Nakasabay ko na naman si Rolyn, kaklase ko noong elementary, sa pagbiyahe papasok sa school. Hindi ako nakapasok bago sumapit ang ikapito ng umaga. Nakakapanghinayang ang labing-anim na pisong lumusot sa bulsa ko upang ipampa-print sa project ko sa English.
Halos wala kaming ginawa sa unang klase. Isang normal na araw sa speech lab kung saan pinanood ko ang huling bahagi ng Marimar Episode 90 noong Biyernes. Pagbalik sa classroom, pinatapos sa iba ang project habang kaming tatlo nina Leska at Ysann ay nagkayayaang lumabas ng campus para kumain. Pumunta kami sa Mini Stop sa may harapan ng school at bumili ng tinapay kung tinapay man ang tawag doon at dalawang Red Horse Beer. Si Ysann ang dumiskarteng magpasok ng Red Horse sa campus. Tumambay kami sa may harapan ng library ng FEU-Main at doon namin lumango ni Leska.
Humiwalay si Ysann habang kaming dalawa ni Leska ay bumalik sa Fourth Floor para sa Trigo class namin. Nakapanluwag ng hininga ang balitang walang quiz na magaganap. Pinatabi ako ni Mike sa kanya para makapag-aral kami. Maya-maya ay nagalit ang prof namin dahil sa isang cellphone na di-umano’y apat na beses na tumunog at hindi man lang inagapan ng pagpatay nito. Sayang ang hindi natuloy na pagtuturo ng prof namin dahil lang sa inis sa nangyari.
11:00 na nang pumunta kami nina Randy, Barbie, Ayel, Regine, Andrea at iba pa sa Registrar’s Office para makapag-enroll ng maaga. Ipinaskil kasi sa bulletin boards ang mga pangalan naming mga scholar at ngayong araw kinakailangang mag-enroll. Dumating din sina David, Mike, Rannie, Maverick at Darren. Pagka-enroll ni David, nabahala siya sa grade niyang incomplete sa NSTP1 na hindi niya sinolusyonal noon pang nakaraang term. Nauna na kami para makapunta sa Lerma.
Kami nina Mike, Rannie at Darren ang sama-samang kumain sa isa sa mga kainang nakahanap sa Lerma. Humabol si David, hindi upang kumain dahilan ng kanyang kawalan ng gana. Pagkabalik namin sa school, nakakuwentuhan namin sa pinagtatambayan naming room habang break pa si Mr. Cerrer, ang Psychology prof namin. Tinawag ko siyang weird at pinaklian niya ako ng “Look who’s talking!”. Nagpatulong si David dito upang makagawa ng petition letter para maayos ang NSTP1 grade niya. Bago mag-ala una, nagkakuwentuhan kami ni Sir Cerrer tungkol sa mga kakaibang bagay. Nako, weird nga talaga siya. And so am I. Sa Psychology class namin, tinalakay ang Cognitive Development ng isang French psychologist, kung sino man siya. Ka-text ko nang mga sandaling iyon si Kristine.
Sa Filipino class naman, nag-ulat ng makalawang beses si Regine ngunit sumablay pa rin siya. Kasunod na sumalang sina Ayel (Robot), Randy (Matatandang Panggagamot) at Andrea (Hipnotismo). Napansin ni Ma’am Mars na hindi pa nagsasalita sa harap si Carlo kaya pinagbigyan niya itong makapagpakilala man lamang ng kanyang sarili sa harapan para magkaroon siya ng grade. Ang oral exam na iyon kung saan malaya kaming makapagtatalakay ng isang paksa sa loob ng sampung minuto ay katumbas ng final examination para sa subject na Filipino 1. Sobrang mahiyain ngayon ni Carlo kompara noong first term kung saan naging kaklase ko siya. Isang malaking salik ng katahimikan niya sa klase ang hindi niya pagkakaroon ng mga kaibigan sa I01. Bago matapos ang klase, bumaba ako sa Accounting Office upang tingnan kung maaari pang makakuha ng permit para sa Finals ngunit inayawan ako.
REPLEKSYON:
Nababa na naman ako ng salitang “seryoso” nang ito ang gamiting salita ng Filipino prof ko nang ilarawan niya ang bawat isa sa aming klase. Bumalik sa alaala ko ang araw na sinabihan ako ng Psychology teacher ko ng “You’re damn serious!”. Hindi ako isang taong mahiyain at hindi palaimik. Kakaiba ako para sa maraming tao. Matatas akong magsalita tungkol sa malalalim na bagay, may laman ang mga isipin, at higit sa lahat ay seryoso ang tingin nila sa akin. Wala silang mapansisisi sa ganitong sitwasyon ko. Ako man, hindi ko magawang sisihin ang sarili ko. Ngunit, ito ako at ang tanging paraan upang matanggap ko ang sarili ko bilang ganito ay harapin ang katotohanan seryoso akong tao.