Isa iyong araw ng Sabado nang nagkasundo kami ng best friend kong si Armie na pumunta sa National Library upang magsaliksik para sa aming term paper sa English. Ikawalo ng umaga sa loob ng 7-11 sa may kanto.
Kagaya ng dati, ako ang naunang dumating. Kung palagi lang kaming magpupustahan sa paunahan, sigurado ako sa aking pagkapanalo. Wala pang alas-otso nang nasa loob na ako ng naturang convenient store. Kagaya pa rin ng dati–na sa tuwina’y doon kami nagkikita–kailangan kong bumili upang maging kaaya-ayang tingnan ang aking pamamalagi sa loob. Nakakagutom nga namang maghintay sa isang babaeng ubod ng bagal. Kung ikaw ay lalaki, hindi na ako magtataka kung matu-turn off ka kaagad sa kanya. Sino ba naman ang matutuwa sa kabagalan niya? Aba’t daig niya pa ang pagong sa karera nila ng matsing! Hindi kagaya ng dati, dumating siya ng mas maaga sa aking inaasahan habang kumakain ako ng pandesal.
Mabilis lang. Kapansin-pansin ang maaliwalas na ispiritu ni Armie. Labinlimang taong gulang tulad ko, magkasintangkad lang kami… Mas may laman nga lang siya kung ituturing kaysa sa akin. Maiksi ang kanyang buhok habang ang akin ay mahaba. Husto na ang paghahambing! Baka umabot lang ito sa pag-ungkat ko sa isiping maganda siya habang ako ay–bahala na kayong humusga!
Sinabi ko nang mabilis lang. Bumiyahe kami kaagad patungong National Library. Isang oras ang naging biyahe namin. Sa gitna ng aming paglalakbay, ikinuwento sa akin ni Armie ang kanyang panaginip tungkol sa aming dalawa. Sa kanyang panaginip, magkasama kami sa isang madilim na silid. Ako daw ay labis na umiiyak sa kanyang balikat. Sa pagkakaunawa niya ay ibinubulalas ko daw ang aking mga hinaing habang siya naman ay patuloy ang pagtahan sa akin.
“Ano namang kalokohan ‘yan?” tanong ko sa kanya.
“Anong kalokohan? Akala mo naman nagbibiro ako. Ikinuwento ko lang naman, eh!”
“Akala ko naman kung anong tungkol sa inyong dalawa ng tatay mo ang ikukuwento mo… Sabi mo kahapon may sasabihin ka tungkol sa kanya.”
“Ayun, nandun pa rin siya sa bahay namin,” sabi ni Armie. “Hindi ko inasahang susulpot siya.”
“Huwag mong sabihing sinusundo ka na niya?” nakangiti kong itinanong kasabay ang dagli kong pagka-alaala ng tungkol sa problema niya sa kanyang pamilya. Naisip ko na mapalad talaga ako na buo kami ng aking pamilya–ako, si Daddy, si Mommy–hindi gaya ng kaibigan kong ito na matagal nang iniwan ng kanyang mga magulang. Masuwerte na rin siya’t kinakalinga siya ng kanyang tita. “O baka naman sa inyo na titira?”
“Ma, bayad po!” sigaw ng aleng malapit sa amin na nakisuyong iabot sa driver ng jeep ang kanyang bayad.
“Wala akong balak na sumama sa kanya kung mangyari man iyon, Jheanne,” paliwanag niya. “At isa pa, wala na akong pakialam sa kanya. Simula ng iwan niya ako, wasak na ang mundo ko, alam mo naman iyon, diba?”
Bukas na bukas ang kaibigan kong ito sa usapin patungkol sa kanyang nasirang pamilya, na para bang sa tuwinang nag-uusap kami ay padami ng padami ang nalalaman ko tungkol sa kanya. Marami siyang bagay na puwedeng sabihin sa iyo tungkol sa kanyang pamilya kapag magkausap kayong dalawa… tungkol sa mga kapatid na nawalay sa kanya, sa kanyang mga walang kuwentang magulang, tungkol sa hindi sa kanya pagsusustento ng mga ito, at maging tungkol sa himutok niya sa isa pang asawa ng kanyang tatay.
“Sabi niya kay Tita, may interview daw siya sa kung saanmang hindi ko alam kaya siya napadpad dito. Walang ibang matutuluyan…” pagpapatuloy niya. “Mangingibang-bansa daw kasi siya.”
“Ha? Mag-aabroad?”
“Oo. Maging ako man nagulat. Akalain mong may balak pa pala siyang palakihin ang mga kapatid ko. O baka naman maghahanap na naman siya ng ibang babae sa ibang bansa.”
“Ano ka ba naman? Huwag mo na ngang isipin ‘yang mga ganyang bagay! Basta ang importante maayos ang kalagayan mo sa piling ni Tita Grace. Buti nga hindi ka napariwara.”
“Buti, kamo, talaga!” lubos niyang pagsang-ayon. Nabaling na ang tingin niya sa labas ng sasakyan habang ako naman ay seryoso sa paborito kong gawain–ang pagmasdang maigi ang mukha ng mga pasahero sa jeep.
Gustung-gusto kong tumitig sa minsa’y mababait, minsa’y maaamo, minsa’y masungit na mukha ng mga taong aking nakikita, lalung-lalo na kapag wala akong magawa. Libangan ko na! Kaya nga’t madali kong maramdaman ang pulso ng tunay na ugali ng isang tao sa pagmamasid sa kanyang mukha ng mabuti at may pag-iingat.
Ilang sandali lang ay naroon na kami. Pagbaba ng jeep, hindi namin halos alam ang gagawin. Kabaligtaran man kung isipin, pumasok kami sa isang bagay na hindi talaga namin alam kung papaano magsisimula at kung paano magpapatuloy. Sa papasok pa lang ay wala akong kamalay-malay na itatakda ng tadhana sa lugar na iyon ang isang napakahalagang kaganapan.
itutuloy…