Ang Blog ni Paurong!

Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao.

Missteryosa Chapter 4.

Posted by Paurong sa Linggo, Nobyembre 4, 2007

Tuluy-tuloy na sana ang paglalakad ni Kim patungo sa paaralan kung hindi niya natanaw ang kapatid na kasama ang mga kaibigan nito sa lilim ng isang malaking puno hindi kalayuan sa kanilang bahay. May kung anong bagay silang pinagdudumugan at ang karamihan sa kanila ay manghang-mangha. Agad na tumawid si Kim.

“Hoy, kumag!” tawag niya kay Ivang lubos na nabigla. Hinablot niya ang kapatid sa kuwelyo ng T-shirt na suot nito. “Ninakaw mo na naman ‘yang Rubik’s ko!” Kulang na lang ay iangat niya ang kawawang bata at ihagis ito sa abot ng kanyang makakaya. Ngunit walang panahon si Kim para sa ganoong kalokohan. Ang tanging gusto niya sa tagpong iyon ay mapahiya si Ivan sa mga kaibigan nito. Siyang tunay, nagtagumpay siya.

“Hindi ko naman ‘yan ninakaw, Kuya, eh! Hiniram ko naman sa’yo–” Mabilis nabawi ang Rubik’s Cube.

Itinulak ni Kim si Ivan. Mabuting hindi ito bumagsak sa lupa. “Lahat na lang ba ng gamit ko pakikialaman mo? Kinukuha mo ‘to, ni hindi mo nga mabuo.”

Panalo sa isang patimpalak ang itinuring ni Kim sa kanyang sarili. Narinig niya ang masigabong palakpakan ng mga taong siya lang ang nakakakita. Iniwan niya ang mga batang nakaabang sa magkawala niya sa paningin nila.

Hindi niya namalayan ang oras. Malapit nang mag-alas diyes ng umaga. Kinailangan niya nang magmadali sa pagpasok. Hawak-hawak niya ang Rubik’s Cube habang tinatakbo ang landas patungo sa paaralan. Mabilis siyang nakarating ngunit naunsyami ang patuloy na kabilisan dahil sa nakaiiritang guwardiya sa pasukang tarangkahan. Ayaw siya nitong papasukin.

“Estudiyante ka ba talaga dito?” pag-uusisa ng panot na guwardiyang nakasuot ng asul nitong uniporme.

“Manong naman, ilang beses niya na ‘kong tinatanong. Estudiyante ako dito.” Papasok na sana siya sa loob ng pinigilan pa rin siya nito. Ipinamukha niya ang suot niyang ID.

Matapos makawala sa mala-espingheng guwardiya, matulin na namang siyang tumakbo patungo sa silid-aralan. Hinahabol pa rin niya ang kanyang hininga nang makaupo na siya sa kanyang silyon. Laking tuwa niya nang malaman niya sa isang kamag-aral na hindi pumasok ang kanilang guro sa unang klase. Hindi na niya isinubsob pa ang sarili sa pagbabaliktanaw sa mga nakalipas na liksyon bilang mabilisang paghahanda sa isang pagsusulit.

Nawala sa pagkatulala si Kim nang may gitarang lumapag sa kanyang silyon at ibalik siya sa reyalidad ng may-ari nito . “Kain na tayo, Kim,” yaya sa kanya ng isang lalaking nakatayo sa gitnang harapan ang buhok na kahugis ng sapatos ng duwende. Siya si Errol, ang pinakamatalik na kaibigan ni Kim. Nasa elementary pa lang ay magkakilala na silang dalawa ngunit ngayong Fourth Year na sila pa lang naging malapit ang loob nila sa isa’t isa. Hindi inaasahan ang lahat. Isang beses lang ng pagkukuwentuhan ang nagdikit sa kanilang dalawa at simula noon ay palagi na silang magkasama. Marami silang pagkakatulad sa kabila ng pagkakaiba. Iyon nga marahil ang nagpapatibay sa kanilang pagkakaibigan sa bawat araw na dumaraan.

“Tara na nga.” At sabay na nga silang naglakad patungo sa canteen.

Noong mga unang linggo, nagbabaon pa sila ng pagkain ngunit simula nang magkaroon ng problema sa kani-kaniyang magulang, minabuti nilang huwag nang magbaon ng luto ng nanay nila. Tuloy, tuwing lunch break, sa main canteen ang bagsak nila. Maaayos naman ang mga luto. Sa sobrang dalas nga nila roon, saulo na nila ang bawat putaheng ilalabas sa bawat araw. Sa ganitong araw ganyan, sa ganoong araw ganoon. Kapag nagsawa sila sa main canteen ay pumupunta sila sa kabilang canteen. Paulit-ulit lang.

“May nangyari na naman sa inyo, no? Kaya ka late?”

“Sinabi mo pa,” may pagkaseryong pakli ni Kim.

Nadatnan nilang umaapaw sa tao ang pila. “Ako na pipila, kumuha ka na ng mauupuan natin. Daming tao. Dalhin mo ‘tong gitara ko.”

Inaabot nga yaon ni Kim sabay bigay nito ng pera. “Menudillo ang akin. Siyempre mango juice.”

“Sige.”

Pipila; kakausapin ang kung sinumang nagbebenta sa araw na iyon para kunin ang bibilhin; iaabot ang isang tray na pinaglalagyan ng isang plato ng kanin, isang platito ng ulam, isang basong mango juice o kaya’y iced tea o kung ayaw mo sa dalawang iyon ay tubig na lang, at isang piraso ng saging; kukuha ng kutsara’t tinidor na ibinabad sa mainit na tubig; maglalabas ng pambayad at hihintayin ang sukli kung mayroon man—ganoon ang takbo sa pila.

Inabot ng siyam-siyam si Errol sa inungusan niyang pila kaya abot-langit na lang ang kaluguran niya nang maupo sa puwestong itinabi ni Kim para sa kanilang dalawa.

“‘Yung magaling kong nanay kasi,” halos sumigaw si Kim dahil sa lakas ng sabay-sabay na usapan sa loob ng canteen.

“O?”

“Nagkuwento na naman.”

Alam na kaagad ni Errol ang ibig sabihin ng maiksing pangungusap na iyon ng kaibigan. Ikinuwento ni Kim ang mga narinig niya at ang nangyari kaninang umaga. Patapos na silang kumain nang matapos magkuwento si Kim. Napag-iwanan niya ang kanyang pinggan habang nagsasalaysay. Iyon ang ikalawang beses na ikinuwento niya kay Errol ang tungkol sa kamatayan ng tatay niya.

Ang pinggan naman ni Errol ang napag-iwanan ng magsimula na siyang magpahayag ng naiisip niya tungkol sa mga ikinuwento ni Kim.

“Alam mo, hindi mo pa rin natatanggap ang pagkamatay ng tatay mo kaya ka nagkakaganyan.” Uminom siya ng mango juice bago nagpatuloy. “Saka, ikaw na rin nagsabi dati, hindi mo sigurado kung yung nanay mo talaga,” huminto siya upang hinaan ang pagsasalita. “Ang pumatay…”

Kaipala ay iniba ni Kim ang usapan. Sinakyan ito ni Errol bilang pag-intindi sa nararamdaman ng kaibigan. Dahil sa kalahating oras lang ang lunch break, kailangang magmadali ng sinumang nasa ikaapat na taon para maabutan ang susunod na klase kaya’t sa kaso nina Kim at Errol, kailangan nilang maunahan ang guro nila sa Statistics upang hindi mamarkahan ng huli sa talaan nito—yaon ay kung may isang guro ngang magpapakita. Mabilis ang naging paglakad nila pabalik sa silid-aralan.

Pagkaupo ni Kim sa kanyang silyon, walang panghihinawa niyang pinagmasdan ang mga kaklase na patuloy pa rin sa pag-iingay hangga’t walang gurong pumupuna sa kakulitan ng buong klase. Naroong nangakaupo sa sahig ang mga babae at nangaglalaro ng baraha sa kabila ng pagkakabukaka ng kanilang mga binti na sa kabutihang-palad ay natatakpan ng luntian nilang palda, habang ang ibang lalaki ay nasa pintuan at nangagkakantahan. Agad na napasama sa kanila si Errol at nagsimulang malapatan ng musika ng gitara ang mga kinakanta nila habang sinusundan ang chords at lyrics sa isang songhits.

“Huwag mong daganan ang bag ko,” daing ng isang babaeng maliit ang pangangatawan at may kaliitan din ang boses sa naggigitara. Pilit niyang hinila ang bag at inayos sa kanyang sariling silyon.

“Sorry! Nagkakatuwaan lang dito,” sabi ni Errol at tuloy ang pagtugtog.

Kung sisipatin ay matuturing na layawan ang lunggang iyon na inilaan upang pagtipunan ng mga kabataang ang edad ay naglalaro sa labinlima at labing-anim. Kung hindi man masipat ay kabana-banaag naman na ang mala-kuwebang silid-aralang iyon ay pinaglalagakan ng kawalang-disiplinahan. Ang mga estudiyante ay nangakasuot ng maskarang ipinanlilingap sa pagkakataong may gurong nakakikita at nakapupuna sa kanila.

Kung sa ibang mga asignatura ay nasa kalagitnaan na sila ng liksyon, kagaya ng sa Pisika kung saan pinag-aaralan na nila ang tungkol sa mga salamin at mga lente, sa Statistics ay dalawang beses pa lang silang nagkaklase. Hindi pa nagbibigay ng kahit anong liksyon ang guro. Isang bagay pang kayamut-yamot ay ang minsanan lang na pagsulpot ng gurong iyon sa harap ng apatnapuing estudiyante. Hindi pa raw maayos ang listahan ng mga guro sa kanilang klase. Gayunman, ang pinakamalalang bagay ay ang pagiging huli ng gurong iyon sa pagdating kung may balak man siyang magparamdam sa mga tinuturuan niya.

Malas na lang ng mga estudiyanteng inaaksaya ang oras sa paggawa ng kung anu-anong bagay imbis na manahimik sa kinauupuan kung hindi sasabihin ng babaeng si Gina, ang naatasang tagapagmatiyag, ang pagkatanaw sa pagdating ng guro.

“Alert!” mariin niyang sigaw habang tinatantiya ang layo ng parating na guro ng Statistics. Ang apatnapuing estudiyante ay mabilis pa sa alas kuwatro sa pagliligpit ng mga kalat, mainam na paghahanay ng mga silyon at pagpupunas ng panggurong lamesa sa harapan. Dahil sa sa tabi ng bintana nakaupo si Errol, isinandal niya na lang sa katapat na silyon ang dalang gitara. Ang mga baraha ay naitago na ng mga kadalagahang kanina’y nagtatawanan sa paglalaro ng Pusoy Dos. Si Gina naman ay mabilis na pumunta sa pisara upang ito ay linisin.

Ang isang may pangalang Ramon ay nagkumahog na makabalik sa kanyang silyon matapos maitapon ang mga nakakalat na basura sa paligid.

Dumagundong ang katangi-tanging katahimikan kasabay ng pagpasok ng guro sa Statistics. Ang lila niyang damit ang nagpakulay sa kanyang maputing balat, may bahid ng kagintuang dulot ng araw. Wala siyang ibang dala kundi ang kanyang talaan. Sa pagkakalapag niyon ay tumindi ang pagkakatigil ng mga estudiyante.

Malumanay siyang umubo nang hindi binubuksan ang bibig bago nagsalita. “I’m sorry, I’m late,” aniya pagkaalam sa kanyang relo na ala-una na ng hapon. “Good afternoon, class.”

Sabay-sabay ang mga babae sa pagtayo habang ang mga lalaki naman ay tatamad-tamad. “Good afternoon, Ms. Moneda. Mabuhay!”

“Hep, hep. Did I told you to sit down?”

Muling tumindig ang mga estudiyanteng mahinang natawa sa maling balarila.

“Wrong grammar na naman siya,” bulong ni Errol sa katabi.

“Hindi. Sinadya niya ‘yon,” sabi ng may-ari ng bag na dinaganan ni Errol kanina (ang pangalan niya ay Elsa).

“Any problem over there? At the corner?”

Walang tumugon. Nangakatayo lang sila habang inuusisa ang yayat na katawan ni Ms. Moneda.

Lumapit ang guro sa lugar nina Errol. Ang ilang lalaki ay nagtawa nang mapansin may isang langaw na pumapapak sa bandang puwitan ng lilang damit ni Ms. Moneda. Nilinga niya ang mga ito nang marinig ang pagtatawa.

“Bakit?” Mabilis at takang-takang tanong niya.

“Wala po, Ma’am,” sagot ng isa.

Dahil sa kakarusan ni Errol ay nasagi niya ang nakatayong gitara at hindi niya ito nagawang isalba sa pagkakabagsak. Yumukod siya upang isaayos muli ang instrumento.

“Bakit may gitara dito?”

Hindi makasagot si Errol.

“What’s your name?”

“E-Errol po. Errol Cuevas.”

“Cuevas,” ulit ng guro sa isang tonong animo’y kilala niya ang binata. “Cuevas.” Bumalik siya sa harap ng panggurong lamesa.

“Ikaw kasi, eh,” galit na bulong ni Errol kay Elsa.

“Maupo na kayo.”

Unti-unting nakulayan ng paanas na usapan ang klase habang umuupo. Kapagdaka ay nawala rin naman nang magsalita nang muli si Ms. Moneda.

“Let me remind you of my name. I am Ms. Clarissa Moneda, your Statistics teacher.”

Alam ng buong klase na kapatid ni Ms. Moneda si Elsa, ngunit hindi ito malaking asunto, mas mahalaga pa sa kanilang malaman kung paano makasisipsip sa batang guro.

“Cuevas, I hope you know the rules of our school.” Walang pikitang nakatingin ang guro sa binanggit. “No guitars.”

Pumatlang ang sandaling pagkatahimik ng guro. Tumingin ito sa kisame.

“And where are your ID’s?”

Nagmadaling gumalaw ang mga kamay, pumaloob sa kanya-kanyang bag at nagsipaghanap. Isinukbit ng sasampung estudiyante ang kani-kanilang ID; kakaunti lang ang may suot nang ID kasama sina Gina, Elsa at Kim.

“How about the others?” Nakatingin pa rin siya sa kisame. Isa siyang Juang hintay ng hintay sa pagkahulog ng bayabas. Nang mabaling ang tingin sa mga kabataan, napabuntung-hininga siya at naglakad-lakad ng kaunti sa harapan.

“As your teacher, I should see to it,” may kabagalan niyang sabi na para bang ninanamnam ang bawat salitang Ingles na namumutawi sa bibig. “That I am responsible on implenting the rules and regulations of our school, with respect to this class.”

Wala pa ring mapaglagyan ng ingay sa loob ng klase maliban sa narinig nilang halakhakan sa kabilang kuwarto.

“And so,” pagpapatuloy niya. “I should see to it that you are all following the rules and regulations of our school.”

“Sirang plaka yata ‘yan, eh!” pasaring ni Errol.

“Come again, Mr. Cuevas?”

“Ma’am?” inosente niyang pagtataka habang niluluglog ng bahagya ang ulo.

“Ang walang dala—suot na ID sa Biyernes, which is our next meeting… Walang grade sa subject ko. Blangko. Maliwanag? If you do not want to follow the rules and regulations of our school…”

“Ewan ko sa’yo,” bulong ni Ramon sa sarili.

“…huwag na kayong mag-aral dito. Entender?”

Sukat na ang kasasatsat, naisip ni Ms. Moneda. “Now, get one-fourth piece of paper.”

“Quiz?”

“Bakit may quiz?”

“Tungkol saan?”

“Bakit?”

“Ha?”

“May naturo na ba?”

Walang naging tugon ang mga katanungang nagngitngitan.

Tumingin si Ms. Moneda sa orasang nakasabit sa dingding.

“I have a—a—a meeting afterwards, so let’s make this quick. This quiz is not worth any points. This is a special quiz. Paunahan. Napakasimple lang naman.” Nginitian niya ang mga lalaking tila hindi nakauunawa ng Ingles. “I will now giving out special quizzes everytime we start a grading period. Put your name now. All you have to do is answer this very simple question.” Hinintay niyang tumutok sa kanya ang lahat ng tingin. “Since Statistics ang subject natin, siguro naman alam niyo ang sagot dito. Ready na ba?”

Isang mahabang katahimikan ang bumalot sa lahat bago binasag ang tanong. “What is Statistics?”

Napangisi ang guro habang nakikitang walang maisagot ang mga estudiyante. Ang karamihan sa mga lalaki ay nagkukunwari lang na may isinusulat upang hindi mapahiya sa kani-kaniyang katabing babae. Walang mapaghugutan ang sinuman ng maisusulat sa papel maliban sa isang nagsisimula na sa pagsulat.

“The first one to hand me a correct answer…”

Nakatingin ang lahat sa kanya.

“…will be exempted on my First Periodic Test.”

Natuwa ang lahat pero nagkagulo sa pag-iisip.

Nang makita ng lahat ang paglapit ng isa sa guro, namangha sila sa kanyang lakas ng loob. Pangiti-ngiti si Ms. Moneda habang binabasa ang sagot ng mag-aaral.

“Statistics—the branch of Mathematics that deals with the interpretation and analysis of numeric data in terms of populations and samples. Very good.”

Abot-tainga ang ngiti ng guro samantalang napabuka na lang ang lahat ng bibig sa pagkagitla. Humupa ang anasan nang makaupo na ang mag-aaral.

Inilakip ng ngayo’y humihikab na guro ang piraso ng papel sa kanyang talaan.

“Alright, I think that’s it for today. May meeting pa ‘ko. I’ll see you on Friday.”

At hindi niya kinalimutan ang pangako bago tuluyang makalabas ng pintuan.

“And, take note that Mr. Kim Tiopez is exempted on the exam next month.”

SUSUNOD: Ang Babae sa Waiting Shed (November 5, 2007)

16 Tugon to “Missteryosa Chapter 4.”

  1. haha. yung exemption lang yung nabasa ko.

  2. Joanne Galang said

    babasahin ko ‘to next time, promise.😀

    saka ‘wag mo kong lagyan ng surname.

  3. aKDa said

    wow. ang galing nung pagkakadescribe nung isang karaniwang eksena sa klase. *thumbs up!*

    sa summer ko na lang susubaybayan ung mga kasunod na kabanata… ^_^

  4. Joanne said

    grabe ung description mo sa mga nangyari. ang haba. naduling ako.

    sana may ganyang exemption din samin.😀

    o ayan, binasa ko na. umuwi pa ko mula admoo para basahin ‘to ah (syempre joke ‘yon)

    ui eto pa, salamat nga pala sa pagtulong sa pag-translate ng ilang words in Filipino nung gumagawa ako ng Fil paper ah, nakakatuwa kasi ‘yung grade ko. ‘yun. salamat ulet.😀

  5. earthlotus said

    ayos sa pagsusulat ng artik-serye! haha..

    keep it up, hmm..

  6. dave said

    hmm.. mukhang pamilyar itong kwento na ito, mabuti naman at ipagpapatuloy mo na😛

  7. hanep sa details! at napakanatural ng dating. maisasalaysay lang ng isang taong mapagmasid at may kamalayan sa mga nangyayari sa paligid. kapag ganito ang pagkakasulat mawiwili akong magbasa ng mga kwentong tagalog.😀
    jonell, pumasyal ka nga please sa blog ko at mag-iwan ng “pirma” mo sa latest post ko (balik sa lungga). gusto kong naroon ang avatar mo bago ko i-close ang comments sa post ko. isinama kita sa blogroll ko dahil nakapanghihinayang kung higit sa lahat ay ikaw pa ang mawawala sa mga links ko. sa gayun, one-click away ka lang pag gusto kong basahin ang kwento mo😀

  8. i wonder what happened. bakit wala pa si jonell at ang missteryosa-singko?

  9. rodel said

    na touch ako???????

    by: simon

  10. soulwhohatesherownworld037 said

    qng icocompare ko si ms. moneda para xang ung tcher nmin sa stats nung 2nd yr plng ako..ang dming meetings..pero naabutan ko lang minsan sa library..haay..wla akong mxdong n22nn s stat.. Ü

  11. ghreizze said

    o no na???
    nasan na yung karugtong sinasabi mo???
    o baka hanggang title lang yung karugtong???

  12. eko said

    ang haba. hehehe..

  13. king said

    gling naman. ü

  14. McRey said

    Hey hey hey, vote mo naman ako sa Project Lafftrip ni Badoodles!

    Basahin mo yung instruction dito

    http://kwentongbarbero.com/project-lafftrip-laffapallooza/

    Pwede mo rin iboto sarili mo kapag sumali ka, pero kung ayaw mo, pedeng boto lang!

    Sige salamat!

    ***ang daeng fiction ah… like it like it… pero pinaka gusto ko yung magbestfriend si Mariel at yung bestfrind nya…nyahaha!

  15. pencilcase said

    idol talaga…

    hehehe..

    pirmado,
    ginoong lapis

  16. april said

    ang habahaba para sa isang maliit na kuwento…………pero ok lang maganda……

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: