niyang pagyakap sa kanyang mga magulang, lalo na sa kanyang tatay bilang pasasalamat. Naunang pumanhik si Kim upang matulog ngunit nang papahiga na siya sa kanyang kama ay ginitla siya ng isang malakas na tunog na nanggaling sa baba, tunog ng nabasag na plorera.

Tahimik siyang lumabas ng kanyang kuwarto. Kumapit siya sa hagdan sa kanyang pagbaba. Walang liwanag na tumatama sa mga salamin sa baba maliban doon sa mga nakasindi pang parol sa labas. Humigpit ang kapit niya sa hagdan nang marinig niya ang malakas na sigaw ng isang babae. Takut na takot niyang namalas ang dalawang pigura malapit sa pintuan. Ang isa ay nakatayo sa tabi ng isang nakahandusay. Tinunton niya ang bukasan ng ilaw at nang nagkaroon na ng sapat na liwanag upang maaninag ang taong nakatihaya sa sahig, nanginig ang kanyang mga tuhod sa pagkasaksi sa tunay na anyo ng dalawang pigura.

Ang kanyang tatay. Walang pagkurap ang mga mata. Walang pagkilos ang buong katawan. Dugo.

Ang kanyang nanay. Walang pagkilos ang buong katawan. Mahihinang paghikbi at paghangos. Kutsilyong puno ng dugo.

Hindi alam ni Kim ang gagawin. Kusang tumulo ang mga luha at naramdaman niya ang pinakamasalimuot na pakiramdam na unang beses na dumaloy sa kanyang mga ugat.

Halos lumubog sa kinauupuan niya si Thelma. Hiyang-hiya siya kay Mela. Si Mela naman, sa kabilang banda, ay hindi pa rin nagsasalita. Gusto sana niyang purihin ang pagkakapareho ng hitsura ni Kim at ng tatay nitong si Gabby subalit naisip niyang hindi iyon ang tamang pagkakataon. Walang birong makalulusot sa kasalukuyang nangyayari. Naisip niyang umanyo nang magpaalam sa mag-ina at–

“Papasok na po ako. Male-late na ‘ko. Good morning po,” bati niya kay Mela.

Sa pagtalikod niya at pagsulong palabas, nahalata niya ang pag-iba ng ritmo ng kanyang paglakad. Naroong muntik na siyang matisod sa kawalan ng pokus sa kanyang direksyon lalo na’t bumalik na naman sa kanya ang gabing iyon at ang kamatayang nasaksihan ng kanyang mga mata. Iyon ang naging masaklap na epekto.

Para siyang nakalabas sa isang pugon nang maramdaman niya ang pag-apak niya sa tuyong lupa sa labasan. Sa itaas niya, natatakpan man ng mga ulap ang araw sa kalangitan, anaki’y mga nakasusugat na palasong tumama sa kanya ang kasinagan nito. Kasimbagal ng paghawi ng hangin sa mga ulap ang pagbalik sa normal ng paglalakad ni Kim. Kung mahawi man lang nga sana ng mainit na hihip ng hangin ang katauhan niya.

9 Tugon to “Missteryosa Chapter 3.”

  1. Joanne Galang said

    wow. ang cute naman. may date of release na ‘yung kasunod. hehe😀

  2. done! chapter four chapter four!!Ü hi ulit jonell! miss you yikeee. hehehee

  3. aKDa said

    hmm,.. nice…

  4. hazard said

    galing aman nan.. hehe

  5. mukhang matatapos mo na talaga to jonell ah. grabe!

  6. entrelanoche said

    suspenseful! can’t wait if me kasunod pa

  7. Joanne Galang said

    november 4 ngayon.

  8. i got the impression na si Kim ay hindi tunay na anak ni Gabby kay Thelma? looking back sa Missteryosa 2 (Ang dalawang magkaibigan):
    “Ilang taon na rin ang nakalipas. Sa isang aksidente. Naging traumatic sa akin ang gabing iyon. Lalo na’t ipinagbubuntis ko noon ang una naming anak. Hindi nila alam ang buong kuwento. Itinago ko sa dalawa kong anak.”
    samakatuwid ang bunsong si Ivan lang ang tunay na anak ni Gabby kay Thelma, si Kim e anak ni Thelma sa pagkadalaga, at si Nato, isa dun sa dalawang anak, ano?
    masyado yata akong nag-aanticipate sa kwento, ano Jonell? hintayin ko na nga lang ang mga susunod pang kabanata. nalimutan kong ang pamagat nga pala ng kwento ay “Missteryosa”…
    “miss-teryosa” nga… magandang kwento ito… hehehe

  9. Joanne Galang said

    ‘nu ba yan. ba’t may surname na naman ako?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: